Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SEKSIYON 4

Nakipagtipan ang Diyos kay Abraham

Nakipagtipan ang Diyos kay Abraham

Taglay ang pananampalataya, sumunod si Abraham sa Diyos, at nangako si Jehova na pagpapalain siya at pararamihin ang kaniyang mga inapo

MGA 350 taon na ang nakalilipas mula nang maganap ang Baha noong panahon ni Noe. Si Abraham ay naninirahan sa maunlad na lunsod ng Ur, na nasa bansang kilalá ngayon bilang Iraq. Siya ay isang lalaking may pambihirang pananampalataya. Pero masusubok ito ngayon.

Inutusan ni Jehova si Abraham na umalis sa kaniyang lupang tinubuan at lumipat sa isang banyagang lupain, ang Canaan. Hindi nagdalawang-isip si Abraham. Isinama niya ang kaniyang buong sambahayan​—ang kaniyang asawang si Sara, pamangking si Lot, at mga tagapaglingkod. Matapos ang mahabang paglalakbay, dumating sila sa Canaan at nanirahan sa mga tolda. Sa pakikipagtipan kay Abraham, nangako si Jehova na gagawa Siya ng isang dakilang bansa mula sa kaniya, na pagpapalain sa pamamagitan niya ang lahat ng pamilya sa daigdig, at na aariin ng kaniyang mga anak ang lupain ng Canaan.

Yumaman sina Abraham at Lot, at dumami ang kanilang mga tupa at mga baka. Palibhasa’y mapagbigay si Abraham, pinapili niya si Lot kung anong teritoryo ang gusto nitong ariin. Ang mabungang distrito ng Ilog Jordan ang pinili ni Lot at nanirahan sila malapit sa lunsod ng Sodoma. Pero ang mga taga-Sodoma ay imoral​—mga taong sagad sa buto ang kasamaan.

Nang maglaon, nangako ang Diyos na Jehova kay Abraham na magiging kasindami ng mga bituin sa langit ang kaniyang binhi. Nagtiwala si Abraham sa pangakong iyan. Pero hindi pa rin nagdadalang-tao ang mahal niyang asawang si Sara. Nang si Abraham ay 99 na taóng gulang na at si Sara naman ay malapit nang mag-90, sinabi ng Diyos kay Abraham na magkakaroon sila ng isang anak na lalaki. Nagkatotoo nga ang sinabi ng Diyos, at isinilang ni Sara si Isaac. May iba pang mga anak si Abraham, pero kay Isaac magmumula ang darating na Tagapagligtas na ipinangako noon sa Eden.

Samantala, bagaman naninirahan sa Sodoma ang matuwid na si Lot at ang kaniyang pamilya, hindi siya naging tulad ng imoral na mga tagaroon. Nang ipasiya ni Jehova na puksain ang mga taga-Sodoma, nagsugo siya ng mga anghel para babalaan si Lot tungkol sa nalalapit na pagpuksang iyon. Sinabihan ng mga anghel si Lot at ang kaniyang pamilya na umalis agad sa Sodoma at huwag lumingon sa likuran. Pagkatapos, ang Diyos ay nagpaulan ng apoy at asupre sa Sodoma at sa kalapít nitong lunsod ng Gomorra na napakasama rin. Napuksa ang lahat ng naninirahan sa dalawang lunsod na ito. Nakatakas si Lot at ang kaniyang dalawang anak na babae. Pero lumingon sa likuran ang asawa ni Lot, marahil dahil sa panghihinayang sa mga naiwan nilang ari-arian. Buhay niya ang naging kapalit ng kaniyang pagsuway.

​—Batay sa Genesis 11:10–19:38.