1 Corinto 11:1-34
11 Maging mga tagatulad kayo sa akin, gaya ko naman kay Kristo.+
2 Ngayon ay pinapupurihan ko kayo sapagkat sa lahat ng bagay ay isinasaisip ninyo ako at pinanghahawakan ninyong mahigpit ang mga tradisyon+ gaya nga ng ibinigay ko sa inyo.
3 Ngunit nais kong malaman ninyo na ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo;+ ang ulo naman ng babae ay ang lalaki;+ ang ulo naman ng Kristo ay ang Diyos.+
4 Ang bawat lalaki na nananalangin o nanghuhula na may anumang bagay sa kaniyang ulo ay humihiya sa kaniyang ulo;+
5 ngunit ang bawat babae na nananalangin o nanghuhula+ nang di-nalalambungan ang kaniyang ulo ay humihiya sa kaniyang ulo,+ sapagkat katulad na rin siya ng isang babaing inahitan ang ulo.+
6 Sapagkat kung ang isang babae ay hindi nagtatalukbong, magpagupit na rin siya; ngunit kung kahiya-hiya na ang isang babae ay magupitan o maahitan,+ magtalukbong siya.+
7 Sapagkat ang isang lalaki ay hindi dapat magtalukbong ng kaniyang ulo, yamang siya ay larawan+ at kaluwalhatian ng Diyos;+ ngunit ang babae ay kaluwalhatian ng lalaki.+
8 Sapagkat ang lalaki ay hindi nagmula sa babae, kundi ang babae ang nagmula sa lalaki;+
9 at, higit pa riyan, ang lalaki ay hindi nilalang alang-alang sa babae, kundi ang babae alang-alang sa lalaki.+
10 Iyan ang dahilan kung bakit ang babae ay dapat magkaroon ng tanda ng awtoridad sa kaniyang ulo+ dahil sa mga anghel.+
11 Bukod diyan, may kaugnayan sa Panginoon ay walang babae kung walang lalaki at walang lalaki kung walang babae.+
12 Sapagkat kung paanong ang babae ay nagmula sa lalaki,+ gayundin na ang lalaki ay sa pamamagitan ng babae;+ ngunit ang lahat ng bagay ay nagmula sa Diyos.+
13 Kayo mismo ang humatol: Nararapat ba na ang babae ay manalangin sa Diyos nang di-nalalambungan?
14 Hindi ba ang kalikasan mismo ang nagtuturo sa inyo na kung ang lalaki ay may mahabang buhok, ito ay kasiraang-puri sa kaniya;
15 ngunit kung ang babae ay may mahabang buhok, ito ay kaluwalhatian+ sa kaniya? Sapagkat ang kaniyang buhok ang ibinigay sa kaniya sa halip na isang panakip sa ulo.+
16 Gayunman, kung waring nakikipagtalo+ ang sinumang tao dahil sa ibang kaugalian,+ wala na tayong iba pa, ni ang mga kongregasyon man ng Diyos.
17 Ngunit, samantalang ibinibigay ang mga tagubiling ito, hindi ko kayo pinapupurihan sapagkat nagkakatipon kayo hindi sa ikabubuti, kundi sa ikasasama.+
18 Sapagkat una sa lahat, kapag nagtitipon kayo sa isang kongregasyon, naririnig ko na may umiiral na mga pagkakabaha-bahagi sa gitna ninyo;+ at pinaniniwalaan ko ito nang kaunti.
19 Sapagkat tiyak na mayroon ding mga sekta+ sa gitna ninyo, upang ang mga taong sinang-ayunan ay maging hayag din sa gitna ninyo.+
20 Kaya nga, kapag nagtitipon kayo sa isang dako, hindi maaaring kainin ang hapunan ng Panginoon.+
21 Sapagkat, kapag kinakain ninyo ito, ang bawat isa ay patiunang kumakain ng kaniyang sariling hapunan, anupat ang isa ay gutóm ngunit ang isa naman ay lango.
22 Tiyak namang may mga bahay kayo para sa pagkain at pag-inom, hindi ba?+ O hinahamak ba ninyo ang kongregasyon ng Diyos at hinihiya yaong mga walang anumang taglay?+ Ano nga ang sasabihin ko sa inyo? Papupurihan ko ba kayo? Dito ay hindi ko kayo pinapupurihan.
23 Sapagkat tinanggap ko mula sa Panginoon yaong ibinigay ko rin sa inyo, na ang Panginoong Jesus, nang gabing+ ibibigay na siya, ay kumuha ng tinapay
24 at, nang makapagpasalamat, pinagputul-putol niya ito+ at sinabi: “Ito ay nangangahulugan ng aking katawan+ alang-alang sa inyo. Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala+ sa akin.”
25 Gayundin ang ginawa niya may kinalaman sa kopa,+ pagkatapos niyang makapaghapunan, na sinasabi: “Ang kopang ito ay nangangahulugan ng bagong tipan+ sa bisa ng aking dugo.+ Patuloy ninyong gawin ito, sa tuwing iinumin ninyo ito, bilang pag-alaala+ sa akin.”
26 Sapagkat sa tuwing+ kakainin ninyo ang tinapay na ito at iinuman ang kopang ito, patuloy ninyong inihahayag ang kamatayan+ ng Panginoon, hanggang sa dumating siya.+
27 Dahil dito ang sinumang kumakain ng tinapay o umiinom sa kopa ng Panginoon nang di-karapat-dapat ay magkakasala+ may kinalaman sa katawan at sa dugo+ ng Panginoon.
28 Patunayan muna ng isang tao ang kaniyang sarili pagkatapos ng maingat na pagsisiyasat,+ at kung magkagayon ay kumain siya ng tinapay at uminom sa kopa.
29 Sapagkat siya na kumakain at umiinom ay kumakain at umiinom ng hatol+ laban sa kaniyang sarili kung hindi niya napag-uunawa ang katawan.
30 Iyan ang dahilan kung bakit marami sa inyo ang mahina at masasaktin, at marami ang natutulog+ na sa kamatayan.
31 Ngunit kung mapag-uunawa sana natin kung ano tayo mismo, hindi tayo mahahatulan.+
32 Gayunman, kapag tayo ay hinahatulan,+ dinidisiplina tayo ni Jehova,+ upang huwag tayong mapatawan ng hatol+ kasama ng sanlibutan.+
33 Dahil dito, mga kapatid ko, kapag nagtitipon kayo upang kainin ito,+ hintayin ninyo ang isa’t isa.
34 Kung ang sinuman ay gutóm, kumain siya sa bahay,+ upang huwag kayong magkatipon ukol sa paghatol.+ Ngunit ang nalalabing mga bagay ay aayusin ko pagdating ko riyan.