Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 6

Kung Paano Pipili ng Libangan

Kung Paano Pipili ng Libangan

“Gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos.”—1 CORINTO 10:31.

1, 2. Bakit dapat tayong maging maingat sa pagpili ng libangan?

KAKAGATIN mo na sana ang isang prutas nang mapansin mong may bulok na bahagi ito. Ano ang gagawin mo? Kakainin mo pa rin ba ito? Itatapon mo ba ito? O aalisin mo lang ang bulok na bahagi at kakainin ang prutas?

2 Ang libangan ay katulad ng prutas na iyon. Baka kasiya-siya ang ilan, pero karamihan ay bulok dahil ang mga ito ay imoral, marahas, o makademonyo. Kaya kapag pumipili ng libangan, sinasabi mo ba: “Desisyon ko ’to. Puwede akong pumili ng kahit anong gusto ko”? O sinasabi mo ba: “Masama ang lahat ng libangan”? O maingat ka ba sa pagpili ng libangan—iniiwasan ang masasamang libangan at pinipili ang kapaki-pakinabang?

3. Ano ang dapat nating pag-isipan kapag pumipili ng libangan?

3 Kailangan din natin ang paglilibang, at gusto nating maging matalino sa pagpili. Kaya kailangan nating tanungin ang sarili natin kung ano ang puwedeng maging epekto ng pinipili nating libangan sa pagsamba natin kay Jehova.

“GAWIN NINYO ANG LAHAT SA IKALULUWALHATI NG DIYOS”

4. Ano ang isang prinsipyo sa Bibliya na makakatulong sa atin sa pagpili ng libangan?

4 Noong ialay natin ang sarili natin kay Jehova, nangako tayong gagamitin ang buhay natin sa paglilingkod sa kaniya. (Basahin ang Eclesiastes 5:4.) Nangako tayong ‘gagawin natin ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos.’ (1 Corinto 10:31) Ibig sabihin, nakaalay tayo sa Diyos kahit nagrerelaks tayo o naglilibang, hindi lang kapag nasa pulong tayo o ministeryo.

5. Anong uri ng pagsamba ang dapat nating ibigay kay Jehova?

5 Lahat ng ginagawa natin ay may kaugnayan sa pagsamba natin kay Jehova. Ipinaliwanag iyan ni Pablo nang sabihin niya: “Iharap ninyo ang inyong katawan bilang isang haing buháy, banal, at katanggap-tanggap sa Diyos.” (Roma 12:1) Sinabi ni Jesus: “Dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo at nang buong lakas mo.” (Marcos 12:30) Gusto nating ibigay lagi kay Jehova ang pinakamabuti. Sa sinaunang Israel, kapag naghahandog ng hayop kay Jehova ang mga tao, inaasahang malusog ang ibibigay nila. Kapag may depekto ang handog, hindi ito tatanggapin ng Diyos. (Levitico 22:18-20) Puwede ring maging di-katanggap-tanggap ang pagsamba natin kay Jehova. Paano?

6, 7. Paano puwedeng makaapekto sa pagsamba natin kay Jehova ang pinipili nating libangan?

6 Sinasabi sa atin ni Jehova: “Dapat kayong maging banal, dahil ako ay banal.” (1 Pedro 1:14-16; 2 Pedro 3:11) Tatanggapin lang ni Jehova ang pagsamba natin kung ito ay banal, o malinis. (Deuteronomio 15:21) Hindi magiging malinis ang pagsamba natin kung may ginagawa tayo na kinapopootan ni Jehova, gaya ng mga bagay na imoral, marahas, o may kaugnayan sa demonismo. (Roma 6:12-14; 8:13) Pero hindi rin natin mapapasaya si Jehova kung natutuwa naman tayo sa ganoong mga bagay. Dahil dito, puwedeng maging marumi at di-katanggap-tanggap ang pagsamba natin kay Jehova at puwede nitong sirain ang kaugnayan natin sa kaniya.

7 Kaya paano tayo magiging matalino sa pagpili ng libangan? Anong mga prinsipyo ang tutulong sa atin na malaman kung anong libangan ang katanggap-tanggap at kung ano ang hindi?

KAPOOTAN ANG MASAMA

8, 9. Anong uri ng libangan ang iniiwasan natin? Bakit?

8 Maraming libangan sa ngayon. May ilang katanggap-tanggap para sa mga Kristiyano, pero karamihan ay hindi. Alamin muna natin ang mga libangang kailangan nating iwasan.

9 Maraming pelikula, website, palabas sa TV, video game, at kanta ang imoral, marahas, o makademonyo. Madalas palitawing walang masama at nakakatawa pa nga ang masasamang bagay. Pero nag-iingat ang mga Kristiyano at iniiwasan ang mga libangang hindi kaayon ng malinis na pamantayan ni Jehova. (Gawa 15:28, 29; 1 Corinto 6:9, 10) Kapag iniiwasan natin ang ganoong mga libangan, ipinapakita natin kay Jehova na kinapopootan natin ang masama.—Awit 34:14; Roma 12:9.

10. Ano ang puwedeng maging resulta ng maling pagpili ng libangan?

10 Pero iniisip ng ilan na wala namang masama sa mga libangan na marahas, imoral, o makademonyo. Iniisip nila: ‘Ano’ng masama do’n? Hindi ko naman iyon gagayahin.’ Kung ganiyan ang iniisip natin, niloloko natin ang sarili natin. Sinasabi ng Bibliya: “Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at desperado.” (Jeremias 17:9) Kung natutuwa tayo sa mga bagay na hindi katanggap-tanggap kay Jehova, paano natin masasabing kinapopootan natin ang mga ito? Habang natutuwa tayo sa masasamang bagay, nagiging normal na lang ang tingin natin sa mga ito. Sa bandang huli, hihina ang konsensiya natin at hindi na ito magbababala kapag mali ang gagawin nating desisyon.—Awit 119:70; 1 Timoteo 4:1, 2.

11. Paano makakatulong ang Galacia 6:7 sa pagpili ng libangan?

11 Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, iyon din ang aanihin niya.” (Galacia 6:7) Ang totoo, kapag hinahayaan nating masiyahan tayo sa masasamang libangan, baka dumating ang panahon na aktuwal nating magawa iyon. Halimbawa, dahil masyadong naapektuhan ng imoral na libangan ang ilan, nakagawa sila ng imoralidad. Pero tinutulungan tayo ni Jehova na maging matalino sa pagpili ng libangan.

GAMITIN ANG MGA PRINSIPYO SA BIBLIYA SA PAGGAWA NG DESISYON

12. Ano ang tutulong sa atin na makagawa ng tamang desisyon tungkol sa libangan?

12 May mga libangan na malinaw na hindi katanggap-tanggap kay Jehova, at alam nating dapat iwasan ang mga ito. Pero kumusta naman ang ibang libangan na hindi gaanong malinaw kung katanggap-tanggap ito? Hindi nagbibigay si Jehova ng listahan ng mga batas tungkol sa puwede at hindi puwedeng panoorin, pakinggan, o basahin. Sa halip, gusto niyang gamitin natin ang ating konsensiya na sinanay sa Bibliya. (Basahin ang Galacia 6:5.) Binigyan tayo ni Jehova ng mga prinsipyo, o pangunahing mga katotohanan na nagpapakita ng pananaw niya sa mga bagay-bagay. Sa tulong ng mga prinsipyong ito, masasanay natin ang ating konsensiya. Malalaman din natin “kung ano ang kalooban ni Jehova” para makagawa tayo ng mga desisyong magpapasaya sa kaniya.—Efeso 5:17.

Tinutulungan tayo ng mga prinsipyo sa Bibliya sa pagpili ng libangan

13. Bakit magkakaiba ang pinipiling libangan ng mga Kristiyano? Pero ano ang mahalaga sa lahat ng Kristiyano?

13 Kadalasan, magkakaiba ang pinipiling libangan ng mga Kristiyano. Bakit? Kasi hindi pare-pareho ang gusto natin. Isa pa, baka ang katanggap-tanggap sa isa ay hindi naman katanggap-tanggap sa iba. Pero para makagawa ng tamang desisyon, dapat tayong magpagabay sa mga prinsipyo sa Bibliya. (Filipos 1:9) Tutulungan tayo nitong pumili ng libangan na katanggap-tanggap sa Diyos.—Awit 119:11, 129; 1 Pedro 2:16.

14. (a) Ano ang mahalagang pag-isipan natin tungkol sa paggamit ng panahon? (b) Ano ang payo ni Pablo sa mga Kristiyano?

14 Dapat din nating pag-isipan ang panahong ginagamit natin sa paglilibang. Makikita kasi diyan kung gaano kahalaga sa atin ang libangan. Bilang mga Kristiyano, ang paglilingkod kay Jehova ang pinakamahalaga sa buhay natin. (Basahin ang Mateo 6:33.) Pero baka hindi natin namamalayan na nauubos na pala sa paglilibang ang panahon natin. Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano: “Bantayan ninyong mabuti kung kumikilos kayo na gaya ng marunong at hindi gaya ng di-marunong; gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo.” (Efeso 5:15, 16) Kaya kailangan nating magtakda ng limitasyon kung gaano karaming oras ang gagamitin natin sa paglilibang at laging tiyakin na ang paglilingkod sa Diyos ang inuuna natin.—Filipos 1:10.

15. Paano natin pinoprotektahan ang sarili natin mula sa mga libangan na posibleng makasira sa kaugnayan natin kay Jehova?

15 Malinaw na dapat iwasan ang mga libangan na sigurado tayong hindi katanggap-tanggap kay Jehova. Pero kumusta naman ang mga libangan na hindi tayo sigurado? Kailangan pa rin ba tayong mag-ingat? Pag-isipan ito: Kung naglalakad ka sa bundok, lalapit ka ba sa gilid ng bangin? Hindi. Kung mahalaga sa iyo ang buhay mo, lalayo ka sa panganib. Ganiyan din sa pagpili ng libangan. Sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos: “Ilayo mo sa kasamaan ang iyong mga paa.” (Kawikaan 4:25-27) Kaya hindi lang natin iniiwasan ang mga libangan na sigurado tayong masama, kundi pati ang mga libangan na posibleng makasamâ sa atin at makasira sa kaugnayan natin kay Jehova.

TULARAN ANG PANANAW NI JEHOVA

16. (a) Ano ang ilang bagay na kinapopootan ni Jehova? (b) Paano natin ipinapakitang kinapopootan natin ang kinapopootan ni Jehova?

16 Isinulat ng salmista: “O kayong umiibig kay Jehova, kapootan ninyo ang kasamaan.” (Awit 97:10) Itinuturo sa atin ng Bibliya kung ano ang pananaw at nadarama ni Jehova. Pag-isipan kung paano makakatulong sa iyo ang mga natututuhan mo na tularan ang pananaw ni Jehova sa mga bagay-bagay. Halimbawa, natutuhan natin na kinapopootan ni Jehova ang “sinungaling na dila, at mga kamay na pumapatay ng inosente, pusong nagpapakana ng nakapipinsala, at mga paang nagmamadali sa paggawa ng masama.” (Kawikaan 6:16-19) Nalaman din natin na dapat nating iwasan ang “seksuwal na imoralidad, . . . idolatriya, espiritismo, . . . selos, pagsiklab ng galit, . . . inggit, paglalasingan, walang-patumanggang pagsasaya, at mga bagay na tulad ng mga ito.” (Galacia 5:19-21) Nakikita mo ba kung paano makakatulong sa pagpili mo ng libangan ang mga prinsipyong ito sa Bibliya? Gusto nating sundin ang mga pamantayan ni Jehova sa buhay natin, may kasama man tayo o wala. (2 Corinto 3:18) Ang totoo, madalas makita sa mga ginagawa natin kapag nag-iisa kung sino talaga tayo.—Awit 11:4; 16:8.

17. Bago pumili ng libangan, ano ang mga dapat nating itanong sa sarili?

17 Kaya kapag pumipili ng libangan, tanungin ang sarili: ‘Paano ito makakaapekto sa kaugnayan ko kay Jehova? Ano ang magiging epekto nito sa konsensiya ko?’ Pag-usapan natin ang iba pang prinsipyo na makakatulong sa atin kapag pumipili ng libangan.

18, 19. (a) Anong payo ang ibinigay ni Pablo sa mga Kristiyano? (b) Anong mga prinsipyo ang tutulong sa atin sa pagpili ng libangan?

18 Kapag pumipili tayo ng libangan, pinipili natin ang ipapasok natin sa isip natin. Sumulat si Pablo: “Anumang bagay na totoo, seryosong pag-isipan, matuwid, malinis, kaibig-ibig, marangal, mabuti, at kapuri-puri, patuloy na isaisip ang mga ito.” (Filipos 4:8) Kapag pinupuno natin ang isip natin ng ganoong mabubuting bagay, masasabi natin: “Ang pananalita ko at ang pagbubulay-bulay ng puso ko ay maging kalugod-lugod nawa sa iyo, O Jehova.”—Awit 19:14.

19 Tanungin ang sarili: ‘Ano ba ang ipinapasok ko sa isip ko? Pagkatapos kong manood ng isang pelikula o palabas, narelaks ba ang isip ko? Panatag ba ako dahil malinis ang konsensiya ko? (Efeso 5:5; 1 Timoteo 1:5, 19) Kaya ko bang manalangin kay Jehova? O nahihiya ako? Nag-iwan ba sa isip ko ng mararahas o imoral na bagay ang pinanood ko? (Mateo 12:33; Marcos 7:20-23) Makikita ba sa pinipili kong libangan na ‘nagpapahubog ako sa sistemang ito’? (Roma 12:2) Ang sagot natin sa mga tanong na ito ay makakatulong sa atin na malaman kung ano ang dapat nating gawin para manatiling matibay ang kaugnayan natin kay Jehova. Gusto nating manalangin gaya ng salmista: “Ilayo mo ang paningin ko sa mga bagay na walang kabuluhan.” *Awit 119:37.

MAY EPEKTO SA IBA ANG MGA DESISYON NATIN

20, 21. Bakit kailangan nating isipin ang mararamdaman ng iba kapag pumipili tayo ng libangan?

20 May isa pang mahalagang prinsipyo na dapat tandaan: “Lahat ng bagay ay ipinapahintulot ng kautusan, pero hindi lahat ay nakapagpapatibay. Patuloy na unahin ng bawat isa ang kapakanan ng ibang tao, hindi ang sarili niya.” (1 Corinto 10:23, 24) Hindi komo malaya tayong gawin ang isang bagay, gagawin na natin iyon. Dapat nating pag-isipang mabuti kung paano makakaapekto sa mga kapatid ang mga desisyon natin.

21 Magkakaiba ang konsensiya natin. Halimbawa, baka ayos lang sa konsensiya mo na panoorin ang isang programa sa TV. Pero nalaman mong hindi kaya ng konsensiya ng isang kapatid na panoorin ang programang iyon. Ano ang gagawin mo? Kahit karapatan mong panoorin iyon, baka piliin mong huwag na lang itong panoorin. Bakit? Dahil ayaw mong ‘magkasala sa iyong kapatid,’ lalo na “kay Kristo.” (1 Corinto 8:12) Ayaw nating gumawa ng anumang makakatisod sa kapatid natin.—Roma 14:1; 15:1; 1 Corinto 10:32.

22. Paano natin maipapakitang makatuwiran tayo sa mga desisyong ginagawa ng ibang kapatid?

22 Paano naman kung hindi kaya ng konsensiya mo na panoorin, basahin, o gawin ang isang bagay na ayos lang sa iba? Dahil mahal at iginagalang mo ang mga kapatid, hindi mo sila pipiliting gayahin ang desisyon mo. Alam ng isang drayber na mayroong mas mabilis o mas mabagal magmaneho kaysa sa kaniya, pero mahuhusay na drayber pa rin sila. Totoo rin iyan sa iyo at sa ibang kapatid. Baka pareho ninyong sinusunod ang mga prinsipyo sa Bibliya pero magkaiba kayo ng opinyon sa kung anong libangan ang katanggap-tanggap.—Eclesiastes 7:16; Filipos 4:5.

23. Ano ang tutulong sa atin na maging matalino sa pagpili ng libangan?

23 Kaya ano ang tutulong sa atin na maging matalino sa pagpili ng libangan? Tutulong sa atin ang ating konsensiya na sinanay sa mga prinsipyo sa Bibliya at ang tunay na pagmamalasakit sa mga kapatid. Magiging masaya rin tayo dahil ginagawa natin “ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos.”

^ par. 19 Makakatulong din sa pagpili natin ng libangan ang mga prinsipyo sa Kawikaan 3:31; 13:20; Efeso 5:3, 4; at Colosas 3:5, 8, 20.