Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 12

Magsalita ng “Mabubuting Bagay na Nakapagpapatibay”

Magsalita ng “Mabubuting Bagay na Nakapagpapatibay”

“Huwag hayaang lumabas sa bibig ninyo ang bulok na pananalita. Magsalita lang ng mabubuting bagay na nakapagpapatibay.”—EFESO 4:29.

1-3. (a) Ano ang isa sa pinakamagandang regalo ni Jehova sa atin? Paano ito puwedeng magamit sa maling paraan? (b) Paano natin dapat gamitin ang kakayahang magsalita?

NIREGALUHAN ng isang tatay ang anak niyang tin-edyer ng bisikleta. Masaya siyang ibigay sa anak niya ang espesyal na regalong ito. Pero paano kung walang-ingat itong ginamit ng anak at may nabangga ito? Ano kaya ang mararamdaman ng tatay?

2 Si Jehova ang Tagapagbigay ng “bawat mabuting kaloob at [ng] bawat perpektong regalo.” (Santiago 1:17) Isa sa pinakamagandang regalo niya sa atin ay ang kakayahang magsalita. Dahil sa regalong ito, nasasabi natin ang iniisip at nararamdaman natin. Nakapagsasabi tayo ng makakatulong sa tao at makapagpapatibay sa kanila. Pero puwede ring makasakit sa iba ang mga sinasabi natin.

3 Makapangyarihan ang salita, kaya tinuturuan tayo ni Jehova kung paano magagamit na mabuti ang regalong ito. Sinabi niya: “Huwag hayaang lumabas sa bibig ninyo ang bulok na pananalita. Magsalita lang ng mabubuting bagay na nakapagpapatibay, ayon sa pangangailangan, para makinabang ang mga nakikinig.” (Efeso 4:29) Alamin natin kung paano natin magagamit ang regalong ito ng Diyos para mapasaya siya at mapatibay ang iba.

MAGING MAINGAT SA PAGSASALITA

4, 5. Ano ang matututuhan natin tungkol sa kapangyarihan ng salita mula sa mga kawikaan ng Bibliya?

4 Makapangyarihan ang mga salita, kaya dapat tayong maging maingat sa sinasabi natin at sa paraan ng pagsasabi nito. Sinasabi ng Kawikaan 15:4: “Ang mahinahong dila ay punongkahoy ng buhay, pero ang mapandayang dila ay nagdudulot ng pighati.” Gaya ng isang magandang puno na nakakaginhawa, ang mabait na salita ay nakakaginhawa rin. Pero ang masasakit na salita ay nakakasugat ng damdamin at nakakasira ng loob.—Kawikaan 18:21.

Ang mahinahong pananalita ay nakakaginhawa

5 Sinasabi ng Kawikaan 12:18: “Ang mga salitang hindi pinag-isipan ay gaya ng mga saksak ng espada.” Ang masasakit na salita ay nakakasugat ng damdamin at nakakasira ng pagkakaibigan. Baka may naaalaala kang nakapagsalita sa iyo nang hindi maganda at talagang nasaktan ka. Pero sinasabi pa ng kawikaan: “Ang dila ng marurunong ay nagpapagaling.” Kayang pagalingin ng mabait na pananalita ang nasaktang damdamin at nasirang pagkakaibigan dahil sa di-pagkakaunawaan. (Basahin ang Kawikaan 16:24.) Kung tatandaan nating may epekto sa iba ang sinasabi natin, magiging maingat tayo sa pagsasalita.

6. Bakit hindi madaling kontrolin ang lumalabas sa bibig natin?

6 Kailangan din nating mag-ingat sa pagsasalita dahil lahat tayo ay hindi perpekto. “Masama ang laman ng puso ng tao,” at karaniwan nang makikita sa sinasabi natin kung ano ang nasa puso natin. (Genesis 8:21; Lucas 6:45) Kaya hindi madaling kontrolin ang lumalabas sa bibig natin. (Basahin ang Santiago 3:2-4.) Pero pagsikapan nating mapahusay ang paraan ng pakikipag-usap natin.

7, 8. Paano makakaapekto sa kaugnayan natin kay Jehova ang mga sinasabi natin?

7 Kailangan din nating mag-ingat sa pagsasalita dahil mananagot tayo kay Jehova sa sinasabi natin at sa paraan ng pagsasabi nito. Sinasabi ng Santiago 1:26: “Kung iniisip ng isang tao na mananamba siya ng Diyos pero hindi niya kinokontrol ang dila niya, dinaraya niya ang sarili niyang puso, at walang saysay ang pagsamba niya.” Ang orihinal na salitang isinaling “walang saysay” ay puwede ring mangahulugang “walang silbi.” (1 Corinto 15:17) Kaya kung hindi tayo maingat sa pagsasalita, puwede nating masira at maiwala pa nga ang kaugnayan natin kay Jehova.—Santiago 3:8-10.

8 Maliwanag, may magagandang dahilan tayo para mag-ingat sa sinasabi natin at sa paraan ng pagsasabi nito. Para tulungan tayong gamitin ang regalong ito sa paraang gusto ni Jehova, kailangan nating malaman kung anong klase ng pananalita ang dapat iwasan.

MGA SALITANG NAKAKASIRA NG LOOB

9, 10. (a) Anong klase ng pananalita ang karaniwan na lang sa ngayon? (b) Bakit hindi tayo gumagamit ng malaswang pananalita?

9 Karaniwan na lang sa ngayon ang paggamit ng malaswa o maruming pananalita. Iniisip ng marami na kailangan nilang magmura at gumamit ng malaswang pananalita para masabi ang gusto nilang sabihin. Madalas gumamit ang mga komedyante ng malalaswang biro at pananalita para patawanin ang mga tao. Pero sinabi ni apostol Pablo: “Dapat ninyong alisin ang lahat ng ito: poot, galit, kasamaan, mapang-abusong pananalita, at malaswang pananalita.” (Colosas 3:8) Sinabi rin niya na ang “malaswang pagbibiro” ay “huwag man lang mabanggit sa gitna” ng mga tunay na Kristiyano.—Efeso 5:3, 4.

10 Ang malaswang pananalita ay hindi kalugod-lugod kay Jehova at sa mga nagmamahal sa kaniya. Marumi ito. Sa Bibliya, ang “karumihan” ay kasama sa “mga gawa ng laman.” (Galacia 5:19-21) Kasama naman sa “karumihan” ang iba’t ibang kasalanan, at ang isang maruming bisyo ay puwedeng mauwi sa isa pang bisyo. Kung nakasanayan ng isang tao na magsalita ng mga bagay na marumi at malaswa at ayaw niya itong ihinto, baka ipinapakita nito na dapat siyang alisin sa kongregasyon.—2 Corinto 12:21; Efeso 4:19; tingnan ang Karagdagang Impormasyon 23.

11, 12. (a) Ano ang tsismis? (b) Bakit dapat nating iwasan ang paninirang-puri?

11 Kailangan din nating iwasan ang tsismis. Natural sa atin na maging interesado sa iba at magkuwento tungkol sa mga kaibigan at kapamilya. Kahit noong unang siglo, gustong malaman ng mga Kristiyano ang kalagayan ng mga kapatid at kung paano sila makakatulong. (Efeso 6:21, 22; Colosas 4:8, 9) Pero ang pagkukuwento tungkol sa iba ay madaling mauwi sa tsismis. Kung ikukuwento natin ang isang tsismis, baka makapagsalita tayo ng hindi totoo o makapagsabi ng kompidensiyal na mga bagay. Kung hindi tayo maingat, puwede itong mauwi sa maling akusasyon, o paninirang-puri. Siniraang-puri ng mga Pariseo si Jesus nang akusahan nila siya ng mga bagay na hindi niya ginawa. (Mateo 9:32-34; 12:22-24) Ang paninirang-puri ay nakakasira ng reputasyon ng isang tao, nauuwi sa pagtatalo at samaan ng loob, at nakakasira ng pagkakaibigan.—Kawikaan 26:20.

12 Gusto ni Jehova na gamitin natin ang ating kakayahang magsalita para tulungan at patibayin ang iba, hindi para gawing kaaway ang mga kaibigan natin. Kinapopootan ni Jehova ang mga “naghahasik ng pagtatalo sa gitna ng magkakapatid.” (Kawikaan 6:16-19) Ang unang maninirang-puri ay si Satanas na Diyablo, dahil siniraang-puri niya ang Diyos. (Apocalipsis 12:9, 10) Sa ngayon, karaniwan na lang sa mga tao ang magsabi ng hindi totoo tungkol sa iba. Pero hindi ito dapat mangyari sa kongregasyong Kristiyano. (Galacia 5:19-21) Kaya dapat tayong mag-ingat sa mga sinasabi natin at laging mag-isip muna bago magsalita. Bago mo ikuwento ang narinig mo tungkol sa iba, tanungin ang sarili: ‘Totoo ba ang mga sasabihin ko? Maganda ba kung sasabihin ko ito? Makakatulong kaya ito? Paano kung marinig ng taong ikinukuwento ko ang sinasabi ko tungkol sa kaniya, matutuwa kaya siya? Ano ang mararamdaman ko kung ganiyan ang sasabihin ng iba tungkol sa akin?’—Basahin ang 1 Tesalonica 4:11.

13, 14. (a) Ano ang puwedeng maging epekto sa iba ng mapang-abusong pananalita? (b) Ano ang panlalait? Bakit dapat itong iwasan ng mga Kristiyano?

13 Kung minsan, nakakapagsalita tayo ng mga bagay na pinagsisisihan natin. Pero ayaw nating makasanayan ang pamumuna at pagsasalita ng masakit sa iba. Hinding-hindi tayo dapat gumamit ng mapang-abusong pananalita. Sinabi ni Pablo: “Alisin ninyo sa inyong sarili ang lahat ng matinding hinanakit, galit, poot, pagbulyaw, at mapang-abusong pananalita.” (Efeso 4:31) Isinasalin ng ibang Bibliya ang “mapang-abusong pananalita” bilang “masasamang salita,” “nakasasakit na pananalita,” at “mapang-insultong pananalita.” Dahil sa mapang-abusong pananalita, nawawalan ng dignidad ang tao at nararamdaman nilang wala silang halaga. Napakadali lang masaktan lalo na ang mga bata, kaya dapat tayong maging maingat para hindi sila masiraan ng loob.—Colosas 3:21.

14 Nagbababala rin ang Bibliya tungkol sa isa pang uri ng mapang-abusong pananalita—ang panlalait. Ang panlalait ay ang paulit-ulit na pamimintas sa iba para saktan sila. Nakakalungkot kung ganiyan tatratuhin ng isang tao ang asawa niya o mga anak! Ang totoo, ang isa na ayaw huminto sa panlalait ay hindi na kuwalipikadong maging miyembro ng kongregasyon. (1 Corinto 5:11-13; 6:9, 10) Gaya ng natutuhan natin, kung nagsasalita tayo ng malaswa, masakit, o hindi totoo, masisira ang kaugnayan natin kay Jehova at sa iba.

MGA SALITANG NAKAPAGPAPATIBAY

15. Anong klase ng pananalita ang nagpapatibay sa pagkakaibigan?

15 Paano natin magagamit ang kakayahang magsalita sa paraang gusto ni Jehova? Kahit hindi sinasabi ng Bibliya kung ano ang dapat at hindi natin dapat sabihin, sinasabi naman nito sa atin na “magsalita lang ng mabubuting bagay na nakapagpapatibay.” (Efeso 4:29) Ang mga salitang nakapagpapatibay ay malinis, mabait, at totoo. Gusto ni Jehova na nakapagpapatibay at nakakatulong ang mga sinasabi natin. Hindi ito laging madaling gawin. Mas madaling magsabi ng masasakit at hindi pinag-isipang mga bagay kaysa magsalita nang positibo. (Tito 2:8) Pag-usapan natin ang ilang paraan kung paano natin mapapatibay ang iba sa sinasabi natin.

16, 17. (a) Bakit dapat nating bigyan ng komendasyon ang iba? (b) Sino ang mga puwede nating bigyan ng komendasyon?

16 Palaging nagbibigay ng komendasyon si Jehova at si Jesus. Gusto natin silang tularan. (Mateo 3:17; 25:19-23; Juan 1:47) Para makapagbigay ng komendasyon na talagang magpapatibay, kailangang may personal na interes ka sa iba. Sinasabi ng Kawikaan 15:23: “Ang salitang sinabi sa tamang panahon—napakabuti nito!” Napapatibay tayo kapag may nagbigay sa atin ng komendasyon dahil sa mga pagsisikap natin o may nagpasalamat sa atin dahil sa ginawa natin.—Basahin ang Mateo 7:12; tingnan ang Karagdagang Impormasyon 27.

17 Kung lagi mong titingnan ang mabubuting katangian ng iba, mas madaling magbigay ng taos-pusong komendasyon. Halimbawa, baka napansin mo na naghahandang mabuti sa mga pahayag ang isang kapatid o nagsisikap na magkomento sa mga pulong. Baka isang kabataan ang naninindigan sa paaralan, o isang may-edad ang regular sa ministeryo. Malaki ang magagawa sa kanila ng komendasyon mo. Napakahalaga ring sabihin ng asawang lalaki sa asawa niya na mahal niya siya at pinapahalagahan. (Kawikaan 31:10, 28) Gaya ng halaman na kailangan ng liwanag at tubig, kailangan ding maramdaman ng iba na pinapahalagahan sila. Totoo iyan lalo na sa mga bata. Humanap ng mga pagkakataon para bigyan sila ng komendasyon dahil sa kanilang mabubuting katangian at pagsisikap. Dahil sa komendasyon, magkakaroon sila ng lakas ng loob at kumpiyansa at lalo silang magsisikap na gawin ang tama.

Puwedeng mapatibay ang iba ng sinasabi natin at kung paano natin ito sinasabi

18, 19. Bakit dapat nating gawin ang lahat para patibayin ang iba? Paano natin ito magagawa?

18 Kapag pinapatibay natin ang iba, tinutularan natin si Jehova. Talagang nagmamalasakit siya sa mga “hamak” at “nagdurusa.” (Isaias 57:15) Gusto ni Jehova na “patuloy [nating] pasiglahin ang isa’t isa” at “patibayin ang mga pinanghihinaan ng loob.” (1 Tesalonica 5:11, 14) Kapag sinisikap nating gawin iyan, nakikita at pinapahalagahan niya ito.

19 Baka may mapansin kang kapatid sa kongregasyon na pinanghihinaan ng loob o nadedepres. Ano ang puwede mong sabihin sa kaniya? Hindi mo man maayos ang problema niya, puwede mo namang ipadama na nagmamalasakit ka. Halimbawa, puwede kang maglaan ng panahon para makasama siya. Puwede kang magbasa ng isang nakapagpapatibay na teksto sa Bibliya at manalangin kasama siya. (Awit 34:18; Mateo 10:29-31) Tiyakin sa kaniya na mahal siya ng kongregasyon. (1 Corinto 12:12-26; Santiago 5:14, 15) At iparamdam sa kaniya na totoo at mula sa puso ang sinasabi mo.—Basahin ang Kawikaan 12:25.

20, 21. Ano ang makakatulong para madaling tanggapin ng iba ang payo?

20 Mapapatibay din natin ang iba kapag nagbibigay tayo ng mabubuting payo. Dahil hindi tayo perpekto, kailangan natin ng payo paminsan-minsan. Sinasabi ng Kawikaan 19:20: “Makinig ka sa payo at tumanggap ng disiplina para maging marunong ka pagdating ng araw.” Hindi lang mga elder ang puwedeng magbigay ng payo. Kailangang gabayan ng mga magulang ang mga anak nila. (Efeso 6:4) Puwede ring magbigay ng mahusay na payo ang mga sister sa ibang sister. (Tito 2:3-5) Dahil mahal natin ang mga kapatid, titiyakin natin na hindi sila masasaktan sa pagpapayo natin. Paano natin iyan magagawa?

21 Baka naaalaala mo nang payuhan ka ng isang tao at madali mong natanggap iyon. Bakit naging epektibo iyon? Baka naramdaman mo na talagang nagmamalasakit siya. O baka nagpayo siya nang may kabaitan at pagmamahal. (Colosas 4:6) Malamang na galing sa Bibliya ang payo. (2 Timoteo 3:16) Binasa man natin ito mismo sa Bibliya o hindi, dapat na may makakasulatang basehan ang payo natin. Hindi natin puwedeng ipilit sa iba ang opinyon natin o gamitin ang teksto para suportahan ang sariling ideya. Kapag inalaala mo kung paano ka binigyan ng payo noon, matutulungan ka nito kapag nagpapayo ka sa iba.

22. Paano mo gagamitin ang kakayahan mong magsalita?

22 Ang kakayahang magsalita ay regalo ng Diyos. Dapat tayong pakilusin ng pag-ibig sa kaniya na gamitin ito nang tama. Tandaan, ang salita ay puwedeng makasira ng loob o makapagpatibay. Kaya sikapin nating gamitin ang kakayahang magsalita para patibayin ang iba.