Bilang 19:1-22
19 At nagsalita si Jehova kay Moises at kay Aaron, na sinasabi:
2 “Ito ay isang batas ng kautusan na iniutos ni Jehova, na sinasabi, ‘Salitain mo sa mga anak ni Israel na magdala sila para sa iyo ng isang malusog na pulang baka na walang kapintasan+ at hindi pa napapatungan ng pamatok.+
3 At ibibigay ninyo iyon kay Eleazar na saserdote, at aakayin niya iyon sa labas ng kampo, at papatayin iyon sa harap niya.
4 Pagkatapos ay kukuha si Eleazar na saserdote ng dugo niyaon sa pamamagitan ng kaniyang daliri at iwiwisik ang dugo niyaon nang pitong ulit sa mismong harap ng tolda ng kapisanan.+
5 At ang baka ay susunugin sa kaniyang paningin. Ang balat nito at ang karne nito at ang dugo nito kasama na ang dumi nito ay susunugin.+
6 At ang saserdote ay kukuha ng tablang sedro+ at isopo+ at sinulid na iskarlatang kokus+ at ihahagis iyon sa gitna ng pinagsusunugan sa baka.
7 At lalabhan ng saserdote ang kaniyang mga kasuutan at paliliguan ang kaniyang laman sa tubig, at pagkatapos ay makapapasok siya sa kampo; ngunit ang saserdote ay magiging marumi hanggang sa kinagabihan.
8 “‘At ang nagsunog niyaon ay maglalaba ng kaniyang mga kasuutan sa tubig at paliliguan ang kaniyang laman sa tubig,+ at siya ay magiging marumi hanggang sa kinagabihan.
9 “‘At titipunin ng isang taong malinis ang abo+ ng baka at ilalagay iyon sa labas ng kampo sa isang dakong malinis; at iyon ay magsisilbi para sa kapulungan ng mga anak ni Israel bilang bagay na iingatan para sa tubig na panlinis.+ Ito ay handog ukol sa kasalanan.
10 At ang nagtipon ng abo ng baka ay maglalaba ng kaniyang mga kasuutan at magiging marumi hanggang sa kinagabihan.+
“‘At iyon ay magsisilbi para sa mga anak ni Israel at sa naninirahang dayuhan na naninirahan bilang dayuhan sa gitna nila bilang isang batas hanggang sa panahong walang takda.+
11 Ang sinumang humipo ng bangkay ng sinumang kaluluwa ng tao+ ay magiging marumi rin nang pitong araw.+
12 Dadalisayin ng isang iyon ang kaniyang sarili sa pamamagitan niyaon sa ikatlong araw,+ at sa ikapitong araw ay magiging malinis siya. Ngunit kung hindi niya dadalisayin ang kaniyang sarili sa ikatlong araw, kung gayon ay hindi siya magiging malinis sa ikapitong araw.
13 Ang bawat humipo ng bangkay, na kaluluwa ng sinumang taong namatay, at hindi magpapadalisay ng kaniyang sarili, ay nagparungis sa tabernakulo ni Jehova,+ at ang kaluluwang iyon ay lilipulin mula sa Israel.+ Sapagkat ang tubig na panlinis+ ay hindi pa naiwiwisik sa kaniya, siya ay nananatiling marumi. Ang kaniyang karumihan ay nasa kaniya pa rin.+
14 “‘Ito ang kautusan kapag ang isang tao ay namatay sa tolda: Ang lahat ng papasok sa tolda, at lahat ng nasa tolda, ay magiging marumi nang pitong araw.
15 At ang bawat bukás na sisidlan+ na walang takip na nakatali roon ay marumi.
16 At ang lahat ng nasa malawak na parang na humipo ng sinumang napatay sa pamamagitan ng tabak+ o ng bangkay o ng buto+ ng tao o ng dakong libingan ay magiging marumi nang pitong araw.
17 At para sa isa na marumi ay kukuha sila ng alabok ng pinagsunugan ng handog ukol sa kasalanan at lalagyan nila iyon ng sariwang tubig sa isang sisidlan.
18 At ang isang taong malinis+ ay kukuha ng isopo+ at isasawsaw iyon sa tubig at iwiwisik iyon sa tolda at sa lahat ng sisidlan at sa mga kaluluwa na naroroon at sa humipo ng buto o ng napatay o ng bangkay o ng dakong libingan.
19 At iwiwisik iyon ng taong malinis sa isa na marumi sa ikatlong araw at sa ikapitong araw at dadalisayin siya mula sa kasalanan sa ikapitong araw;+ at maglalaba siya ng kaniyang mga kasuutan at maliligo sa tubig, at siya ay magiging malinis sa kinagabihan.
20 “‘Ngunit ang tao na naging marumi at hindi magpapadalisay ng kaniyang sarili, buweno, ang kaluluwang iyon ay lilipulin+ mula sa gitna ng kongregasyon, sapagkat ang santuwaryo ni Jehova ang kaniyang dinungisan. Ang tubig na panlinis ay hindi iwinisik sa kaniya. Siya ay marumi.
21 “‘At ito ay magsisilbing isang batas hanggang sa panahong walang takda para sa kanila, na ang isa na nagwiwisik ng tubig na panlinis ay maglalaba ng kaniyang mga kasuutan,+ gayundin ang isa na humipo ng tubig na panlinis. Siya ay magiging marumi hanggang sa kinagabihan.
22 At anumang bagay na mahipo ng isa na marumi ay magiging marumi,+ at ang kaluluwa na humipo niyaon ay magiging marumi hanggang sa kinagabihan.’”+