Bilang 3:1-51

3  At ito ang mga salinlahi ni Aaron at ni Moises nang araw na magsalita si Jehova kay Moises sa Bundok Sinai.+  At ito ang mga pangalan ng mga anak ni Aaron: ang panganay na si Nadab at si Abihu,+ si Eleazar+ at si Itamar.+  Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Aaron, na mga pinahirang saserdote na ang mga kamay ay pinuspos ng kapangyarihan upang maglingkod bilang mga saserdote.+  Gayunman, si Nadab at si Abihu ay namatay sa harap ni Jehova nang maghandog sila ng kakaibang apoy+ sa harap ni Jehova sa ilang ng Sinai; at hindi sila nagkaroon ng anak. Ngunit si Eleazar+ at si Itamar+ ay nagpatuloy na maglingkod bilang mga saserdote na kasama ni Aaron na kanilang ama.  At nagsalita si Jehova kay Moises, na sinasabi:  “Ilapit mo ang tribo ni Levi,+ at patayuin mo sila sa harap ni Aaron na saserdote, at maglilingkod+ sila sa kaniya.  At tutuparin nila ang kanilang katungkulan sa kaniya at ang kanilang katungkulan sa buong kapulungan sa harap ng tolda ng kapisanan sa pagganap ng paglilingkod sa tabernakulo.  At iingatan nila ang lahat ng mga kagamitan+ ng tolda ng kapisanan, ang katungkulan nga ng mga anak ni Israel sa pagganap ng paglilingkod sa tabernakulo.+  At ibibigay mo ang mga Levita kay Aaron at sa kaniyang mga anak. Sila ay mga ibinigay, na ibinigay sa kaniya mula sa mga anak ni Israel.+ 10  At aatasan mo si Aaron at ang kaniyang mga anak, at iingatan nila ang kanilang pagkasaserdote;+ at sinumang lumapit na ibang tao ay papatayin.”+ 11  At si Jehova ay patuloy na nagsalita kay Moises, na sinasabi: 12  “Kung tungkol sa akin, narito! kinukuha ko ang mga Levita mula sa mga anak ni Israel na kahalili ng lahat ng panganay+ na nagbubukas ng bahay-bata ng mga anak ni Israel; at ang mga Levita ay magiging akin. 13  Sapagkat ang lahat ng panganay ay akin.+ Nang araw na saktan ko ang lahat ng panganay sa lupain ng Ehipto+ ay pinabanal ko sa akin ang lahat ng panganay sa Israel mula sa tao hanggang sa hayop.+ Sila ay magiging akin. Ako ay si Jehova.” 14  At nagsalita pa si Jehova kay Moises sa ilang ng Sinai,+ na sinasabi: 15  “Irehistro mo ang mga anak ni Levi ayon sa sambahayan ng kanilang mga ama ayon sa kanilang mga pamilya. Bawat lalaki mula sa gulang na isang buwan pataas ay irerehistro mo.”+ 16  At inirehistro sila ni Moises sa utos ni Jehova, gaya ng iniutos sa kaniya. 17  At ito ang naging mga anak ni Levi+ ayon sa kanilang mga pangalan: si Gerson at si Kohat at si Merari.+ 18  At ito ang mga pangalan ng mga anak ni Gerson ayon sa kanilang mga pamilya: si Libni at si Simei.+ 19  At ang mga anak ni Kohat+ ayon sa kanilang mga pamilya ay sina Amram at Izhar,+ Hebron at Uziel. 20  At ang mga anak ni Merari+ ayon sa kanilang mga pamilya ay sina Mahali+ at Musi.+ Ito ang mga pamilya ng mga Levita ayon sa sambahayan ng kanilang mga ama. 21  Kay Gerson nagmula ang pamilya ng mga Libnita+ at ang pamilya ng mga Simeita.+ Ito ang mga pamilya ng mga Gersonita. 22  Ang mga rehistrado sa kanila ay ayon sa bilang ng lahat ng lalaki mula sa gulang na isang buwan pataas.+ Ang mga rehistrado sa kanila ay pitong libo limang daan.+ 23  Ang mga pamilya ng mga Gersonita ay nasa likuran ng tabernakulo.+ Sila ay nagkakampo sa dakong kanluran. 24  At ang pinuno ng sambahayan sa panig ng ama para sa mga Gersonita ay si Eliasap na anak ni Lael. 25  At ang katungkulan ng mga anak ni Gerson+ sa tolda ng kapisanan ay ang tabernakulo at ang tolda,+ ang pantakip+ nito at ang pantabing+ sa pasukan ng tolda ng kapisanan, 26  at ang mga tabing+ ng looban at ang pantabing+ sa pasukan ng looban na nasa palibot ng tabernakulo at ng altar, at ang mga pantoldang panali nito,+ para sa lahat ng paglilingkod dito. 27  At kay Kohat nagmula ang pamilya ng mga Amramita at ang pamilya ng mga Izharita at ang pamilya ng mga Hebronita at ang pamilya ng mga Uzielita. Ito ang mga pamilya ng mga Kohatita.+ 28  Sa bilang ng lahat ng lalaki mula sa gulang na isang buwan pataas ay may walong libo anim na raan, na nag-aasikaso ng katungkulan sa dakong banal.+ 29  Ang mga pamilya ng mga anak ni Kohat ay nagkakampo sa panig ng tabernakulo sa dakong timog.+ 30  At ang pinuno ng sambahayan sa panig ng ama para sa mga pamilya ng mga Kohatita ay si Elisapan na anak ni Uziel.+ 31  At ang kanilang katungkulan+ ay ang Kaban+ at ang mesa+ at ang kandelero+ at ang mga altar+ at ang mga kagamitan+ ng dakong banal na ginagamit nila sa paglilingkod at ang pantabing,+ at lahat ng paglilingkod dito. 32  At ang pinuno ng mga pinuno ng mga Levita ay si Eleazar+ na anak ni Aaron na saserdote, na nangangasiwa sa mga nag-aasikaso ng katungkulan sa dakong banal. 33  Kay Merari nagmula ang pamilya ng mga Mahalita+ at ang pamilya ng mga Musita.+ Ito ang mga pamilya ni Merari.+ 34  At ang mga rehistrado sa kanila ayon sa bilang ng lahat ng lalaki mula sa gulang na isang buwan pataas ay anim na libo dalawang daan.+ 35  At ang pinuno ng sambahayan sa panig ng ama para sa mga pamilya ni Merari ay si Zuriel na anak ni Abihail. Sila ay nagkakampo sa panig ng tabernakulo sa dakong hilaga.+ 36  At ang pangangasiwa na katungkulan ng mga anak ni Merari ay ang mga hamba+ ng tabernakulo at ang mga barakilan+ nito at ang mga haligi+ nito at ang may-ukit na mga tuntungan nito at lahat ng mga kagamitan+ nito at lahat ng paglilingkod dito,+ 37  at ang mga haligi+ ng looban sa palibot at ang kanilang may-ukit na mga tuntungan+ at ang kanilang mga pantoldang tulos at ang kanilang mga pantoldang panali. 38  At yaong mga nagkakampo sa harap ng tabernakulo sa dakong silangan, sa harap ng tolda ng kapisanan sa dakong sikatan ng araw, ay si Moises at si Aaron at ang kaniyang mga anak, yaong mga nag-aasikaso ng katungkulan sa santuwaryo,+ bilang katungkulan para sa mga anak ni Israel. At sinumang lumapit na ibang tao ay papatayin.+ 39  Ang lahat ng rehistrado mula sa mga Levita na inirehistro ni Moises at ni Aaron sa utos ni Jehova ayon sa kanilang mga pamilya, ang lahat ng lalaki mula sa gulang na isang buwan pataas, ay dalawampu’t dalawang libo. 40  Pagkatapos ay sinabi ni Jehova kay Moises: “Irehistro mo ang lahat ng panganay na lalaki sa mga anak ni Israel mula sa gulang na isang buwan pataas,+ at kunin mo ang bilang ng kanilang mga pangalan. 41  At kukunin mo ang mga Levita para sa akin—ako ay si Jehova—na kahalili ng lahat ng panganay sa mga anak ni Israel,+ at ang mga alagang hayop ng mga Levita na kahalili ng lahat ng panganay sa mga alagang hayop ng mga anak ni Israel.”+ 42  At inirehistro ni Moises, gaya ng iniutos ni Jehova sa kaniya, ang lahat ng panganay sa mga anak ni Israel. 43  At lahat ng panganay na lalaki ayon sa bilang ng mga pangalan mula sa gulang na isang buwan pataas sa mga rehistrado sa kanila ay dalawampu’t dalawang libo dalawang daan at pitumpu’t tatlo. 44  At si Jehova ay patuloy na nagsalita kay Moises, na sinasabi: 45  “Kunin mo ang mga Levita bilang kahalili ng lahat ng panganay sa mga anak ni Israel, at ang mga alagang hayop ng mga Levita bilang kahalili ng kanilang mga alagang hayop; at ang mga Levita ay magiging akin.+ Ako ay si Jehova. 46  At bilang pantubos na halaga+ ng dalawang daan at pitumpu’t tatlo mula sa panganay ng mga anak ni Israel, na lumabis kaysa sa mga Levita,+ 47  kukuha ka ng limang siklo para sa bawat tao.+ Kukunin mo iyon ayon sa siklo ng dakong banal. Ang isang siklo ay dalawampung gerah.+ 48  At ibibigay mo ang salapi kay Aaron at sa kaniyang mga anak bilang pantubos na halaga niyaong mga lumabis kaysa sa kanila.” 49  Sa gayon ay kinuha ni Moises ang salapi na halagang pantubos mula roon sa mga lumabis sa pantubos na halaga ng mga Levita. 50  Mula sa panganay ng mga anak ni Israel ay kinuha niya ang salapi, isang libo tatlong daan at animnapu’t limang siklo, ayon sa siklo ng dakong banal. 51  Pagkatapos ay ibinigay ni Moises ang salapi na pantubos na halaga kay Aaron at sa kaniyang mga anak ayon sa utos ni Jehova, gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.

Talababa