Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SEKSIYON 23

Lumaganap ang mabuting balita

Lumaganap ang mabuting balita

Naglakbay si Pablo para mangaral

MATAPOS makumberte, si Pablo ay masigasig na naghayag ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos​—pero ang dating salansang na ito ang siya na ngayong mahigpit na sinasalansang. Ang walang-pagod na apostol na ito ay naglakbay patungo sa malalayong lupain para ipangaral ang mabuting balita tungkol sa Kaharian, na siyang tutupad sa orihinal na layunin ng Diyos para sa mga tao.

Sa unang paglalakbay-misyonero ni Pablo, isang lalaking isinilang na lumpo ang pinagaling niya sa Listra. Dahil dito, ipinagsigawan ng mga tao na si Pablo at ang kaniyang kasamang si Bernabe ay mga diyos. Halos walang magawa ang dalawang lalaking ito para pigilan ang mga tao sa paghahandog sa kanila. Pero dahil sa sulsol ng mga kaaway, ang mga tao ring ito ang bumato kay Pablo, at saka lamang siya iniwan sa pag-aakalang patay na siya. Pero nakaligtas siya, at nang maglaon ay bumalik sa lunsod na iyon para patibayin ang mga alagad.

May mga Judiong Kristiyano noon na nangangatuwirang dapat sumunod ang mga di-Judiong mánanampalatayá sa ilang bahagi ng Kautusan ni Moises. Idinulog ni Pablo ang problemang ito sa mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem. Matapos pag-aralang mabuti ang Kasulatan at hingin ang patnubay ng banal na espiritu ng Diyos, ang mga lalaking ito ay sumulat sa mga kongregasyon. Pinayuhan nila ang mga ito na umiwas sa idolatriya, pakikiapid, at pagkain ng dugo at ng karneng di-pinatulo ang dugo. Ang mga utos na ito ay “mga bagay . . . na kinakailangan,” pero ang pagsunod sa mga ito ay hindi naman nangangahulugang kailangan pa ring sundin ang Kautusang Mosaiko.​—Gawa 15:28, 29.

Sa ikalawang paglalakbay-misyonero ni Pablo, pumunta siya sa Berea, na ngayo’y nasa modernong-panahong Gresya. May-pananabik na tinanggap ng mga Judio roon ang kaniyang mga turo, na sinusuri ang Kasulatan araw-araw para tiyakin kung totoo nga ang mga ito. Pero dahil sa pagsalansang, napilitan na naman siyang umalis. Sa pagkakataong ito, pumunta siya sa Atenas. Sa harap ng mga edukadong taga-Atenas, nagbigay si Pablo ng mapuwersang pahayag na isang magandang halimbawa ng paggamit ng taktika, kaunawaan, at kahusayan sa pagsasalita.

Matapos ang ikatlong paglalakbay-misyonero ni Pablo, pumunta siya sa Jerusalem. Nang magtungo siya sa templo, may ilang Judio na nagpasimuno ng gulo at gusto siyang patayin. Namagitan ang mga kawal na Romano at pinagtatanong si Pablo. Gamit ang pagkamamamayang Romano, ipinagtanggol niya ang kaniyang sarili sa harap ng Romanong gobernador na si Felix. Walang maipakitang ebidensiya ang mga Judio para suportahan ang kanilang akusasyon kay Pablo. Para hindi siya ibigay ni Festo, isa pang Romanong gobernador, sa kamay ng mga Judio, sinabi ni Pablo: “Umaapela ako kay Cesar!” Sumagot si Festo: “Kay Cesar ka paroroon.”​—Gawa 25:11, 12.

Isinakay si Pablo sa isang barko para dalhin sa Italya at doon litisin. Nawasak ang barkong sinasakyan nila, kung kaya nagpalipas muna sila ng taglamig sa pulo ng Malta. Pagdating sa Roma, nanirahan siya sa isang paupahang bahay sa loob ng dalawang taon. Bagaman may bantay na kawal ang masigasig na apostol na ito, patuloy pa rin niyang ipinangangaral ang Kaharian ng Diyos sa mga dumadalaw sa kaniya.

—Batay sa Gawa 11:22–28:31.