SEKSIYON 14
Nagsalita ang Diyos sa Pamamagitan ng mga Propeta
Nag-atas si Jehova ng mga propeta para magdala ng mga mensaheng may kinalaman sa paghatol, dalisay na pagsamba, at sa pagdating ng Mesiyas
NOONG panahon ng mga hari ng Israel at Juda, isang natatanging grupo ng mga lalaki ang nagdala ng mensahe ng Diyos—ang mga propeta. Sila’y mga lalaking may pambihirang pananampalataya at lakas ng loob. Tingnan natin ang apat na mahahalagang tema na unti-unting nabuo sa pamamagitan ng mga propeta ng Diyos.
1. Pagkawasak ng Jerusalem. Matagal pa bago mawasak at maging iláng ang Jerusalem, nagbababala na ang mga propeta ng Diyos—partikular na sina Isaias at Jeremias—tungkol sa mangyayaring ito. Malinaw nilang nailarawan kung bakit nagalit sa lunsod ang Diyos. Inaangkin ng mga tagaroon na sinasamba nila si Jehova, pero nagsasagawa naman sila ng katiwalian, karahasan, at mga relihiyosong kaugalian na kinasusuklaman ng Diyos.—2 Hari 21:10-15; Isaias 3:1-8, 16-26; Jeremias 2:1–3:13.
2. Pagsasauli ng dalisay na pagsamba. Makakalaya ang bayan ng Diyos matapos ang 70-taóng pagkabihag sa Babilonya. Babalik sila sa Jerusalem at itatayong muli ang templo ni Jehova. (Jeremias 46:27; Amos 9:13-15) Mga 200 taon bago nito, inihula ni Isaias ang pangalan ng manlulupig—si Ciro—na siyang magpapabagsak sa Babilonya at magpapahintulot sa bayan ng Diyos na isauli ang dalisay na pagsamba. Dinetalye pa nga ni Isaias ang kakaibang estratehiya na gagamitin ni Ciro.—Isaias 44:24–45:3.
3. Pagdating ng Mesiyas at ang magiging buhay niya sa lupa. Isisilang ang Mesiyas sa bayan ng Betlehem. (Mikas 5:2) Magiging mapagpakumbaba siya, anupat darating sa Jerusalem sakay ng isang asno. (Zacarias 9:9) Bagaman mahinahon at mabait, marami ang maiinis at hindi tatanggap sa kaniya. (Isaias 42:1-3; 53:1, 3) Daranas siya ng malupit na kamatayan. Iyon kaya ang magiging katapusan ng Mesiyas? Hindi, dahil ang kaniyang kamatayan ay mangangahulugan ng kapatawaran ng kasalanan para sa marami. (Isaias 53:4, 5, 9-12) At maisasakatuparan lamang iyan sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa kaniya.
4. Pamamahala ng Mesiyas. Ang mga taong di-sakdal ay talagang walang kakayahang mamahala sa kanilang sarili nang may kapayapaan, pero ang Mesiyanikong Hari ay tatawaging Prinsipe ng Kapayapaan. (Isaias 9:6, 7; Jeremias 10:23) Sa ilalim ng kaniyang pamamahala, magkakaroon ng kapayapaan sa gitna ng mga tao at magiging maamo ang lahat ng hayop. (Isaias 11:3-7) Mawawala na ang sakit. (Isaias 33:24) Wala na ring mamamatay. (Isaias 25:8) Sa panahon ng pamamahala ng Mesiyas, ang mga patay ay bubuhaying muli sa lupa.—Daniel 12:13.
—Batay sa mga aklat ng Isaias, Jeremias, Daniel, Amos, Mikas, at Zacarias.