Gawa 23:1-35
23 Habang nakatinging mabuti sa Sanedrin ay sinabi ni Pablo: “Mga lalaki, mga kapatid, ako ay gumawi sa harap ng Diyos taglay ang budhing ganap na malinis+ hanggang sa araw na ito.”
2 Sa gayon ay iniutos ng mataas na saserdoteng si Ananias sa mga nakatayo sa tabi niya na sampalin+ siya sa bibig.
3 Nang magkagayon ay sinabi ni Pablo sa kaniya: “Sasaktan ka ng Diyos, ikaw na pinaputing+ pader. Ikaw ba ay nakaupo upang hatulan ako ayon sa Kautusan+ at kasabay nito ay sinasalansang naman ang Kautusan+ sa pag-uutos mo na saktan ako?”
4 Yaong mga nakatayo sa tabi ay nagsabi: “Nilalait mo ba ang mataas na saserdote ng Diyos?”
5 At sinabi ni Pablo: “Mga kapatid, hindi ko alam na siya ay mataas na saserdote. Sapagkat nasusulat, ‘Huwag kang magsasalita nang nakapipinsala sa isang tagapamahala ng iyong bayan.’ ”+
6 At nang mapansin ni Pablo na ang isang bahagi ay mga Saduceo+ ngunit ang isa pa ay mga Pariseo, sumigaw siya sa Sanedrin: “Mga lalaki, mga kapatid, ako ay isang Pariseo,+ isang anak ng mga Pariseo. Tungkol sa pag-asa ng pagkabuhay-muli+ ng mga patay ay hinahatulan ako.”+
7 Dahil sinabi niya ito, bumangon ang isang di-pagkakasundo+ sa pagitan ng mga Pariseo at mga Saduceo, at ang karamihan ay nagkabaha-bahagi.
8 Sapagkat sinasabi ng mga Saduceo+ na walang pagkabuhay-muli+ ni anghel man ni espiritu, ngunit hayagang sinasabi ng mga Pariseo ang lahat ng mga iyon.
9 Kaya nagkaroon ng malakas na hiyawan,+ at ang ilan sa mga eskriba na nasa pangkat ng mga Pariseo ay tumindig at nagsimulang makipagtalo nang mainitan, na sinasabi: “Wala kaming masumpungang anumang kamalian sa taong ito;+ ngunit kung isang espiritu o isang anghel ang nagsalita sa kaniya,+—.”
10 At nang lumubha ang di-pagkakasundo, ang kumandante ng militar ay natakot na baka pagluray-lurayin nila si Pablo, at ipinag-utos niya sa pulutong ng mga kawal+ na bumaba at agawin siya sa gitna nila at dalhin siya sa loob ng kuwartel ng mga kawal.+
11 Ngunit nang sumunod na gabi ay tumayo sa tabi niya ang Panginoon+ at nagsabi: “Lakasan mo ang iyong loob!+ Sapagkat kung paanong lubusan mong pinatototohanan+ ang mga bagay tungkol sa akin sa Jerusalem, gayon ka rin magpapatotoo sa Roma.”+
12 At nang maging araw na, ang mga Judio ay bumuo ng isang sabuwatan+ at nagpasiyang sumailalim ng isang sumpa,+ na sinasabing hindi sila kakain ni iinom hanggang sa mapatay nila si Pablo.+
13 Mahigit sa apatnapung tao ang bumuo ng pinanumpaang sabuwatang ito;
14 at pumaroon sila sa mga punong+ saserdote at matatandang lalaki at nagsabi: “May-kataimtiman kaming nagpasiyang sumailalim ng isang sumpa na hindi kami susubo ng pagkain hanggang sa mapatay namin si Pablo.
15 Kaya nga, ngayon ay linawin ninyo, kasama ng Sanedrin, sa kumandante ng militar kung bakit dapat niyang dalhin siya sa inyo na para bang balak ninyong tiyakin nang lubusan ang mga bagay-bagay may kinalaman sa kaniya.+ Ngunit bago pa siya makalapit ay nakahanda na kaming patayin siya.”+
16 Gayunman, narinig ng anak na lalaki ng kapatid na babae ni Pablo ang tungkol sa kanilang pag-aabang,+ at pumaroon siya at pumasok sa kuwartel ng mga kawal at sinabi ito kay Pablo.
17 Kaya tinawag ni Pablo ang isa sa mga opisyal ng hukbo at sinabi: “Dalhin mo ang kabataang lalaking ito sa kumandante ng militar, sapagkat may sasabihin siya sa kaniya.”
18 Kaya nga kinuha siya ng lalaking ito at dinala siya sa kumandante ng militar at sinabi: “Tinawag ako ng bilanggong si Pablo at hiniling sa akin na dalhin sa iyo ang kabataang lalaking ito, sapagkat may sasabihin siya sa iyo.”
19 Hinawakan siya+ ng kumandante ng militar sa kamay at lumayo at nagsimulang magtanong nang sarilinan: “Ano ba ang sasabihin mo sa akin?”
20 Sinabi niya: “Ang mga Judio ay nagkasundo na hilingin sa iyo na dalhin si Pablo bukas sa Sanedrin na para bang may balak alamin nang lubusan tungkol sa kaniya.+
21 Higit sa lahat, huwag kang pahikayat sa kanila, sapagkat mahigit sa apatnapung lalaki sa kanila ang nag-aabang+ sa kaniya, at nagpasiya silang sumailalim ng isang sumpa na huwag kumain o uminom hanggang sa mapatay nila siya;+ at nakahanda na sila ngayon, na hinihintay ang pangako mula sa iyo.”
22 Sa gayon ay pinayaon ng kumandante ng militar ang kabataang lalaki pagkatapos na iutos sa kaniya: “Huwag mong ipagsabi kaninuman na nilinaw mo sa akin ang mga bagay na ito.”
23 At tinawag niya ang dalawa sa mga opisyal ng hukbo at sinabi: “Ihanda ninyo ang dalawang daang kawal upang humayo hanggang sa Cesarea, gayundin ang pitumpung mangangabayo at dalawang daang maninibat, sa ikatlong oras ng gabi.
24 Gayundin, maglaan kayo ng mga hayop na pantrabaho upang maisakay nila si Pablo at madala siyang ligtas kay Felix na gobernador.”
25 At sumulat siya ng isang liham na ganito ang nilalaman:
26 “Si Claudio Lisias sa kaniyang kamahalan, Gobernador Felix:+ Mga pagbati!
27 Ang lalaking ito ay dinakip ng mga Judio at papatayin na sana nila, ngunit kaagad akong dumating kasama ang isang pulutong ng mga kawal at sinagip siya,+ sapagkat nalaman kong siya ay isang Romano.+
28 At sa pagnanais na matiyak ang dahilan kung bakit nila siya inaakusahan, dinala ko siya sa kanilang Sanedrin.+
29 Nasumpungan kong inaakusahan siya may kinalaman sa mga katanungan tungkol sa kanilang Kautusan,+ ngunit hindi pinararatangan ng isa mang bagay na karapat-dapat sa kamatayan o sa mga gapos.+
30 Ngunit dahil ibinunyag sa akin ang isang pakana+ na isasagawa laban sa lalaki, karaka-raka ko siyang ipinadala sa iyo, at inutusan ang mga tagapag-akusa na magsalita laban sa kaniya sa harap mo.”+
31 Sa gayon ay kinuha ng mga kawal+ na ito si Pablo ayon sa mga utos sa kanila at dinala siya nang gabi sa Antipatris.
32 Nang sumunod na araw ay pinahintulutan nila ang mga mangangabayo na magpatuloy na kasama niya, at bumalik sila sa kuwartel ng mga kawal.
33 Ang mga mangangabayo ay pumasok sa Cesarea+ at inihatid ang liham sa gobernador at iniharap din si Pablo sa kaniya.
34 Kaya binasa niya iyon at itinanong kung anong probinsiya ang pinagmulan niya, at natiyak+ na siya ay mula sa Cilicia.+
35 “Bibigyan kita ng isang lubos na pagdinig,” ang sabi niya, “kapag dumating na rin ang mga tagapag-akusa sa iyo.”+ At ipinag-utos niya na ingatan siyang nababantayan sa palasyong pretorio ni Herodes.