Gawa 15:1-41
15 At may ilang lalaking bumaba mula sa Judea+ at nagsimulang magturo sa mga kapatid: “Malibang tuliin+ kayo ayon sa kaugalian ni Moises+ ay hindi kayo maliligtas.”
2 Ngunit nang magkaroon ng hindi kakaunting di-pagkakasundo at pakikipagtalo sa kanila nina Pablo at Bernabe, isinaayos nila na sina Pablo at Bernabe at ang ilan sa kanila ay umahon sa Jerusalem+ sa mga apostol at matatandang lalaki may kinalaman sa pagtatalong ito.
3 Alinsunod dito, pagkatapos na bahagyang maihatid ng kongregasyon,+ ang mga lalaking ito ay yumaon na dumaraan kapuwa sa Fenicia at Samaria, na isinasaysay nang detalyado ang pagkakumberte ng mga tao ng mga bansa,+ at malaking kagalakan ang idinudulot nila sa lahat ng mga kapatid.+
4 Pagdating sa Jerusalem ay tinanggap sila nang may kabaitan+ ng kongregasyon at ng mga apostol at ng matatandang lalaki, at isinalaysay nila ang maraming bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila.+
5 Gayunman, ang ilan na kabilang sa sekta ng mga Pariseo na naniwala ay tumindig mula sa kanilang mga upuan at nagsabi: “Kailangan silang tuliin+ at utusan na tuparin ang kautusan ni Moises.”+
6 At ang mga apostol at ang matatandang lalaki ay nagtipon upang tingnan ang tungkol sa bagay na ito.+
7 At pagkatapos na maganap ang maraming pagtatalo,+ tumindig si Pedro at nagsabi sa kanila: “Mga lalaki, mga kapatid, nalalaman ninyong lubos na mula nang unang mga araw ay pumili ang Diyos sa gitna ninyo upang sa pamamagitan ng aking bibig ay marinig ng mga tao ng mga bansa ang salita ng mabuting balita at maniwala;+
8 at ang Diyos, na nakatatalos ng puso,+ ay nagpatotoo sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng banal na espiritu,+ gaya ng ginawa rin niya sa atin.
9 At wala siyang ginawang anumang pagtatangi sa pagitan natin at nila,+ kundi dinalisay ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya.+
10 Kaya bakit nga ninyo sinusubok ang Diyos sa pamamagitan ng pagpapataw sa leeg ng mga alagad ng isang pamatok+ na kahit ang ating mga ninuno ni tayo man ay hindi makapagdala?+
11 Sa kabaligtaran, nagtitiwala tayong maliligtas sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan+ ng Panginoong Jesus sa katulad na paraan gaya rin ng mga taong iyon.”+
12 Sa gayon ay tumahimik ang buong karamihan, at nagsimula silang makinig kina Bernabe at Pablo sa paglalahad ng maraming mga tanda at mga palatandaan na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila sa gitna ng mga bansa.+
13 Pagkatigil nila sa pagsasalita, sumagot si Santiago, na sinasabi: “Mga lalaki, mga kapatid, pakinggan ninyo ako.+
14 Inilahad ni Symeon+ nang lubusan kung paanong sa unang pagkakataon ay ibinaling ng Diyos ang kaniyang pansin sa mga bansa upang kumuha mula sa kanila ng isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.+
15 At dito ay sumasang-ayon ang mga salita ng mga Propeta, gaya nga ng nasusulat,
16 ‘Pagkatapos ng mga bagay na ito ay babalik ako at muling itatayo ang kubol ni David na nakabuwal; at itatayo kong muli ang mga guho nito at muli itong ititindig,+
17 upang may-pananabik na hanapin si Jehova niyaong mga nalabi sa mga tao, kasama ng mga tao ng lahat ng mga bansa, mga taong tinatawag ayon sa aking pangalan, sabi ni Jehova, na siyang gumagawa ng mga bagay na ito,+
18 na kilala mula pa noong sinauna.’+
19 Kaya ang aking pasiya ay huwag nang gambalain yaong mga mula sa mga bansa na bumabaling sa Diyos,+
20 kundi sulatan sila na umiwas sa mga bagay na narumhan ng mga idolo+ at sa pakikiapid+ at sa binigti+ at sa dugo.+
21 Sapagkat mula noong sinaunang mga panahon, si Moises ay mayroon sa lunsod at lunsod niyaong mga nangangaral tungkol sa kaniya, sapagkat binabasa siya nang malakas sa mga sinagoga sa bawat sabbath.”+
22 Nang magkagayon ay minagaling ng mga apostol at ng matatandang lalaki kasama ng buong kongregasyon na magsugo sa Antioquia ng mga lalaking pinili mula sa kanila kasama nina Pablo at Bernabe, samakatuwid nga, si Hudas na tinatawag na Barsabas+ at si Silas, mga lalaking nangunguna sa gitna ng mga kapatid;
23 at sa pamamagitan ng kanilang kamay ay isinulat nila:
“Ang mga apostol at ang matatandang lalaki, mga kapatid, doon sa mga kapatid sa Antioquia+ at Sirya at Cilicia+ na mula sa mga bansa: Mga pagbati!
24 Yamang narinig namin na ang ilan mula sa amin ay lumikha ng kaguluhan sa inyo sa pamamagitan ng mga pananalita,+ na tinatangkang igupo ang inyong mga kaluluwa, bagaman hindi namin sila binigyan ng anumang tagubilin,+
25 sumapit kami sa lubos na pagkakaisa+ at minagaling namin na pumili ng mga lalaki na isusugo sa inyo kasama ng aming mga iniibig, sina Bernabe at Pablo,+
26 mga taong nagbigay ng kanilang mga kaluluwa alang-alang sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo.+
27 Kaya nga isinusugo namin sina Hudas at Silas,+ upang maisaysay din nila ang gayunding mga bagay sa salita.+
28 Sapagkat minagaling ng banal na espiritu+ at namin mismo na huwag nang magdagdag ng higit pang pasanin+ sa inyo, maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan,
29 na patuloy na umiwas sa mga bagay na inihain sa mga idolo+ at sa dugo+ at sa mga bagay na binigti+ at sa pakikiapid.+ Kung pakaiingatan ninyo ang inyong sarili sa mga bagay na ito,+ kayo ay uunlad. Mabuting kalusugan sa inyo!”
30 Alinsunod dito, nang mapayaon na ang mga lalaking ito, sila ay bumaba sa Antioquia, at tinipon nila ang karamihan at ibinigay sa kanila ang liham.+
31 Pagkabasa nito, sila ay nagsaya dahil sa pampatibay-loob.+
32 At sina Hudas at Silas, yamang sila mismo ay mga propeta rin,+ ay nagpatibay-loob sa mga kapatid sa pamamagitan ng maraming diskurso at pinalakas sila.+
33 Kaya, nang makapagpalipas na sila ng kaunting panahon, pinayaon sila nang payapa+ ng mga kapatid patungo sa mga nagsugo sa kanila.
34 ——
35 Gayunman, sina Pablo at Bernabe ay gumugol pa ng panahon sa Antioquia+ na itinuturo at ipinahahayag, kasama rin ng marami pang iba, ang mabuting balita ng salita ni Jehova.+
36 At pagkatapos ng ilang araw ay sinabi ni Pablo kay Bernabe: “Higit sa lahat, bumalik tayo at dalawin ang mga kapatid sa bawat isa sa mga lunsod kung saan natin ipinahayag ang salita ni Jehova upang makita kung ano na ang kanilang kalagayan.”+
37 Sa ganang kaniya, determinado si Bernabe na isama rin si Juan, na tinatawag na Marcos.+
38 Ngunit hindi iniisip ni Pablo na wastong isama nila ang isang ito, yamang humiwalay ito sa kanila mula sa Pamfilia+ at hindi sumama sa kanila sa gawain.
39 Sa gayon ay nagkaroon ng isang matinding pagsiklab ng galit, anupat humiwalay sila sa isa’t isa; at isinama ni Bernabe+ si Marcos at naglayag patungong Ciprus.+
40 Pinili ni Pablo si Silas+ at umalis matapos siyang maipagkatiwala ng mga kapatid sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova.+
41 Ngunit lumibot siya sa Sirya at Cilicia, na pinalalakas ang mga kongregasyon.+