Gawa 22:1-30
22 “Mga lalaki, mga kapatid+ at mga ama, pakinggan ninyo ang pagtatanggol+ ko sa harap ninyo ngayon.”
2 (Buweno, nang marinig nila na kinakausap niya sila sa wikang Hebreo+ ay lalo pa silang nanahimik, at sinabi niya:)
3 “Ako ay isang Judio,+ ipinanganak sa Tarso ng Cilicia,+ ngunit nag-aral sa lunsod na ito sa paanan ni Gamaliel,+ tinuruan ayon sa kahigpitan+ ng Kautusan ng mga ninuno, na masigasig+ sa Diyos gaya ninyong lahat sa araw na ito.
4 At pinag-usig ko ang Daang ito hanggang kamatayan,+ na iginagapos at ipinapasok sa mga bilangguan+ kapuwa ang mga lalaki at mga babae,
5 gaya ng mapatototohanan tungkol sa akin kapuwa ng mataas na saserdote at ng buong kapulungan ng matatandang lalaki.+ Mula sa kanila ay kumuha rin ako ng mga liham+ para sa mga kapatid sa Damasco, at ako ay paparoon na upang yaong mga naroon ay dalhin din sa Jerusalem nang nakagapos upang parusahan.
6 “Ngunit habang ako ay naglalakbay at malapit na sa Damasco, nang bandang katanghaliang-tapat, mula sa langit ay bigla na lang suminag sa buong palibot ko ang isang matinding liwanag,+
7 at ako ay nabuwal sa lupa at nakarinig ng isang tinig na nagsasabi sa akin, ‘Saul, Saul, bakit mo ako pinag-uusig?’+
8 Sumagot ako, ‘Sino ka, Panginoon?’ At sinabi niya sa akin, ‘Ako ay si Jesus na Nazareno, na iyong pinag-uusig.’+
9 At nakita nga ng mga lalaking kasama ko+ ang liwanag ngunit hindi narinig ang tinig niyaong nagsasalita sa akin.+
10 Kaya sinabi ko, ‘Ano ang gagawin ko,+ Panginoon?’ Sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Bumangon ka, pumasok ka sa Damasco, at doon ay sasabihin sa iyo ang tungkol sa lahat ng bagay na itinakdang gawin mo.’+
11 Ngunit sa dahilang wala akong makitang anuman dahil sa kaluwalhatian ng liwanag na iyon, dumating ako sa Damasco, na inaakay sa kamay niyaong mga kasama ko.+
12 “At si Ananias, isang lalaking mapagpitagan ayon sa Kautusan, na may mabuting ulat+ mula sa lahat ng mga Judio na tumatahan doon,
13 ay pumaroon sa akin at, pagtayo sa tabi ko, sinabi niya sa akin, ‘Saul, kapatid, manauli ang iyong paningin!’+ At tumingin ako sa kaniya nang mismong oras na iyon.
14 Sinabi niya, ‘Pinili ka+ ng Diyos ng ating mga ninuno+ upang malaman mo ang kaniyang kalooban at makita+ ang Isa na matuwid+ at marinig ang tinig ng kaniyang bibig,+
15 sapagkat ikaw ay magiging saksi para sa kaniya sa lahat ng mga tao tungkol sa mga bagay na iyong nakita at narinig.+
16 At ngayon ay bakit ka nagpapaliban? Tumindig ka, magpabautismo ka+ at hugasan+ ang iyong mga kasalanan sa pamamagitan ng pagtawag mo sa kaniyang pangalan.’+
17 “Ngunit nang makabalik na ako sa Jerusalem+ at nananalangin sa templo, nawala ako sa aking diwa+
18 at nakita ko siya na nagsasabi sa akin, ‘Magmadali ka at umalis ka kaagad sa Jerusalem, sapagkat hindi sila sasang-ayon+ sa iyong patotoo may kinalaman sa akin.’
19 At sinabi ko, ‘Panginoon, sila mismo ay lubos na nakaaalam na noon ay ibinibilanggo+ ko at pinapalo sa bawat sinagoga yaong mga naniniwala sa iyo;+
20 at nang ibinububo ang dugo ni Esteban+ na iyong saksi, ako mismo ay nakatayo rin sa tabi at sumasang-ayon+ at nagbabantay sa mga panlabas na kasuutan niyaong mga pumapatay sa kaniya.’
21 Gayunma’y sinabi niya sa akin, ‘Humayo ka, sapagkat isusugo kita sa mga bansa sa malayo.’ ”+
22 At patuloy silang nakinig sa kaniya hanggang sa salitang ito, at inilakas nila ang kanilang mga tinig, na sinasabi: “Alisin mo ang ganiyang tao sa lupa, sapagkat hindi siya nararapat mabuhay!”+
23 At sapagkat sumisigaw sila at ipinaghahagisan ang kanilang mga panlabas na kasuutan at nagsasaboy ng alabok sa hangin,+
24 iniutos ng kumandante ng militar na ipasok siya sa kuwartel ng mga kawal at sinabing dapat siyang siyasatin sa pamamagitan ng panghahagupit, upang malaman niya nang lubos kung ano ang dahilan at sumisigaw+ sila nang ganito laban sa kaniya.
25 Ngunit nang maiunat na nila siya upang hampasin, sinabi ni Pablo sa opisyal ng hukbo na nakatayo roon: “Matuwid bang hagupitin ninyo ang isang tao na isang Romano+ at hindi pa nahahatulan?”
26 Buweno, nang marinig ito ng opisyal ng hukbo, siya ay pumaroon sa kumandante ng militar at nagbigay-alam, na sinasabi: “Ano ang balak mong gawin? Aba, ang taong ito ay isang Romano.”
27 Kaya ang kumandante ng militar ay lumapit at nagsabi sa kaniya: “Sabihin mo sa akin, Ikaw ba ay isang Romano?”+ Sinabi niya: “Oo.”
28 Ang kumandante ng militar ay tumugon: “Binili ko ng malaking halaga ng salapi ang mga karapatang ito bilang isang mamamayan.” Sinabi ni Pablo: “Ngunit ako ay ipinanganak+ pa man din sa mga ito.”
29 Kaya kaagad na lumayo sa kaniya ang mga lalaki na magsisiyasat sana sa kaniya na may kasamang pagpapahirap; at ang kumandante ng militar ay natakot nang matiyak na siya ay isang Romano+ at na iginapos niya siya.
30 Kaya, nang sumunod na araw, sapagkat nais niyang malaman nang may katiyakan kung bakit nga siya inaakusahan ng mga Judio, kinalagan niya siya at ipinag-utos na magtipon ang mga punong saserdote at ang buong Sanedrin. At dinala niya si Pablo at pinatayo siya sa gitna nila.+