1 Corinto 14:1-40

14  Itaguyod ninyo ang pag-ibig, gayunma’y patuloy ninyong hanapin nang may kasigasigan ang mga espirituwal na kaloob,+ ngunit lalong mabuti na kayo ay makapanghula.+  Sapagkat siya na nagsasalita ng isang wika ay nagsasalita, hindi sa mga tao, kundi sa Diyos, sapagkat walang sinumang nakikinig,+ kundi nagsasalita siya ng mga sagradong lihim+ sa pamamagitan ng espiritu.  Gayunman, siya na nanghuhula ay nagpapatibay+ at nagpapasigla at umaaliw sa mga tao sa pamamagitan ng kaniyang pananalita.  Siya na nagsasalita ng isang wika ay nagpapatibay ng kaniyang sarili, ngunit siya na nanghuhula ay nagpapatibay ng kongregasyon.  Ngayon ay ibig ko sanang kayong lahat ay magsalita ng mga wika,+ ngunit mas gusto ko na kayo ay manghula.+ Sa katunayan, siya na nanghuhula ay mas dakila kaysa sa kaniya na nagsasalita ng mga wika,+ maliban nga lamang kung siya ay nagsasalin, upang ang kongregasyon ay tumanggap ng pampatibay.  Ngunit sa pagkakataong ito, mga kapatid, kung darating ako na nagsasalita sa inyo ng mga wika, anong kabutihan ang maidudulot ko sa inyo malibang magsalita ako sa inyo na may isang pagsisiwalat+ o may kaalaman+ o may isang hula o may isang turo?  Ang totoo, ang walang-buhay na mga bagay ay naglalabas ng tunog,+ maging plawta man o alpa; malibang gumawa ito ng pag-iiba-iba ng tono, paano malalaman kung ano ang tinutugtog sa plawta o sa alpa?  Sapagkat sa katotohanan, kung ang trumpeta ay nagpapatunog ng malabong panawagan, sino ang maghahanda para sa pakikipagbaka?+  Sa gayunding paraan, malibang bumigkas kayo sa pamamagitan ng dila ng pananalitang madaling maunawaan,+ paano malalaman kung ano ang sinasalita? Sa katunayan ay magsasalita kayo sa hangin.+ 10  Maaaring may napakaraming uri ng tunog ng pananalita sa sanlibutan, gayunma’y walang anumang uri ang walang kahulugan. 11  Sa gayon, kung hindi ko nauunawaan ang puwersa ng tunog ng pananalita, ako ay magiging banyaga+ sa isa na nagsasalita, at ang nagsasalita ay magiging banyaga sa akin. 12  Kaya kayo rin mismo, yamang may-kasigasigan ninyong ninanasa ang mga kaloob ng espiritu,+ nasain ninyong managana sa mga ito ukol sa ikatitibay ng kongregasyon.+ 13  Kaya nga siya na nagsasalita ng isang wika ay manalangin na makapagsalin siya.+ 14  Sapagkat kung nananalangin ako sa isang wika, ang kaloob sa akin ng espiritu ang siyang nananalangin,+ ngunit ang aking pag-iisip ay di-mabunga. 15  Kung gayon, ano ang dapat gawin? Mananalangin ako na may kaloob ng espiritu, ngunit mananalangin din ako sa aking pag-iisip. Aawit ako ng papuri+ na may kaloob ng espiritu, ngunit aawit din ako ng papuri sa aking pag-iisip.+ 16  Kung hindi, kapag naghahandog ka ng papuri na may kaloob ng espiritu, paanong ang taong naroon sa upuan ng pangkaraniwang tao ay magsasabi ng “Amen”+ sa iyong pagpapasalamat, yamang hindi niya alam kung ano ang sinasabi mo? 17  Totoo, nagpapasalamat ka sa mahusay na paraan, ngunit ang ibang tao naman ay hindi napatitibay.+ 18  Nagpapasalamat ako sa Diyos, na nagsasalita ako ng mas maraming wika kaysa sa inyong lahat.+ 19  Gayunpaman, sa isang kongregasyon ay mas nanaisin kong magsalita ng limang salita mula sa aking pag-iisip, upang maturuan ko rin ang iba nang bibigan, kaysa sampung libong salita sa isang wika.+ 20  Mga kapatid, huwag kayong maging mga bata sa mga kakayahan ng pang-unawa,+ kundi maging mga sanggol kayo kung tungkol sa kasamaan;+ gayunma’y maging hustong-gulang sa mga kakayahan ng pang-unawa.+ 21  Sa Kautusan ay nakasulat: “ ‘Sa mga wika ng mga banyaga at sa mga labi ng mga taga-ibang bayan+ ay magsasalita ako sa bayang ito,+ at magkagayunman ay hindi sila magbibigay-pansin sa akin,’ sabi ni Jehova.”+ 22  Samakatuwid ang mga wika ay isang tanda,+ hindi sa mga mananampalataya, kundi sa mga di-sumasampalataya,+ samantalang ang panghuhula ay hindi para sa mga di-sumasampalataya, kundi para sa mga mananampalataya.+ 23  Kaya nga, kung ang buong kongregasyon ay nagtitipon sa isang dako at silang lahat ay nagsasalita ng mga wika,+ ngunit pumasok ang mga pangkaraniwang tao o mga di-sumasampalataya, hindi ba nila sasabihin na nababaliw kayo? 24  Ngunit kung kayong lahat ay nanghuhula at pumasok ang isang di-sumasampalataya o pangkaraniwang tao, siya ay nasasaway nilang lahat,+ siya ay maingat na nasusuri ng lahat; 25  ang mga lihim ng kaniyang puso ay nagiging hayag,+ anupat isusubsob niya ang kaniyang mukha at sasamba sa Diyos, na ipinahahayag: “Ang Diyos ay tunay ngang nasa gitna ninyo.”+ 26  Kung gayon, ano ang dapat gawin, mga kapatid? Kapag nagtitipon kayo, ang isa ay may awit, ang isa naman ay may turo, ang isa naman ay may pagsisiwalat, ang isa naman ay may wika, ang isa naman ay may pagpapakahulugan.+ Maganap ang lahat ng bagay ukol sa ikatitibay.+ 27  At kung may nagsasalita ng isang wika, limitahan ito sa dalawa o tatlo sa pinakamarami, at halinhinan; at isa ang magsalin.+ 28  Ngunit kung walang tagapagsalin, manatili siyang tahimik sa kongregasyon at magsalita sa kaniyang sarili+ at sa Diyos. 29  Karagdagan pa, dalawa o tatlong propeta+ ang magsalita, at unawain ng iba ang kahulugan.+ 30  Ngunit kung may pagsisiwalat sa isa pa+ samantalang nakaupo roon, manatiling tahimik ang nauna. 31  Sapagkat kayong lahat ay makapanghuhula+ nang isa-isa, upang lahat ay matuto at lahat ay mapatibay-loob.+ 32  At ang mga kaloob ng espiritu ng mga propeta ay susupilin ng mga propeta. 33  Sapagkat ang Diyos ay isang Diyos, hindi ng kaguluhan,+ kundi ng kapayapaan.+ Gaya ng sa lahat ng kongregasyon ng mga banal, 34  ang mga babae ay manatiling tahimik+ sa mga kongregasyon, sapagkat hindi ipinahihintulot na magsalita sila, kundi magpasakop sila,+ gaya nga ng sinasabi ng Kautusan.+ 35  Kaya nga, kung may anumang bagay na nais nilang matutuhan, magtanong sila sa kani-kanilang asawa sa bahay, sapagkat kahiya-hiya+ na ang isang babae ay magsalita sa isang kongregasyon. 36  Ano? Sa inyo ba nanggaling ang salita ng Diyos,+ o hanggang sa inyo lamang ba ito nakaabot? 37  Kung iniisip ng sinuman na siya ay isang propeta o may kaloob ng espiritu, kilalanin niya ang mga bagay na isinusulat ko sa inyo, sapagkat ang mga ito ang utos ng Panginoon.+ 38  Ngunit kung ang sinuman ay walang-alam, nananatili siyang walang-alam. 39  Dahil dito, mga kapatid ko, patuloy ninyong hanapin nang may kasigasigan ang panghuhula,+ gayunma’y huwag ninyong ipagbawal ang pagsasalita ng mga wika.+ 40  Kundi maganap ang lahat ng bagay nang disente at ayon sa kaayusan.+

Talababa