LEKSIYON 13
Gustong Tumulong ni Timoteo sa mga Tao
Si Timoteo ay isang kabataang lalaki na gustong-gustong tumulong sa mga tao. Nagpunta siya sa maraming lugar para tulungan ang iba. Kaya napakasaya niya. Gusto mo bang malaman kung ano ang mga ginawa niya?—
Si Timoteo ay tinuruan ng kaniyang nanay at lola tungkol kay Jehova
Lumaki si Timoteo sa lunsod ng Listra. Bata pa lang siya, tinuturuan na siya tungkol kay Jehova ng kaniyang lolang si Loida at ng nanay niyang si Eunice. Kaya nang malaki na si Timoteo, gusto niyang tulungan ang mga tao na makilala si Jehova.
Tin-edyer pa lang noon si Timoteo nang tanungin siya ni Pablo kung gusto niyang sumama sa iba’t ibang lugar para magturo tungkol sa Diyos. Sumagot si Timoteo:
‘Sige po!’ Handang sumama si Timoteo at tumulong sa mga tao.Magkasamang pumunta si Timoteo at si Pablo sa Tesalonica, isang lunsod sa Macedonia. Kailangan nilang maglakad nang malayo at sumakay sa barko. Nang makarating sila doon, tinulungan nila ang maraming tao na makilala si Jehova. Pero may mga nagalit at gusto silang saktan. Kaya umalis doon sina Pablo at Timoteo at sa ibang lugar na lang sila nagturo.
Pagkaraan ng ilang buwan, pinapabalik ni Pablo si Timoteo sa Tesalonica para kumustahin ang mga kapatid na Kristiyano doon. Nakakatakot bumalik sa lugar na iyon kasi delikado! Pero pumunta pa rin si Timoteo kasi nag-aalala siya sa mga kapatid. Magandang balita ang dala niya pagbalik kay Pablo! Napakasigla ng mga kapatid sa Tesalonica!
Naglingkod si Timoteo kasama si Pablo sa loob ng maraming taon. Minsan, isinulat ni Pablo na si Timoteo ang tamang-tamang ipadala sa mga kongregasyon. Mahal ni Timoteo si Jehova pati ang mga tao.
Mahal mo ba ang mga tao at gusto mo silang tulungan na makilala si Jehova?— Kung oo, magiging masaya ka gaya ni Timoteo!