LEKSIYON 3
Naniwala si Rahab kay Jehova
Kunwari, nasa lunsod tayo ng Jerico. Ang lunsod na ito ay nasa lupain ng Canaan at ang mga tao dito ay hindi naniniwala kay Jehova. Dito nakatira ang babaing si Rahab.
Bata pa si Rahab, alam na niya ang mga kuwento tungkol sa paghati ni Moises sa Dagat na Pula at paglaya ng mga Israelita mula sa Ehipto. Narinig din niya kung paano tinulungan ni Jehova ang mga Israelita na manalo sa mga gera laban sa kanilang mga kaaway. Ngayon, nabalitaan niya na malapit na sa Jerico ang mga sundalong Israelita!
Tinulungan ni Rahab ang mga espiya dahil naniniwala siya kay Jehova
Isang gabi, dalawang Israelita ang pumasok sa lunsod nang hindi napapansin ng iba. Ang tawag sa kanila ay mga espiya. Pumunta sila sa bahay ni Rahab. Pinapasok naman niya sila. Nang gabing iyon, nalaman ng hari ng Jerico na may mga espiya sa lunsod at na pumunta sila sa bahay ni Rahab. Kaya nag-utos ang hari na hulihin sila. Pero itinago ni Rahab ang dalawang espiya sa bubungan ng kaniyang bahay. Tapos, sinabi niya sa mga lalaking inutusan ng hari: ‘Nandito sila kanina, pero nakaalis na sila. Dali, baka maabutan n’yo pa sila!’ Alam mo ba kung bakit tinulungan ni Rahab ang mga espiya?— Dahil naniniwala siya kay Jehova at alam niyang ibibigay ni Jehova sa mga Israelita ang lupain ng Canaan.
Bago umalis sa bahay ni Rahab ang mga espiya, nangako sila na maliligtas si Rahab at ang kaniyang pamilya kapag winasak ang Jerico. Alam mo ba kung ano ang ipinagawa nila kay Rahab?— Sinabi nila: ‘Isabit mo sa labas ng bintana ang pulang tali na ito para lahat ng nasa loob ng bahay mo ay maligtas.’ Iyon mismo ang ginawa ni Rahab. Alam mo ba kung ano ang nangyari pagkatapos?—
Makalipas ang ilang araw, tahimik na nagmartsa sa palibot ng lunsod ang mga Israelita. Anim na araw silang nagmartsa sa palibot ng lunsod, isang beses sa isang araw. Pero sa pampitong araw, pitong beses silang nagmartsa. Tapos, sumigaw sila nang malakas! Pinabagsak ni Jehova ang mga pader ng lunsod, pero hindi ang bahay na may pulang tali! Nakikita mo ba ito sa larawan?— Ligtas si Rahab pati ang kaniyang pamilya!
Ano ang matututunan mo kay Rahab?— Naniwala si Rahab kay Jehova dahil marami siyang nalamang magagandang bagay tungkol kay Jehova. Marami ka ding natututunang magagandang bagay tungkol kay Jehova. Naniniwala ka din ba sa kaniya gaya ni Rahab?— Siyempre!