LEKSIYON 7
Pakiramdam Mo Ba’y Nag-iisa Ka?
Tingnan mo ang bata sa larawan. Parang natatakot siya, hindi ba? Ikaw, natatakot ka din ba?— Lahat naman tayo, natatakot minsan. May sinasabi ang Bibliya na mga kaibigan ni Jehova na natakot din kasi akala nila nag-iisa sila. Isa na dito si Elias. Alamin natin ang kuwento niya.
Nabuhay si Elias sa Israel noong hindi pa ipinapanganak si Jesus dito sa lupa. Ang hari ng Israel na si Ahab ay hindi sumasamba sa tunay na Diyos na si Jehova. Ang diyos-diyosang si Baal ang sinasamba niya at ng asawa niyang si Jezebel. Kaya maraming Israelita ang sumamba na din kay Baal. Napakasama ni Reyna Jezebel. Gusto niyang patayin ang lahat ng sumasamba kay Jehova, pati na si Elias! Alam mo ba kung ano ang ginawa ni Elias?—
Tumakas si Elias! Nagpunta siya sa disyerto at nagtago sa isang kuweba. Bakit
kaya siya nagtago?— Oo, natakot siya. Pero hindi naman siya dapat matakot. Bakit? Kasi alam niyang kaya siyang tulungan ni Jehova. Nakita na dati ni Elias kung gaano kalakas ang kapangyarihan ni Jehova. Minsan, nagpadala si Jehova ng apoy mula sa langit para sagutin ang panalangin ni Elias. Kaya siyempre, kayang-kaya siyang tulungan ni Jehova ngayon!Noong nasa kuweba si Elias, tinanong siya ni Jehova: ‘Ano ang ginagawa mo dito?’ Sumagot si Elias: ‘Ako na lang ang natitirang sumasamba sa iyo. Mag-isa na lang ako. Natatakot ako kasi papatayin din ako.’ Akala ni Elias, pinatay na ang lahat ng iba pang mananamba ni Jehova. Pero sinabi ni Jehova sa kaniya: ‘Hindi totoo ‘yan. May 7,000 pa na sumasamba sa akin. Huwag kang matakot. Marami pa akong ipapagawa sa iyo!’ Natuwa kaya si Elias sa sinabi ni Jehova?—
Ano ang matututunan mo sa kuwento ni Elias?— Hindi ka dapat matakot, kasi hindi ka nag-iisa. May mga kaibigan ka na mahal si Jehova at mahal ka din. Isa pa, malakas ang kapangyarihan ni Jehova, at lagi ka niyang tutulungan! Natutuwa ka bang malaman na hindi ka talaga nag-iisa?—