LEKSIYON 8
May Mabubuting Kaibigan si Josias
Mahirap bang gawin ang tama?— Iniisip ng maraming tao na mahirap nga. May kuwento ang Bibliya tungkol sa batang lalaking si Josias. Hindi naging madali para sa kaniya na gawin ang tama. Pero may mabubuti siyang kaibigan na tumulong sa kaniya. Kilalanin natin si Josias pati na ang mga kaibigan niya.
Ang tatay ni Josias ay si Amon, hari ng Juda. Napakasama ni Amon at sumasamba siya sa mga diyos-diyosan. Noong mamatay si Amon, si Josias ang naging hari ng Juda. Pero walong taóng gulang lang siya! Sa palagay mo, masama din kaya siya gaya ng tatay niya?— Hindi!
Kahit batang-bata pa si Josias, gusto niyang sundin si Jehova. Kaya nakipagkaibigan siya doon lang sa mga taong mahal din si Jehova. Tinulungan nila si Josias na gawin ang tama. Sino ang ilan sa mga kaibigan ni Josias?
Isa si Zefanias sa mga kaibigan niya. Si Zefanias ay isang propeta na nagsabi sa
mga taga-Juda na may masamang mangyayari sa kanila kung sasamba sila sa mga diyos-diyosan. Nakinig si Josias kay Zefanias. Si Jehova ang sinamba ni Josias at hindi ang mga diyos-diyosan.Kaibigan din ni Josias si Jeremias. Halos magkaedad sila at magkalapit lang ang bahay nila. Nagtulungan sina Jeremias at Josias na gawin ang tama at sundin si Jehova. Talagang magkaibigan sila. Nang mamatay si Josias, lungkot na lungkot si Jeremias kaya gumawa siya ng kanta tungkol sa mahal niyang kaibigan.
Nagtulungan sina Jeremias at Josias na gawin ang tama
Ano ang matututunan mo kay Josias?— Kahit noong bata pa si Josias, gusto niyang gawin kung ano ang tama. Alam niyang dapat siyang makipagkaibigan doon lang sa mga taong mahal si Jehova. Kaya dapat, makipagkaibigan ka lang din sa mga taong mahal si Jehova at makakatulong sa iyo na gawin ang tama!