LEKSIYON 11
Sumulat Sila Tungkol kay Jesus
Nakikita mo ba ang mga lalaki sa larawan?— Sila’y sina Mateo, Marcos, Lucas, Juan, Pedro, Santiago, Judas, at Pablo. Nabuhay sila noong nandito si Jesus sa lupa. Sumulat sila tungkol kay Jesus. Kilalanin natin sila.
Kilala mo ba ang mga lalaking ito?
Tatlo sa kanila ay mga apostol, o mga lalaking pinili ni Jesus para makasama niya sa pagtuturo tungkol kay Jehova. Kilala mo ba sila?— Sila’y sina Mateo, Juan, at Pedro. Kilalang-kilala ng mga apostol na sina Mateo at Juan si
Jesus, at pareho silang sumulat ng isang aklat tungkol sa buhay ni Jesus. Isinulat din ni apostol Juan ang aklat ng Apocalipsis at tatlong liham na tinatawag na Unang Juan, Ikalawang Juan, at Ikatlong Juan. Si apostol Pedro naman ay sumulat ng dalawang liham sa Bibliya, ang Unang Pedro at Ikalawang Pedro. Sa ikalawang liham ni Pedro, isinulat niya na nagsalita si Jehova mula sa langit at sinabi tungkol kay Jesus: ‘Ito ang anak ko. Mahal ko siya, at tuwang-tuwa ako sa kaniya.’Ang iba pang lalaki sa larawan ay sumulat din ng aklat tungkol kay Jesus. Isa sa kanila si Marcos. Malamang na nandoon siya nang hulihin si Jesus at nakita niya ang lahat ng nangyari. Ang isa pa ay si Lucas. Isa siyang doktor, at malamang na naging Kristiyano siya pagkamatay ni Jesus.
Ang dalawa pang sumulat ng aklat sa Bibliya na nakikita mo sa larawan ay mga kapatid ni Jesus na mas bata sa kaniya. Kilala mo ba sila?— Sila’y sina Santiago at Judas. Noong una, hindi sila naniniwala kay Jesus. Inisip pa nga nila na nababaliw na siya. Pero bandang huli, naniwala din sila at naging mga Kristiyano.
Ang natitirang lalaki sa larawan na nagsulat din ng aklat sa Bibliya ay si Pablo. Bago siya naging Kristiyano, Saul ang pangalan niya. Galít siya sa mga Kristiyano at inaaway niya sila. Alam mo ba kung bakit nagbago si Pablo at naging Kristiyano?—Isang araw, habang papunta sa isang lugar si Pablo, may nakipag-usap sa kaniya na isang boses mula sa langit. Si Jesus iyon! Tinanong niya si Pablo: ‘Bakit salbahe ka sa mga naniniwala sa akin?’ Pagkatapos noon, nagbago si Pablo at naging Kristiyano. Siya ang sumulat ng 14 na aklat ng Bibliya, mula Roma hanggang Hebreo.
Nagbabasa tayo ng Bibliya araw-araw, ‘di ba?— Kapag nagbabasa tayo ng Bibliya, marami tayong malalaman tungkol kay Jesus. Gusto mo bang matuto tungkol sa kaniya?—