Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 3

Pumili ng mga Kaibigang Nagmamahal sa Diyos

Pumili ng mga Kaibigang Nagmamahal sa Diyos

“Ang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong.”—KAWIKAAN 13:20.

1-3. (a) Ano ang matututuhan natin sa Kawikaan 13:20? (b) Bakit dapat tayong maging matalino sa pagpili ng kaibigan?

NAPAGMASDAN mo na ba ang isang sanggol habang nakatitig ito sa mga magulang niya? Bago pa siya matutong magsalita, ginagaya na niya ang lahat ng naririnig at nakikita niya. Habang lumalaki siya, kusa niyang natutularan ang mga magulang niya. Hindi nga nakapagtataka kung magaya rin ng mga adulto ang pag-iisip at pagkilos ng mga lagi nilang nakakasama.

2 May matututuhan tayo sa Kawikaan 13:20: “Ang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong.” Kapag sinabing “lumalakad na kasama” ng isa, ibig sabihin, naglalaan ka ng panahon kasama niya. Hindi lang ito basta pagsama sa taong iyon. Ayon sa isang iskolar ng Bibliya, kapag ikaw ay lumalakad na kasama ng isang tao, ipinapakita mo rin na mahal mo ang taong iyon at malapít ka sa kaniya. Malaki ang impluwensiya sa atin ng mga lagi nating nakakasama, lalo na kung malapít tayo sa kanila.

3 Ang mga kaibigan natin ay puwedeng makabuti o makasamâ sa atin. Sinasabi rin sa Kawikaan 13:20: “Ang sumasama sa mga mangmang ay mapapahamak.” Sa Hebreo, ang salitang “sumasama” sa isang tao ay puwedeng mangahulugang “makisama” sa taong iyon, o makipagkaibigan sa kaniya. (Kawikaan 22:24; Hukom 14:20) Kapag mahal ng mga kaibigan natin ang Diyos, tutulungan nila tayong manatiling tapat sa kaniya. Para maging matalino tayo sa pagpili ng mga kaibigan, pag-usapan natin kung anong klase ng mga tao ang pinipili ni Jehova na maging kaibigan niya.

SINO ANG MGA KAIBIGAN NG DIYOS?

4. Bakit isang napakalaking karangalan na maging kaibigan ng Diyos? Bakit tinawag ni Jehova si Abraham na “kaibigan ko”?

4 Gusto tayong maging kaibigan ni Jehova, ang Soberano ng Uniberso. Isang napakalaking karangalan iyan. Pinipiling mabuti ni Jehova ang magiging kaibigan niya. Dapat na mahal nila siya at nananampalataya sila sa kaniya. Alalahanin si Abraham. Handa niyang gawin ang lahat para sa Diyos. Paulit-ulit na pinatunayan ni Abraham na tapat siya at masunurin. Handa pa nga niyang ihandog ang anak niyang si Isaac. Nanampalataya si Abraham na “kaya ng Diyos na buhayin itong muli.” (Hebreo 11:17-19; Genesis 22:1, 2, 9-13) Tapat at masunurin si Abraham, kaya tinawag siya ni Jehova na “kaibigan ko.”—Isaias 41:8; Santiago 2:21-23.

5. Ano ang tingin ni Jehova sa mga tapat sa kaniya?

5 Mahalaga kay Jehova ang mga kaibigan niya. Pangunahin kasi sa kanila ang maging tapat sa kaniya. (Basahin ang 2 Samuel 22:26.) Tapat sila at masunurin dahil mahal nila siya. Sinasabi ng Bibliya na “ang matuwid [o, masunurin sa Diyos] ay matalik niyang kaibigan.” (Kawikaan 3:32) Inaanyayahan ni Jehova ang mga kaibigan niya na maging espesyal na panauhin sa “tolda” niya. Inaanyayahan niya sila na sambahin siya at manalangin sa kaniya anumang oras.—Awit 15:1-5.

6. Paano natin maipapakitang mahal natin si Jesus?

6 Sinabi ni Jesus: “Kung ang sinuman ay nagmamahal sa akin, tutuparin niya ang aking salita, at iibigin siya ng aking Ama.” (Juan 14:23) Kaya para maging kaibigan ni Jehova, kailangan din nating mahalin si Jesus at sundin siya. Halimbawa, sinusunod natin ang utos ni Jesus na ipangaral ang mabuting balita at gumawa ng mga alagad. (Mateo 28:19, 20; Juan 14:15, 21) Dahil mahal natin si Jesus, ‘sinusundan nating mabuti ang mga yapak niya.’ (1 Pedro 2:21) Masaya si Jehova kapag nakikita niyang ginagawa natin ang lahat para tularan ang Anak niya sa sinasabi at ginagawa natin.

7. Bakit dapat nating tiyakin na ang mga kaibigan natin ay kaibigan din ni Jehova?

7 Ang mga kaibigan ni Jehova ay tapat at masunurin, at mahal nila ang Anak niya. Tinutularan ba natin si Jehova sa pagpili ng mga kaibigan? Kung tinutularan ng mga kaibigan mo si Jesus at abala sila sa pagtuturo sa iba tungkol sa Kaharian ng Diyos, matutulungan ka nilang maging mas mabuting tao at manatiling tapat kay Jehova.

MATUTO SA MGA HALIMBAWA SA BIBLIYA

8. Ano ang nagustuhan mo sa pagkakaibigan nina Ruth at Noemi?

8 Maraming pagkakaibigan ang mababasa natin sa Bibliya, gaya ng pagkakaibigan ni Ruth at ng biyenan niyang si Noemi. Magkaiba ang kinalakhan at kultura nina Ruth at Noemi, at malaki ang agwat ng edad nila. Pero naging malapít na magkaibigan sila dahil pareho nilang mahal si Jehova. Nang gusto nang umalis ni Noemi sa lupain ng Moab at bumalik sa Israel, “hindi iniwan ni Ruth si Noemi.” Sinabi niya kay Noemi: “Ang inyong bayan ay magiging aking bayan, at ang inyong Diyos ay aking Diyos.” (Ruth 1:14, 16) Napakabait ni Ruth kay Noemi. Pagdating nila sa Israel, nagtrabaho siya nang husto para alagaan ang biyenan niya. Mahal na mahal din ni Noemi si Ruth at lagi niya itong pinapayuhan. Nakikinig si Ruth sa kaniya, kaya naman, marami silang natanggap na pagpapala.—Ruth 3:6.

9. Ano ang hinahangaan mo sa pagkakaibigan nina David at Jonatan?

9 Sina David at Jonatan ay malapít ding magkaibigan at parehong tapat kay Jehova. Mas matanda nang mga 30 taon si Jonatan kay David at siya ang nakalinya para maging susunod na hari ng Israel. (1 Samuel 17:33; 31:2; 2 Samuel 5:4) Pero nang malaman ni Jonatan na si David ang pinili ni Jehova na maging hari, hindi siya nainggit o nakipagkompetensiya. Sa halip, ginawa niya ang lahat para suportahan si David. Halimbawa, nang manganib ang buhay ni David, “pinatibay [ni Jonatan] ang pagtitiwala nito kay Jehova.” Isinapanganib pa nga niya ang buhay niya para kay David. (1 Samuel 23:16, 17) Tapat ding kaibigan si David. Nangako siyang aalagaan ang pamilya ni Jonatan, at tinupad niya ang pangakong iyan kahit noong patay na si Jonatan.—1 Samuel 18:1; 20:15-17, 30-34; 2 Samuel 9:1-7.

10. Ano ang matututuhan mo sa pagkakaibigan ng tatlong Hebreo?

10 Ang magkakaibigang sina Sadrac, Mesac, at Abednego ay mga kabataang Hebreo na dinalang bihag sa malayong lugar noong bata pa sila. Dahil malayo sa kanilang mga pamilya, nagtulungan sila para makapanatiling tapat kay Jehova. Nang maging adulto sila, nasubok ang pananampalataya nila nang utusan sila ni Haring Nabucodonosor na sumamba sa isang gintong imahen. Tumanggi sina Sadrac, Mesac, at Abednego at sinabi sa hari: “Hindi . . . kami maglilingkod sa iyong mga diyos o sasamba sa gintong imahen na itinayo mo.” Kahit nasubok ang pananampalataya ng magkakaibigan, nanatili silang tapat sa kanilang Diyos.—Daniel 1:1-17; 3:12, 16-28.

11. Paano natin nalaman na naging mabuting magkaibigan sina Pablo at Timoteo?

11 Nang makilala ni apostol Pablo ang kabataang si Timoteo, nakita niyang mahal nito si Jehova at talagang nagmamalasakit ito sa kongregasyon. Kaya sinanay ni Pablo si Timoteo para tulungan ang mga kapatid sa iba’t ibang lugar. (Gawa 16:1-8; 17:10-14) Napakasipag ni Timoteo, kaya nasabi ni Pablo: “Nagpaalipin siyang kasama ko sa ikasusulong ng mabuting balita.” Alam ni Pablo na “talagang magmamalasakit” si Timoteo sa mga kapatid. Sa pagsisikap nilang paglingkuran si Jehova, naging mabuting magkaibigan sina Pablo at Timoteo.—Filipos 2:20-22; 1 Corinto 4:17.

KUNG PAANO PIPILI NG MGA KAIBIGAN

12, 13. (a) Bakit dapat maging maingat sa pagpili ng mga kaibigan kahit sa loob ng kongregasyon? (b) Bakit nagbabala si apostol Pablo sa 1 Corinto 15:33?

12 Sa kongregasyon, puwede tayong matuto mula sa mga kapatid, at matutulungan natin ang isa’t isa na manatiling tapat. (Basahin ang Roma 1:11, 12.) Pero kahit sa loob ng kongregasyon, kailangan nating maging maingat sa pagpili ng kaibigan. Iba’t iba ang kultura at kinalakhan ng mga kapatid. May mga baguhan, at may matatagal nang lingkod ni Jehova. Kailangan ang panahon para lumalim ang kaugnayan ng isa kay Jehova, gaya ng prutas na kailangan ang panahon bago mahinog. Kaya kailangan nating magpakita ng pagtitiis at pag-ibig sa isa’t isa at maging matalino sa pagpili ng kaibigan.—Roma 14:1; 15:1; Hebreo 5:12–6:3.

13 Lalo na tayong dapat mag-ingat kapag may bumangong problema sa kongregasyon. Baka may kapatid na gumagawa ng mga bagay na sinasabi ng Bibliya na mali. O baka ang isa ay nagiging mapagreklamo, na makakasira sa pagkakaisa ng kongregasyon. Hindi natin ito dapat ipagtaka, dahil kahit noong unang siglo, nagkakaproblema rin paminsan-minsan sa kongregasyon. Ang totoo, nagbabala si apostol Pablo sa mga Kristiyano noon: “Huwag kayong magpalinlang. Ang masasamang kasama ay sumisira ng magagandang ugali.” (1 Corinto 15:12, 33) Sinabihan din ni Pablo si Timoteo na mag-ingat sa pagpili ng kaibigan. Ganiyan din ang dapat nating gawin ngayon.—Basahin ang 2 Timoteo 2:20-22.

14. Paano makakaapekto sa kaugnayan natin kay Jehova ang pinipili nating kaibigan?

14 Dapat nating ingatan ang kaugnayan natin kay Jehova. Ito ang pinakamahalagang bagay na mayroon tayo. Kaya iniiwasan nating makipagkaibigan sa sinumang makapagpapahina ng pananampalataya natin at makakasira sa kaugnayang iyon. Hindi natin aasahang tubig ang masisipsip ng espongha kapag inilubog ito sa suka; hindi rin naman natin aasahan na magiging madali para sa atin na gawin ang tama kung ang pinipili nating kaibigan ay mga taong gumagawa ng mali. Kailangan nating piliing mabuti ang mga kaibigan natin.—1 Corinto 5:6; 2 Tesalonica 3:6, 7, 14.

Makakakita ka ng mabubuting kaibigan na nagmamahal kay Jehova

15. Ano ang puwede mong gawin para magkaroon ka ng mabubuting kaibigan sa kongregasyon?

15 Sa kongregasyon, makakakita ka ng mga taong talagang nagmamahal kay Jehova. Puwede mo silang maging malapít na kaibigan. (Awit 133:1) Huwag makipagkaibigan sa mga kaedad mo lang o kapareho mo ng kinalakhan. Tandaan, mas matanda si Jonatan kay David, at mas bata naman si Ruth kay Noemi. Gusto nating sundin ang payo ng Bibliya: “Buksan . . . ninyong mabuti ang inyong puso.” (2 Corinto 6:13; basahin ang 1 Pedro 2:17.) Habang tinutularan mo si Jehova, lalong dadami ang makikipagkaibigan sa iyo.

KAPAG MAY PROBLEMA

16, 17. Kung masaktan tayo ng isang kapatid sa kongregasyon, ano ang hinding-hindi natin gagawin?

16 Sa pamilya, magkakaiba ang personalidad, opinyon, at diskarte ng bawat miyembro nito. Totoo rin iyan sa kongregasyon. Dahil sa pagkakaiba-ibang ito, nagiging masaya ang buhay, at marami tayong puwedeng matutuhan sa bawat isa. Pero kung minsan, hindi natin naiintindihan ang mga kapatid at naiinis tayo sa kanila. Baka sumamâ ang loob natin sa kanila o masaktan tayo. (Kawikaan 12:18) Panghihinaan ba tayo ng loob o lalayo sa kongregasyon dahil sa gayong problema?

17 Hindi. Kahit masaktan tayo ng isang kapatid, hindi tayo lalayo sa kongregasyon. Hindi naman si Jehova ang nakasakit sa atin. Galing sa kaniya ang buhay natin at ang lahat ng iba pang bagay. Karapat-dapat lang siya sa pag-ibig at katapatan natin. (Apocalipsis 4:11) Ang kongregasyon ay regalo ni Jehova para tulungan tayong patibayin ang pananampalataya natin. (Hebreo 13:17) Hinding-hindi natin tatanggihan ang regalo niya dahil lang sa may nakasakit sa atin.—Basahin ang Awit 119:165.

18. (a) Ano ang makakatulong sa atin para makasundo ang mga kapatid? (b) Bakit dapat nating patawarin ang iba?

18 Mahal natin ang mga kapatid at gusto nating makasundo sila. Hindi inaasahan ni Jehova na magiging perpekto ang sinumang tao, kaya dapat na ganoon din tayo. (Kawikaan 17:9; 1 Pedro 4:8) Lahat tayo ay nagkakamali, pero tutulungan tayo ng pag-ibig na “lubusang patawarin ang isa’t isa.” (Colosas 3:13) Dahil sa pag-ibig, hindi natin palalakihin ang isang maliit na di-pagkakaunawaan. Totoo naman na kapag may nakasakit sa atin, hindi ito madaling kalimutan. Napakadaling magalit at magkimkim ng sama ng loob sa taong iyon. Kaya lang, tayo rin ang hindi masaya. Pero kapag pinapatawad natin ang nagkakamali sa atin, magkakaroon tayo ng kapayapaan ng isip, magkakaisa ang kongregasyon, at higit sa lahat, magiging maganda ang kaugnayan natin kay Jehova.—Mateo 6:14, 15; Lucas 17:3, 4; Roma 14:19.

KAPAG MAY NATIWALAG

19. Kailan dapat itigil ang pakikisama sa isang kapatid sa kongregasyon?

19 Kitang-kita ang pagmamahalan sa isang pamilya kapag nagtutulungan ang bawat miyembro na pasayahin ang isa’t isa. Pero paano kung may magrebelde? Baka paulit-ulit naman siyang tinutulungan ng mga kapamilya niya, pero tinatanggihan niya ito. Baka magdesisyon siyang maglayas, o kaya’y paalisin siya ng tatay nila. Puwede ring mangyari iyan sa kongregasyon. Baka ang isa ay namimihasa sa paggawa ng ayaw ni Jehova at makakasamâ ito sa kongregasyon. Ayaw niyang tumanggap ng tulong at ipinapakita ng paggawi niya na ayaw na niyang maging miyembro ng kongregasyon. Baka iwan niya ang kongregasyon o itiwalag siya. Kung mangyari iyan, malinaw na sinasabi ng Bibliya na dapat nating “tigilan ang pakikisama” sa kaniya. (Basahin ang 1 Corinto 5:11-13; 2 Juan 9-11) Baka napakahirap nito lalo na kung kaibigan natin siya o kapamilya. Pero sa ganitong sitwasyon, dapat na mas matimbang ang katapatan natin kay Jehova kaysa kaninuman.—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 8.

20, 21. (a) Bakit katibayan ng pag-ibig ang kaayusan sa pagtitiwalag? (b) Bakit mahalagang maging matalino sa pagpili ng mga kaibigan?

20 Ang kaayusan sa pagtitiwalag ay katibayan ng pag-ibig ni Jehova. Naiingatan nitong malinis ang kongregasyon mula sa mga taong hindi nagpapahalaga sa mga pamantayan ni Jehova. (1 Corinto 5:7; Hebreo 12:15, 16) Tumutulong din ito sa atin na maipakita ang pag-ibig natin sa banal na pangalan ni Jehova, sa matataas niyang pamantayan, at kay Jehova mismo. (1 Pedro 1:15, 16) At ang kaayusang ito sa pagtitiwalag ay pagpapakita ng pag-ibig sa taong inalis sa kongregasyon. Dahil sa matinding disiplinang ito, baka mapag-isip-isip niyang mali ang ginagawa niya at magbago siya. Maraming natiwalag ang nanumbalik kay Jehova at mainit na tinanggap muli sa kongregasyon.—Hebreo 12:11.

21 Oo, may epekto sa atin ang mga kaibigan natin. Kaya mahalagang piliing mabuti ang mga kaibigan natin. Kung mahal natin ang mga nagmamahal kay Jehova, makakasama natin ang mga taong makakatulong para makapanatili tayong tapat sa kaniya magpakailanman.