SEKSIYON 9
Humingi ng Hari ang mga Israelita
Naging masuwayin si Saul, ang unang hari ng Israel. Pumalit sa kaniya si David, na siyang pinangakuan ng Diyos ng tipan para sa isang walang-hanggang kaharian
PAGKAMATAY ni Samson, si Samuel ay naglingkod bilang propeta at hukom ng Israel. Lagi na lamang sinasabi ng mga Israelita sa kaniya na gusto nilang magkaroon ng isang hari, tulad ng ibang bansa. Bagaman insulto kay Jehova ang kanilang kahilingan, inutusan niya si Samuel na ibigay ang hinihingi nila. Pinili ng Diyos ang mapagpakumbabang lalaking si Saul para maging hari. Pero nang maglaon, lumaki ang ulo ni Haring Saul at naging masuwayin, kaya itinakwil siya ni Jehova bilang hari. Inutusan ni Jehova si Samuel na mag-atas ng kapalit—isang kabataang nagngangalang David. Pero lumipas pa ang maraming taon bago namahala si David bilang hari.
Malamang na binatilyo pa lamang noon si David nang magpunta siya sa kaniyang mga kapatid na kabilang sa hukbo ni Saul. Nanginginig sa takot ang buong hukbo dahil sa higanteng si Goliat, isang mandirigmang patuloy na tumutuya sa kanila at sa kanilang Diyos. Galít na galít si David sa panlalait ng higante, kaya tinanggap niya ang hamong makipaglaban dito. Dala ang isang panghilagpos at ilang bato bilang armas, hinarap ng binatilyo ang kaniyang kalaban, na ang taas ay mahigit siyam na piye. Nang laitin ni Goliat si David, sumagot si David at nagsabing mas malakas ang armas niya dahil pangalan ng Diyos na Jehova ang dala niya! Pinabagsak ni David si Goliat sa pamamagitan lamang ng isang bato at pinugutan ito ng ulo gamit ang mismong tabak ng higante. Nagtakbuhan sa takot ang mga Filisteo.
Noong una, hanga si Saul sa katapangan ni David, kaya inatasan niya ang binatang ito na maging lider ng kaniyang hukbo. Pero nainggit nang husto si Saul sa mga tagumpay ni David. Kinailangan ni David na tumakas at magtago sa loob ng maraming taon. Gayunman, nanatili pa ring tapat si David sa haring nagtatangkang pumatay sa kaniya, dahil alam niyang si Haring Saul ay hinirang ng Diyos na Jehova. Nang dakong huli, namatay si Saul sa isang digmaan. Di-nagtagal, si David ay naupo bilang hari, gaya ng ipinangako ni Jehova.
“Itatatag ko nga nang matibay ang trono ng kaniyang kaharian hanggang sa panahong walang takda.”—2 Samuel 7:13
Bilang hari, gustung-gusto ni David na magtayo ng templo para kay Jehova. Gayunman, sinabi ni Jehova kay David na isa sa mga anak niya ang magtatayo niyaon, at ito nga ay si Solomon. Pero ginantimpalaan ng Diyos si David sa pamamagitan ng isang kapana-panabik na tipan: Ang kaniyang angkan ang pagmumulan ng natatanging dinastiya ng mga hari. Sa dinastiya namang iyon magmumula ang Tagapagligtas, o Binhi, na ipinangako noon sa Eden. Ang isang ito ang magiging Mesiyas, na nangangahulugang “Pinahiran” ng Diyos. Nangako si Jehova na ang Mesiyas ang magiging Tagapamahala ng isang gobyerno, o Kaharian, na mananatili magpakailanman.
Bilang pasasalamat, nagtipon si David ng napakaraming materyales at mamahaling metal, gaya ng ginto at pilak, para sa pagtatayo ng templo. Napakilos din siya ng espiritu ng Diyos na kumatha ng maraming awit. Nang matanda na si David, sinabi niya: “Ang espiritu ni Jehova ang nagsalita sa pamamagitan ko, at ang kaniyang salita ay nasa aking dila.”—2 Samuel 23:2.
—Batay sa 1 Samuel; 2 Samuel; 1 Cronica; Isaias 9:7; Mateo 21:9; Lucas 1:32; Juan 7:42.