Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 18

Dapat Ba Akong Mag-alay sa Diyos at Magpabautismo?

Dapat Ba Akong Mag-alay sa Diyos at Magpabautismo?

1. Ano ang puwede mong maisip matapos pag-aralang mabuti ang aklat na ito?

MARAMI ka nang natutuhang katotohanan sa Bibliya sa pag-aaral mo ng aklat na ito, gaya ng pangako ng Diyos na buhay na walang hanggan, kalagayan ng mga patay, at pag-asang pagkabuhay-muli. (Eclesiastes 9:5; Lucas 23:43; Juan 5:28, 29; Apocalipsis 21:3, 4) Baka dumadalo ka na rin sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova at naniniwalang tunay ang pagsamba nila. (Juan 13:35) Baka sinisikap mo na ring mas mapalapít kay Jehova, at baka gusto mo na ring paglingkuran siya. Kaya baka maisip mo, ‘Ano ang dapat kong gawin para mapaglingkuran ang Diyos?’

2. Bakit gustong magpabautismo ng Etiope?

2 Naisip din iyan ng isang Etiope noong panahon ni Jesus. Di-nagtagal matapos buhaying muli si Jesus, napangaralan ng alagad na si Felipe ang lalaking ito. Pinatunayan sa kaniya ni Felipe na si Jesus ang Mesiyas. Napakilos ang Etiope sa natutuhan niya, kaya sinabi niya: “Tingnan mo, may tubig dito; ano ang nakahahadlang sa akin na magpabautismo?”—Gawa 8:26-36.

3. (a) Anong utos ang ibinigay ni Jesus sa mga tagasunod niya? (b) Ano ang tamang paraan ng pagbabautismo?

3 Malinaw na itinuturo ng Bibliya na kung gusto mong paglingkuran si Jehova, dapat kang magpabautismo. Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya: “Gumawa [kayo] ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa, na binabautismuhan sila.” (Mateo 28:19) Nagpakita rin ng halimbawa si Jesus nang siya mismo ay magpabautismo. Inilubog siya sa tubig, at hindi lang basta winisikan ng tubig sa ulo. (Mateo 3:16) Sa ngayon, kapag binabautismuhan ang isang Kristiyano, dapat ding ilubog ang buong katawan niya sa tubig.

4. Kapag nagpabautismo ka, ano ang ipinapakita mo?

4 Kapag nagpabautismo ka, ipinapakita mo sa iba na gusto mo talagang maging kaibigan ng Diyos at paglingkuran siya. (Awit 40:7, 8) Kaya baka maisip mo, ‘Ano ang kailangan kong gawin para mabautismuhan?’

KAALAMAN AT PANANAMPALATAYA

5. (a) Ano muna ang dapat mong gawin bago ka mabautismuhan? (b) Bakit mahalaga ang mga Kristiyanong pagpupulong?

5 Bago ka mabautismuhan, dapat mo munang makilala si Jehova at si Jesus. Ginagawa mo na ito mula nang mag-aral ka ng Bibliya. (Basahin ang Juan 17:3.) Pero mayroon ka pang dapat gawin. Sinasabi ng Bibliya na dapat “mapuno [ka] ng tumpak na kaalaman” tungkol sa kalooban ni Jehova. (Colosas 1:9) Mas mapapalapít ka kay Jehova sa tulong ng mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Kaya mahalagang laging dumalo sa mga pulong na iyon.—Hebreo 10:24, 25.

Bago magpabautismo, kailangan mong pag-aralan ang Bibliya

6. Gaano karami ang kailangan mong malaman tungkol sa Bibliya bago ka mabautismuhan?

6 Hindi naman inaasahan ni Jehova na alam mo na ang lahat ng nasa Bibliya bago ka mabautismuhan. Hindi siya umaasang alam na ng Etiope ang lahat bago ito mabautismuhan. (Gawa 8:30, 31) At walang katapusan ang pag-aaral tungkol sa Diyos. (Eclesiastes 3:11) Pero para mabautismuhan, kailangan mong malaman at tanggapin kahit ang pangunahing mga turo ng Bibliya.—Hebreo 5:12.

7. Ano ang naitulong sa iyo ng pag-aaral ng Bibliya?

7 Sinasabi ng Bibliya: “Kung walang pananampalataya, imposibleng mapalugdan . . . ang Diyos.” (Hebreo 11:6) Kaya kailangan mong magkaroon ng pananampalataya bago ka mabautismuhan. Sinasabi sa atin ng Bibliya na may mga taga-Corinto noon na nakarinig ng itinuturo ng mga tagasunod ni Jesus, kaya sila ay “nanampalataya at nabautismuhan.” (Gawa 18:8) Gaya nila, natulungan ka rin ng pag-aaral ng Bibliya na magkaroon ng pananampalataya sa mga pangako ng Diyos at sa sakripisyo ni Jesus, na makapagliligtas sa atin mula sa kasalanan at kamatayan.—Josue 23:14; Gawa 4:12; 2 Timoteo 3:16, 17.

SABIHIN SA IBA ANG MGA KATOTOHANAN SA BIBLIYA

8. Ano ang magpapakilos sa iyo na sabihin sa iba ang natututuhan mo?

8 Habang natututo ka sa Bibliya at nakikita kung paano ito nakakatulong sa buhay mo, mas titibay ang pananampalataya mo. Magpapakilos ito sa iyo na sabihin sa iba ang natututuhan mo. (Jeremias 20:9; 2 Corinto 4:13) Pero kanino mo ito dapat sabihin?

Dapat kang pakilusin ng pananampalataya na sabihin sa iba ang paniniwala mo

9, 10. (a) Kanino mo puwedeng sabihin ang mga natututuhan mo? (b) Ano ang dapat mong gawin kung gusto mo nang mangaral kasama ng kongregasyon?

9 Baka gusto mong sabihin sa mga kapamilya mo, kaibigan, kapitbahay, o katrabaho ang natututuhan mo. Maganda iyan, pero lagi mong gawin iyan sa mabait at magalang na paraan. Di-magtatagal, makakasama ka na rin ng kongregasyon sa pangangaral. Kapag sa tingin mo ay handa ka na, puwede mong kausapin ang nagtuturo sa iyo ng Bibliya at sabihin sa kaniya na gusto mo nang sumama sa pangangaral. Kung sa tingin niya ay handa ka na at kung namumuhay ka na ayon sa mga pamantayan ng Bibliya, makikipag-usap kayo sa dalawang elder ng kongregasyon.

10 Ano ang pag-uusapan ninyo? Aalamin ng mga elder kung naiintindihan at pinaniniwalaan mo ang pangunahing mga turo ng Bibliya, kung sinusunod mo ang Bibliya sa pang-araw-araw na buhay mo, at kung talagang gusto mong maging Saksi ni Jehova. Tandaan na nasa pangangalaga ng mga elder ang lahat ng miyembro ng kongregasyon, kasama ka, kaya huwag matakot na makipag-usap sa kanila. (Gawa 20:28; 1 Pedro 5:2, 3) Pagkatapos ng pag-uusap ninyo, sasabihin sa iyo ng mga elder kung puwede ka nang mangaral kasama ng kongregasyon.

11. Bakit napakahalagang gumawa ng mga pagbabago bago ka payagang mangaral kasama ng kongregasyon?

11 Baka ipaliwanag sa iyo ng mga elder na may kailangan ka pang gawing pagbabago bago ka payagang mangaral kasama ng kongregasyon. Bakit napakahalagang gawin ang mga pagbabagong iyon? Dahil kapag nakikipag-usap tayo sa iba tungkol sa Diyos, dala natin ang pangalan ni Jehova kaya dapat tayong mamuhay sa paraang nagpaparangal sa kaniya.—1 Corinto 6:9, 10; Galacia 5:19-21.

MAGSISI AT MANUMBALIK

12. Bakit kailangan nating lahat na magsisi?

12 Mayroon ka pang dapat gawin bago mabautismuhan. Sinabi ni apostol Pedro: “Magsisi kayo at manumbalik para mapatawad ang inyong mga kasalanan.” (Gawa 3:19) Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ito na dapat mong seryosong pagsisihan ang mga nagawa mong mali. Halimbawa, kung namuhay ka nang imoral, kailangan mong magsisi. Kung sa buong buhay mo naman ay sinikap mong gawin ang tama, kailangan mo pa ring magsisi, dahil lahat tayo ay nagkakasala at kailangang humingi ng kapatawaran sa Diyos.—Roma 3:23; 5:12.

13. Ano ang ibig sabihin ng “manumbalik”?

13 Sapat na ba ang magsisi sa mga nagawa mo? Hindi. Sinabi ni Pedro na kailangan mo ring “manumbalik.” Ibig sabihin, kailangan mong talikuran ang lahat ng masasamang gawain mo dati at gawin ang tama. Para mas maintindihan ito, isiping naglalakbay ka papunta sa isang lugar na ngayon mo pa lang pupuntahan. Sa paglalakbay mo, napansin mong mali pala ang dinaraanan mo. Ano ang gagawin mo? Siguradong hihinto ka, babalik, at pupunta sa tamang daan. Ganiyan din sa pag-aaral ng Bibliya. Baka makita mong may mga nakasanayan ka o may mga bagay sa buhay mo na kailangang baguhin. Maging handang “manumbalik,” o gumawa ng kinakailangang pagbabago, at gawin ang tama.

MAG-ALAY

Nangako ka na ba kay Jehova na paglilingkuran mo siya?

14. Paano ginagawa ang pag-aalay ng sarili sa Diyos?

14 Ang isa pang kailangan mong gawin bago magpabautismo ay ang mag-alay ng sarili kay Jehova. Kapag inialay mo ang sarili mo kay Jehova, nananalangin ka sa kaniya para ipangako na siya lang ang sasambahin mo at na gagawin mong pinakamahalaga sa buhay mo ang paggawa ng kalooban niya.—Deuteronomio 6:15.

15, 16. Ano ang magpapakilos sa isang tao na ialay ang buhay niya sa Diyos?

15 Kapag nangako ka kay Jehova na siya lang ang paglilingkuran mo, katulad ito ng pangangako sa minamahal mo na siya lang ang gusto mong makasama habambuhay. Isipin ang isang magkasintahan. Habang mas nakikilala ng lalaki ang babae, lalo niya itong minamahal at gusto niya itong pakasalan. Kahit seryosong desisyon ito, handang tanggapin ng lalaki ang responsibilidad dahil mahal niya ang kasintahan niya.

16 Habang nakikilala mo si Jehova, lalo mo siyang minamahal at gusto mong gawin ang lahat para paglingkuran siya. Mapapakilos ka nito na manalangin para mangakong paglilingkuran siya. Sinasabi ng Bibliya na kung gustong sumunod ng isa kay Jesus, dapat niyang “itakwil ang kaniyang sarili.” (Marcos 8:34) Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ito na magiging pinakamahalaga sa buhay mo ang pagsunod kay Jehova. Ang gusto ni Jehova ang mas mahalaga kaysa sa mga gusto mong gawin.—Basahin ang 1 Pedro 4:2.

HUWAG MATAKOT NA MAGKAMALI

17. Bakit may mga taong ayaw mag-alay kay Jehova?

17 May mga taong ayaw mag-alay kay Jehova dahil natatakot sila na baka hindi nila matupad ang pangako nilang paglingkuran siya. Ayaw nilang masaktan si Jehova, o baka iniisip nila na kung hindi sila nakaalay kay Jehova, hindi sila mananagot sa anumang gagawin nila.

18. Ano ang tutulong sa iyo na madaig ang takot na hindi mapalugdan si Jehova?

18 Matutulungan ka ng pag-ibig mo kay Jehova na madaig ang takot na hindi siya mapalugdan. Dahil mahal mo siya, gagawin mo ang lahat para matupad ang pangako mo sa kaniya. (Eclesiastes 5:4; Colosas 1:10) Hindi mo iisipin na napakahirap gawin ng gusto ni Jehova. Isinulat ni apostol Juan: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos: Sundin natin ang mga utos niya; at ang mga utos niya ay hindi pabigat.”—1 Juan 5:3.

19. Bakit hindi ka dapat matakot na ialay ang iyong sarili kay Jehova?

19 Hindi mo kailangang maging perpekto para maialay ang iyong sarili kay Jehova. Hindi niya tayo hinihilingang gawin ang hindi natin kaya. (Awit 103:14) Tutulungan ka niyang gawin ang tama. (Isaias 41:10) Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso mo, at “itutuwid niya ang mga daan mo.”—Kawikaan 3:5, 6.

PAGPAPAHAYAG NG PANANAMPALATAYA PARA SA KALIGTASAN

20. Kapag inialay mo na ang sarili mo sa Diyos, ano ang susunod mong gagawin?

20 Handa mo na bang ialay ang sarili mo kay Jehova? Kapag ginawa mo na iyan, handa ka na sa susunod na hakbang—ang magpabautismo.

21, 22. Paano mo ‘maipahahayag’ ang pananampalataya mo?

21 Ipaalam sa koordineytor ng lupon ng matatanda na inialay mo na kay Jehova ang sarili mo at gusto mo nang magpabautismo. Pagkatapos, rerepasuhin sa iyo ng ilang elder ang pangunahing mga turo ng Bibliya. Kapag nakita nilang handa ka na, sasabihin nila na puwede ka nang mabautismuhan sa susunod na asamblea o kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Sa asamblea, may pahayag na magpapaliwanag ng kahulugan ng bautismo. Tatanungin ng tagapagsalita ang mga magpapabautismo ng dalawang tanong. Sa pagsagot mo sa mga tanong na iyon, “ipinahahayag” mo ang pananampalataya mo.—Roma 10:10.

22 Pagkatapos, babautismuhan ka na. Ilulubog ka sa tubig. Ipinapakita ng bautismo na inialay mo na ang buhay mo kay Jehova at isa ka nang Saksi ni Jehova.

ANG KAHULUGAN NG IYONG BAUTISMO

23. Ano ang kahulugan ng bautismo “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu”?

23 Sinabi ni Jesus na ang mga alagad niya ay dapat mabautismuhan “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.” (Basahin ang Mateo 28:19.) Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ito na kinikilala mo ang awtoridad ni Jehova at ang papel ni Jesus sa layunin ng Diyos at kung paano ginagamit ng Diyos ang banal na espiritu para gawin ang kalooban niya.—Awit 83:18; Mateo 28:18; Galacia 5:22, 23; 2 Pedro 1:21.

Kapag nagpabautismo ka, ipinapakita mong gusto mong gawin ang kalooban ng Diyos

24, 25. (a) Ano ang kahulugan ng bautismo? (b) Ano ang pag-uusapan natin sa susunod na kabanata?

24 May napakahalagang kahulugan ang bautismo. Kapag inilubog ka sa tubig, nangangahulugan ito na namatay ka na o iniwan mo na ang dati mong pamumuhay. Kapag umahon ka sa tubig, nangangahulugan ito na nabuhay ka na para gawin ang kalooban ng Diyos. Ipinapakita nito na maglilingkod ka na kay Jehova mula ngayon. Tandaan na hindi ka nakaalay sa isang tao, organisasyon, o gawain. Inialay mo ang buhay mo kay Jehova.

25 Dahil sa pag-aalay mo, lalo kang mapapalapít sa Diyos. (Awit 25:14) Hindi ito nangangahulugan na ligtas na ang isang tao kapag nagpabautismo siya. Isinulat ni apostol Pablo: “Patuloy rin ninyong gawin ang buong makakaya ninyo nang may takot at panginginig para maligtas kayo.” (Filipos 2:12) Ang bautismo ay pasimula pa lang. Pero paano ka makapananatiling malapít kay Jehova? Sasagutin iyan sa huling kabanata ng aklat na ito.