Bilang 13:1-33

13  At nagsalita si Jehova kay Moises, na sinasabi:  “Magsugo ka sa ganang iyo ng mga lalaki upang matiktikan nila ang lupain ng Canaan, na ibibigay ko sa mga anak ni Israel.+ Magsusugo kayo ng isang lalaki para sa bawat tribo ng kaniyang mga ama, bawat isa ay pinuno+ sa kanila.”  Kaya isinugo sila ni Moises mula sa ilang ng Paran+ sa utos ni Jehova. Ang lahat ng lalaki ay mga ulo sa mga anak ni Israel.  At ito ang kanilang mga pangalan: Sa tribo ni Ruben, si Samua na anak ni Zacur;  sa tribo ni Simeon, si Sapat na anak ni Hori;  sa tribo ni Juda, si Caleb+ na anak ni Jepune;  sa tribo ni Isacar, si Igal na anak ni Jose;  sa tribo ni Efraim, si Hosea+ na anak ni Nun;  sa tribo ni Benjamin, si Palti na anak ni Rapu; 10  sa tribo ni Zebulon, si Gaddiel na anak ni Sodi; 11  sa tribo ni Jose,+ para sa tribo ni Manases,+ si Gaddi na anak ni Susi; 12  sa tribo ni Dan, si Amiel na anak ni Gemali; 13  sa tribo ni Aser, si Setur na anak ni Miguel; 14  sa tribo ni Neptali, si Nabi na anak ni Vopsi; 15  sa tribo ni Gad, si Geuel na anak ni Maki. 16  Ito ang mga pangalan ng mga lalaki na isinugo ni Moises upang tiktikan ang lupain. At patuloy na tinawag ni Moises na Jehosua+ si Hosea na anak ni Nun. 17  Nang isugo sila ni Moises upang tiktikan ang lupain ng Canaan, sinabi niya sa kanila: “Umahon kayo rito sa Negeb,+ at aahon kayo sa bulubunduking pook.+ 18  At titingnan ninyo kung ano ang lupain+ at ang mga taong tumatahan doon, kung sila ay malalakas o mahihina, kung sila ay kakaunti o marami; 19  at kung ano ang lupain na kanilang tinatahanan, kung ito ay mabuti o masama, at kung ano ang mga lunsod na kanilang tinatahanan, kung ito ay nasa mga kampamento o nasa mga kuta; 20  at kung ano ang lupain, kung ito ay mataba o payat,+ kung may mga punungkahoy doon o wala. At magpakalakas-loob kayo+ at kumuha kayo ng ilan sa bunga ng lupain.” At ang mga araw na iyon ay mga araw ng mga unang hinog na bunga ng ubas.+ 21  Kaya umahon sila at tiniktikan ang lupain mula sa ilang ng Zin+ hanggang sa Rehob+ hanggang sa pagpasok sa Hamat.+ 22  Nang umahon sila sa Negeb,+ sila ay dumating sa Hebron.+ At si Ahiman, si Sesai at si Talmai,+ yaong mga ipinanganak kay Anak,+ ay naroroon. At ang Hebron+ ay naitayo na nang pitong taon bago ang Zoan+ ng Ehipto. 23  Nang makarating sila sa agusang libis ng Escol,+ sila ay pumutol mula roon ng isang supang na may isang kumpol ng ubas.+ At binuhat nila iyon sa pamamagitan ng isang pamingga na pasan ng dalawa sa mga lalaki, at gayundin ang ilan sa mga granada+ at ang ilan sa mga igos. 24  Tinawag nila ang dakong iyon na agusang libis ng Escol,+ dahil sa kumpol na pinutol ng mga anak ni Israel mula roon. 25  Nang dakong huli, sa pagwawakas ng apatnapung araw+ ay bumalik sila mula sa paniniktik sa lupain. 26  Kaya lumakad sila at pumunta kay Moises at kay Aaron at sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel sa ilang ng Paran, sa Kades.+ At nagbalik sila ng salita sa kanila at sa buong kapulungan at ipinakita nila sa kanila ang bunga ng lupain. 27  At sila ay nag-ulat sa kaniya at nagsabi: “Pumasok kami sa lupain na pinagsuguan mo sa amin, at iyon ay tunay ngang inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan,+ at ito ang bunga niyaon.+ 28  Gayunpaman, ang totoo ay malalakas ang mga taong tumatahan sa lupain, at ang mga nakukutaang lunsod ay napakalalaki;+ at, gayundin, yaong mga ipinanganak kay Anak ay nakita namin doon.+ 29  Ang mga Amalekita+ ay nananahanan sa lupain ng Negeb,+ at ang mga Hiteo at ang mga Jebusita+ at ang mga Amorita+ ay nananahanan sa bulubunduking pook, at ang mga Canaanita+ ay nananahanan sa may dagat at sa tabi ng Jordan.” 30  Nang magkagayon ay sinikap ni Caleb+ na patahimikin ang bayan sa harapan ni Moises at sinabi: “Umahon tayo kaagad, at magagawa nating ariin iyon, sapagkat tiyak na mapananaigan natin iyon.”+ 31  Ngunit ang mga lalaki na umahong kasama niya ay nagsabi: “Hindi natin kayang umahon laban sa bayan, sapagkat mas malalakas sila kaysa sa atin.”+ 32  At patuloy silang nagdadala sa mga anak ni Israel ng masamang ulat+ tungkol sa lupain na kanilang tiniktikan, na sinasabi: “Ang lupain, na dinaanan namin upang tiktikan iyon, ay isang lupain na lumalamon ng mga tumatahan doon; at ang lahat ng mga taong nakita namin sa loob niyaon ay mga lalaking pambihira ang laki.+ 33  At doon ay nakita namin ang mga Nefilim, ang mga anak ni Anak,+ na mula sa mga Nefilim; anupat sa aming sariling paningin ay naging tulad kami ng mga tipaklong, at naging gayundin kami sa kanilang paningin.”+

Talababa