SEKSIYON 8
Pumasok sa Canaan ang Israel
Sa pangunguna ni Josue, sinakop ng Israel ang Canaan. Binigyan ni Jehova ng kapangyarihan ang mga hukom para iligtas ang kaniyang bayan mula sa pang-aapi
MGA ilang siglo bago pumasok sa Canaan ang Israel, ipinangako ni Jehova na aariin ng mga inapo ni Abraham ang lupaing iyon. Ngayon, sa pangunguna ni Josue, handa nang ariin ng mga Israelita ang Lupang Pangako.
Karapat-dapat sa pagkapuksa ang mga Canaanita, gaya ng inihatol ng Diyos. Ang lupain ay pinunô nila ng nakapandidiring seksuwal na mga gawain, pati na ng karumal-dumal na karahasan. Kaya ang mga lunsod ng Canaan na sasakupin ng mga Israelita ay lubusang pupuksain.
Pero bago sila pumasok sa lupain, nagsugo muna si Josue ng dalawang espiya para manmanan ang lunsod ng Jerico. Pinatuloy sila ng babaing si Rahab at itinago sa kaniyang bahay, kahit alam niyang mga Israelita sila. Mula nang mabalitaan ni Rahab ang pagliligtas ni Jehova sa Kaniyang bayan, nanampalataya siya sa Diyos ng Israel. Nakiusap siya sa mga espiya na ipangakong makaliligtas siya at ang kaniyang sambahayan.
Nang makapasok ang mga Israelita sa Canaan at makarating sa Jerico, makahimalang pinabagsak ni Jehova ang mga pader ng lunsod. Sumugod ang hukbo ni Josue at winasak ang lunsod, pero iniligtas nila si Rahab at ang pamilya nito. Sa loob lamang ng anim na taon, nasakop ni Josue ang malaking bahagi ng Lupang Pangako. Pagkatapos, ang lupain ay pinarte-parte sa mga tribo ng Israel.
Matagal na naglingkod sa Diyos si Josue at nang malapit na siyang mamatay, ipinatawag niya ang buong bayan. Ipinaalaala niya sa kanila ang naging pakikitungo ni Jehova sa kanilang mga ninuno at pinasigla silang patuloy na maglingkod kay Jehova. Pero pagkamatay ni Josue at ng mga kasama niyang matatandang lalaki, tumalikod ang mga Israelita kay Jehova at sumamba sa mga diyos-diyosan. Sa loob ng mga 300 taon, hindi laging sinusunod ng bayan ang mga kautusan ni Jehova. Noong mga panahong iyon, hinayaan ni Jehova ang Israel na apihin ng mga kaaway nito, gaya ng mga Filisteo. Pero humingi ng tulong kay Jehova ang mga Israelita, kung kaya nag-atas siya ng mga hukom—lahat-lahat ay 12—para iligtas sila.
Ang panahon ng mga Hukom na nakaulat sa aklat ng Mga Hukom ay nagsimula kay Otniel at nagtapos kay Samson, ang pinakamalakas na taong nabuhay kailanman. Makikita sa kapana-panabik na ulat ng aklat na ito ng Bibliya ang isang simpleng aral: Ang pagsunod kay Jehova ay nagdudulot ng biyaya, samantalang ang pagsuway naman ay kapahamakan.
—Batay sa Josue; Hukom; Levitico 18:24, 25.