Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 2

Isang Malinis na Konsensiya sa Harap ng Diyos

Isang Malinis na Konsensiya sa Harap ng Diyos

“Panatilihin ninyong malinis ang konsensiya ninyo.”—1 PEDRO 3:16.

1, 2. Bakit kailangan mo ng guide kapag hindi ka pamilyar sa isang lugar? Anong gabay ang ibinigay sa atin ni Jehova?

ISIPING naglalakad ka sa isang malawak na disyerto. Pabago-bago ang tanawin dahil walang-tigil na iginagalaw ng malakas na hihip ng hangin ang buhangin. Kaya puwede kang maligaw. Paano mo malalaman kung alin ang tamang direksiyon? Kailangan mo ng guide. Puwede itong isang bagay, gaya ng kompas, araw at mga bituin, mapa, GPS (Global Positioning System), o kahit isang tao na pamilyar sa disyertong iyon. Mahalagang magkaroon ng guide dahil nakasalalay dito ang kaligtasan mo.

2 Lahat tayo ay napapaharap sa maraming problema sa buhay, at kung minsan, baka mawalan tayo ng pag-asa. Pero binigyan tayo ni Jehova ng konsensiya para gabayan tayo. (Santiago 1:17) Alamin natin kung ano ang konsensiya at kung paano ito gumagana. Pagkatapos, aalamin natin kung paano sasanayin ang konsensiya, kung bakit dapat igalang ang konsensiya ng iba, at kung paano makakatulong ang malinis na konsensiya para maging mas masaya ang buhay natin.

ANO ANG KONSENSIYA AT PAANO ITO GUMAGANA?

3. Ano ang konsensiya?

3 Ang konsensiya ay isang magandang regalo sa atin ni Jehova. Ito ang ating likas na kakayahang malaman kung ano ang tama at mali. Ang salitang Griego na ginamit ng Bibliya para sa “konsensiya” ay nangangahulugang “kaalaman sa sarili.” Kapag gumagana nang maayos ang konsensiya natin, natutulungan tayo nito na masuri ang pagkatao natin. Matutulungan din tayo nito na maging tapat sa totoong nararamdaman at iniisip natin. Magagabayan tayo nito na gawin ang mabuti at iwasan ang masama. At dahil sa konsensiya natin, nagiging masaya tayo kapag nakagawa tayo ng tamang desisyon. Pero nakokonsensiya naman tayo kapag mali ang naging desisyon natin.—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 5.

4, 5. (a) Ano ang nangyari nang hindi makinig sina Adan at Eva sa konsensiya nila? (b) Ano ang ilang halimbawa sa Bibliya na nagpapakita kung paano gumagana ang konsensiya?

4 Puwedeng pumili ang bawat isa sa atin kung makikinig tayo o hindi sa konsensiya natin. Hindi nakinig sina Adan at Eva sa konsensiya nila, kaya nagkasala sila. Pagkatapos, nakonsensiya sila, pero huli na ang lahat. Sinuway na nila ang Diyos. (Genesis 3:7, 8) Kahit pareho silang may perpektong konsensiya at alam nila na maling sumuway sa Diyos, pinili nilang huwag makinig dito.

5 Pero maraming tao, kahit hindi perpekto, ang nakinig sa konsensiya nila. Isa diyan si Job. Gumawa siya ng tamang mga desisyon, kaya masasabi niya: “Hindi ako hahatulan ng puso ko habang nabubuhay ako.” (Job 27:6) Nang banggitin ni Job ang “puso” niya, tinutukoy niya ang kaniyang konsensiya, o ang kakayahan niyang malaman ang tama at mali. May mga panahon naman na hindi nakinig si David sa konsensiya niya at sumuway kay Jehova. Dahil diyan, “nakonsensiya” si David. (1 Samuel 24:5) Sinasabi ng konsensiya niya na mali ang ginawa niya. Kung makikinig siya sa konsensiya niya, maiiwasan niyang maulit ang pagkakamaling iyon.

6. Bakit masasabing regalo ng Diyos ang konsensiya natin?

6 Madalas na alam din kahit ng mga taong hindi nakakakilala kay Jehova kung ano ang tama at mali. Sinasabi ng Bibliya: “Inaakusahan sila o kaya ay ipinagdadahilan ng sarili nilang kaisipan.” (Roma 2:14, 15) Halimbawa, alam ng karamihan ng tao na mali ang pumatay o magnakaw. Hindi man nila namamalayan, nakikinig na pala sila sa kanilang konsensiya, ang likas na kakayahang malaman ang tama at mali na ibinigay ni Jehova sa kanila. Sumusunod din sila sa mga prinsipyo ng Diyos, o sa pangunahing mga katotohanan na ibinigay ni Jehova para tulungan tayong gumawa ng matatalinong desisyon sa buhay.

7. Bakit puwedeng magkamali kung minsan ang konsensiya natin?

7 Pero kung minsan, puwedeng magkamali ang konsensiya natin. Halimbawa, puwede itong maapektuhan ng maling pag-iisip at damdamin natin at akayin tayo sa maling direksiyon. Ang pagkakaroon ng malinis na konsensiya ay hindi awtomatiko. (Genesis 39:1, 2, 7-12) Kailangan itong sanayin. Inilaan ni Jehova ang banal na espiritu at mga prinsipyo sa Bibliya para tulungan tayo. (Roma 9:1) Alamin natin kung paano natin sasanayin ang konsensiya natin.

PAANO NATIN SASANAYIN ANG ATING KONSENSIYA?

8. (a) Paano puwedeng maapektuhan ng damdamin ang konsensiya natin? (b) Ano ang dapat nating itanong bago tayo gumawa ng isang bagay?

8 Iniisip ng ilan na ang pakikinig sa konsensiya ay basta pagsunod sa nararamdaman nila. Sinasabi nila na puwede nilang gawin ang kahit ano basta’t masaya sila rito. Pero hindi maaasahan ang damdamin natin, at puwede tayong dayain nito. Puwede rin itong makaapekto sa konsensiya natin. Sinasabi ng Bibliya: “Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at desperado. Sino ang makauunawa rito?” (Jeremias 17:9) Kaya baka isipin nating tama ang isang bagay kahit na mali ito. Halimbawa, bago naging Kristiyano si Pablo, pinag-usig niya nang matindi ang bayan ng Diyos at naniniwala siya na tama ang ginagawa niya. Para sa kaniya, malinis ang konsensiya niya. Pero nang bandang huli, sinabi niya: “Ang sumusuri sa akin ay si Jehova.” (1 Corinto 4:4; Gawa 23:1; 2 Timoteo 1:3) Nang malaman ni Pablo kung ano ang nararamdaman ni Jehova sa ginagawa niya, napag-isip-isip niya na kailangan niyang magbago. Kaya bago tayo gumawa ng isang bagay, tanungin ang sarili, ‘Ano ang gusto ni Jehova na gawin ko?’

9. Ano ang ibig sabihin ng pagkatakot sa Diyos?

9 Kapag mahal mo ang isang tao, ayaw mo siyang mapalungkot. Dahil mahal natin si Jehova, ayaw nating gumawa ng anumang bagay na magpapalungkot sa kaniya. Dapat na gayon na lang katindi ang takot nating hindi siya mapalugdan. Makikita ito sa halimbawa ni Nehemias. Hindi niya ginamit ang posisyon niya bilang gobernador para magpayaman. Bakit? Sinabi niyang “dahil [ito] sa takot sa Diyos.” (Nehemias 5:15) Ayaw ni Nehemias na gumawa ng anumang bagay na magpapalungkot kay Jehova. Gaya ni Nehemias, ayaw din nating gumawa ng mali dahil natatakot tayong mapalungkot si Jehova. Sa pagbabasa ng Bibliya, malalaman natin kung ano ang magpapasaya kay Jehova.—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 6.

10, 11. Anong mga prinsipyo sa Bibliya ang makakatulong sa atin na gumawa ng tamang desisyon tungkol sa pag-inom ng alak?

10 Halimbawa, baka kailangang magdesisyon ng isang Kristiyano kung iinom ba siya ng alak o hindi. Anong mga prinsipyo ang tutulong sa kaniya na makagawa ng tamang desisyon? Narito ang ilan: Hindi ipinagbabawal ng Bibliya ang pag-inom ng alak. Ang totoo, sinasabi nito na ang alak ay regalo sa atin ng Diyos. (Awit 104:14, 15) Pero sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya na iwasan ang “sobrang pag-inom.” (Lucas 21:34) Sinabi naman ni Pablo sa mga Kristiyano na umiwas sa “walang-patumanggang mga pagsasaya at paglalasingan.” (Roma 13:13) Sinabi niya na ang mga lasenggo ay “hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos.”—1 Corinto 6:9, 10.

11 Baka maitanong ng isang Kristiyano: ‘Gaano kahalaga sa akin ang alak? Kailangan ko ba ito para marelaks ako? Umiinom ba ako ng alak para lalong lumakas ang loob ko? Kaya ko bang kontrolin ang dami at dalas ng pag-inom ko? * Puwede pa rin ba akong magsaya kasama ng mga kaibigan ko kahit walang alak?’ Puwede nating hilingin kay Jehova na tulungan tayong gumawa ng tamang desisyon. (Basahin ang Awit 139:23, 24.) Sa paggawa nito, sinasanay natin ang ating konsensiya na sumunod sa mga prinsipyo sa Bibliya. Pero higit pa riyan ang kailangan, gaya ng makikita natin.

BAKIT KAILANGAN NATING IGALANG ANG KONSENSIYA NG IBA?

12, 13. Bakit posibleng magkakaiba ang sinasabi ng konsensiya natin? Ano ang gagawin natin kapag napaharap tayo sa ganitong pagkakaiba?

12 Hindi pare-pareho ang konsensiya ng bawat isa. Baka payagan ka ng konsensiya mo na gawin ang isang bagay na hindi gagawin ng iba. Halimbawa, baka ayos lang sa iyo na uminom ng alak, pero baka hindi kaya ng konsensiya ng iba na gawin ito. Bakit posibleng magkaiba ang pananaw ng dalawang tao tungkol dito?

Ang isang sinanay na konsensiya ay makakatulong sa iyo na magdesisyon kung iinom ka ng alak o hindi

13 Kadalasan, nakakaimpluwensiya sa pananaw ng isang tao ang kinalakhan niya, pananaw ng pamilya niya, mga karanasan niya, at iba pa. Kung tungkol sa pag-inom ng alak, baka piliin ng isang taong dating walang kontrol sa pag-inom na huwag nang uminom kahit kailan. (1 Hari 8:38, 39) Kaya kung alukin mo ng alak ang isang tao at tanggihan niya ito, ano ang magiging reaksiyon mo? Sasamâ ba ang loob mo? Pipilitin mo ba siya? Aalamin mo pa ba kung bakit ayaw niya? Hindi, kasi iginagalang mo ang konsensiya niya.

14, 15. Anong usapin ang bumangon noong panahon ni Pablo? Anong magandang payo ang ibinigay niya?

14 Noong panahon ni apostol Pablo, bumangon ang isang usapin na nagpakitang magkakaiba ang konsensiya. Ang ilan sa mga karneng ibinebenta sa pamilihan ay ginamit sa huwad na pagsamba at inihandog sa mga idolo. (1 Corinto 10:25) Hindi iniisip ni Pablo na maling bumili at kumain ng karneng ito. Para sa kaniya, lahat ng pagkain ay galing kay Jehova. Pero iba ang pananaw dito ng ilang kapatid na dating sumasamba sa idolo. Para sa kanila, mali ang kumain ng karneng iyon. Inisip kaya ni Pablo: ‘Basta ako, hindi ako nakokonsensiya. Karapatan kong kainin kung ano ang gusto ko’?

15 Hindi nag-isip nang ganiyan si Pablo. Mas mahalaga sa kaniya ang damdamin ng mga kapatid kaya handa niyang isakripisyo ang karapatan niya. Sinabi ni Pablo na hindi lang natin dapat ‘isipin ang sarili natin.’ Sinabi pa niya: “Dahil maging ang Kristo ay hindi nagpalugod sa sarili.” (Roma 15:1, 3) Gaya ni Jesus, mas mahalaga kay Pablo ang kapakanan ng iba kaysa sa sarili niya.—Basahin ang 1 Corinto 8:13; 10:23, 24, 31-33.

16. Bakit hindi natin dapat husgahan ang isang kapatid kung kaya ng konsensiya niya na gawin ang isang bagay?

16 Paano naman kung ayos lang sa konsensiya ng iba na gawin ang isang bagay na para sa atin ay mali? Huwag tayong maging mapamuna at ipilit na tama tayo at mali siya. (Basahin ang Roma 14:10.) Binigyan tayo ni Jehova ng konsensiya para hatulan ang sarili natin, hindi ang iba. (Mateo 7:1) Hinding-hindi natin hahayaang magkabaha-bahagi ang kongregasyon dahil lang sa personal nating mga kagustuhan. Sa halip, nakikipagtulungan tayo para mapanatili ang pag-ibig at pagkakaisa.—Roma 14:19.

MAKIKINABANG TAYO SA MALINIS NA KONSENSIYA

17. Ano ang nangyari sa konsensiya ng ilan?

17 Sumulat si apostol Pedro: “Panatilihin ninyong malinis ang konsensiya ninyo.” (1 Pedro 3:16) Nakakalungkot, kapag patuloy na binabale-wala ng mga tao ang mga prinsipyo ni Jehova, darating ang panahong hindi na sila bababalaan ng konsensiya nila. Sinabi ni Pablo na ang gayong konsensiya ay nagiging “manhid, na para bang pinaso ng mainit na bakal.” (1 Timoteo 4:2) Naranasan mo na bang masunog ang balat mo? Kung oo, tiyak na nagkapeklat ang balat mo at naging manhid ito. Kung patuloy ang isang tao sa paggawa ng mali, magiging “manhid” ang konsensiya niya, at sa bandang huli, hindi na ito gagana.

Kapag malinis ang konsensiya natin, magagabayan tayo nito para maging masaya tayo at panatag

18, 19. (a) Kapag nakokonsensiya tayo, ano ang itinuturo nito sa atin? (b) Ano ang puwede nating gawin kapag nakokonsensiya pa rin tayo sa mga kasalanang pinagsisihan na natin?

18 Kapag nakokonsensiya tayo, baka sinasabi ng konsensiya natin na may mali tayong nagawa. Makakatulong iyan para malaman natin ang pagkakamali natin. Gusto nating matuto sa mga pagkakamali natin para hindi na ito maulit. Halimbawa, kahit nagkasala si Haring David, pinakilos siya ng konsensiya niya na magsisi. Pinagsisihan niya ang ginawa niya at naging determinadong sundin si Jehova. Dahil sa naging karanasan niya, masasabi ni David na si Jehova ay “mabuti at handang magpatawad.”—Awit 51:1-19; 86:5; tingnan ang Karagdagang Impormasyon 7.

19 Pero kahit matagal nang pinagsisihan ng isang tao ang kasalanang nagawa niya, baka nakokonsensiya pa rin siya. Mabigat ito sa loob at baka maramdaman niyang wala siyang halaga. Kung ganiyan ang nararamdaman mo kung minsan, tandaan na hindi mo na mababago ang nakaraan. Naiintindihan mo man o hindi kung ano ang tama o mali, talagang pinatawad ka na ni Jehova, at burado na ang mga kasalanang iyon. Malinis ka na sa harap ni Jehova at alam mong tama ang ginagawa mo ngayon. Baka hinahatulan ka pa rin ng puso mo, pero sinasabi ng Bibliya: “Ang Diyos ay mas dakila kaysa sa puso natin.” (Basahin ang 1 Juan 3:19, 20.) Ibig sabihin, ang pag-ibig at pagpapatawad niya ay mas malakas kaysa sa nararamdaman nating kahihiyan. Makakatiyak kang pinatawad ka na ni Jehova. Kapag tinanggap ng isa ang kapatawaran ni Jehova, mapapanatag na siya at magiging masaya sa paglilingkod sa Diyos.—1 Corinto 6:11; Hebreo 10:22.

20, 21. (a) Ano ang maitutulong sa iyo ng aklat na ito? (b) Ano ang kalayaang ibinigay sa atin ni Jehova? Paano natin ito dapat gamitin?

20 Tutulungan ka ng aklat na ito na sanayin ang konsensiya mo para babalaan ka nito at protektahan sa mapanganib na mga huling araw na ito. Tutulungan ka rin nito na isabuhay ang mga prinsipyo sa Bibliya. Siyempre, hindi nagbibigay ang aklat na ito ng listahan ng mga batas ng dapat nating gawin sa bawat sitwasyon. Namumuhay tayo ayon sa “kautusan ng Kristo,” na nakabatay sa mga prinsipyo ng Diyos. (Galacia 6:2) Hindi natin idinadahilan na komo walang espesipikong utos tungkol sa isang bagay, puwede na tayong gumawa ng mali. (2 Corinto 4:1, 2; Hebreo 4:13; 1 Pedro 2:16) Sa halip, ginagamit natin ang ating kalayaan para ipakitang mahal natin si Jehova.

21 Kapag binubulay-bulay natin ang mga prinsipyo sa Bibliya at isinasabuhay ang mga ito, nagagamit natin ang ating “kakayahang umunawa” at natutularan natin ang pag-iisip ni Jehova. (Hebreo 5:14) Dahil diyan, nasasanay ang ating konsensiya para gabayan tayo sa buhay natin at tulungan tayong manatili sa pag-ibig ng Diyos.

^ par. 11 Sinasabi ng maraming doktor na lalo nang mahirap para sa mga alkoholiko na kontrolin ang dami ng kanilang iniinom. Kaya ang payo nila, huwag na lang uminom kahit kailan.