Gawa 27:1-44
27 At yamang naipasiya na maglalayag kami patungong Italya,+ ibinigay nila kapuwa si Pablo at ang iba pang mga bilanggo sa isang opisyal ng hukbo na nagngangalang Julio na nasa pangkat ni Augusto.
2 Paglulan sa isang barko mula sa Adrameto na malapit nang maglayag patungo sa mga dako sa baybayin ng distrito ng Asia, kami ay naglayag, at kasama namin si Aristarco+ na isang taga-Macedonia mula sa Tesalonica.
3 At nang sumunod na araw ay dumaong kami sa Sidon, at pinakitunguhan ni Julio si Pablo nang may makataong kabaitan+ at pinahintulutan siyang pumaroon sa kaniyang mga kaibigan at tamasahin ang kanilang pangangalaga.+
4 At pagtulak mula roon ay naglayag kami na nanganganlong sa Ciprus, sapagkat ang hangin ay pasalungat;
5 at naglayag kami sa laot ng dagat sa tapat ng Cilicia at Pamfilia at dumaong sa Mira sa Licia.
6 Ngunit doon ay nakasumpong ang opisyal ng hukbo ng isang barko mula sa Alejandria+ na maglalayag patungong Italya, at pinalulan niya kami roon.
7 Nang magkagayon, pagkatapos na maglayag nang marahan nang maraming araw at makarating sa Cinido nang may kahirapan, sapagkat hindi kami tinulutan ng hangin na magpatuloy, naglayag kami na nanganganlong sa Creta sa Salmone,
8 at sa pamamaybay rito nang may kahirapan, nakarating kami sa isang dako na tinatawag na Magagandang Daungan, na doon ay malapit ang lunsod ng Lasea.
9 Yamang mahabang panahon na ang lumipas at sa ngayon ay mapanganib nang maglayag sapagkat maging ang pag-aayuno [ng araw ng pagbabayad-sala]+ ay nakaraan na, si Pablo ay nagmungkahi,
10 na sinasabi sa kanila: “Mga lalaki, sa tingin ko ay magdudulot ng pinsala at malaking kawalan ang paglalayag hindi lamang sa kargamento at sa barko kundi maging sa ating mga kaluluwa.”+
11 Gayunman, ang opisyal ng hukbo ay nakinig sa piloto at sa may-ari ng barko sa halip na sa mga bagay na sinabi ni Pablo.
12 At sapagkat ang daungan ay di-kumbinyente para sa pagpapalipas ng taglamig, ipinayo ng karamihan na maglayag mula roon, upang tingnan kung sa paanuman ay makararating sila sa Fenix upang doon magpalipas ng taglamig, isang daungan ng Creta na bukás patungo sa hilagang-silangan at patungo sa timog-silangan.
13 Bukod diyan, nang marahang humihip ang hanging timugan, inisip nila na para na rin nilang naisagawa ang kanilang layunin, at itinaas nila ang angkla at nagsimulang mamaybay sa baybayin ng Creta.
14 Gayunman, hindi pa natatagalan, isang maunos na hangin+ na tinatawag na Euroaquilo ang humampas dito.
15 Nang ang barko ay lubhang mapanaigan at hindi nito makayanang panatilihing nakasalunga sa hangin ang unahan nito, kami ay nagpadala na lamang at natangay.
16 Ngayon ay naglayag kami na nanganganlong sa isang maliit na pulo na tinatawag na Cauda, gayunma’y halos hindi namin makuha ang maliit na bangka+ sa popa.
17 Ngunit nang maisampa ito sa kubyerta ay nagsimula silang gumamit ng mga pantulong upang talian ang barko sa ilalim; at palibhasa’y natatakot na sumadsad sa Sirte, ibinaba nila ang kasangkapang panlayag at sa gayon ay nagpaanod na lamang.
18 Gayunman sapagkat ipinaghahagisan kami nang matindi ng unos, nang sumunod na araw ay pinasimulan nilang pagaanin+ ang barko;
19 at nang ikatlong araw, sa pamamagitan ng sarili nilang mga kamay, itinapon nila ang kagamitan ng barko.
20 Nang hindi nga lumitaw ang araw ni ang mga bituin sa loob ng maraming araw, at nasa ibabaw namin ang isang hindi munting unos,+ nagsimulang maglaho ang lahat ng pag-asa na sa dakong huli ay makaliligtas kami.
21 At pagkatapos ng mahabang panahon na hindi kumakain, nang magkagayon ay tumayo si Pablo sa gitna nila+ at nagsabi: “Mga lalaki, dapat nga sana ay sinunod ninyo ang payo ko at hindi naglayag mula sa Creta at dumanas ng ganitong pinsala at kawalan.+
22 Gayunman, ngayon ay iminumungkahi ko sa inyo na magalak, sapagkat walang isa mang kaluluwa sa inyo ang mawawala, kundi ang barko lamang.
23 Sapagkat nang gabing ito ay tumayong malapit sa akin ang isang anghel+ ng Diyos na nagmamay-ari sa akin at siyang pinag-uukulan ko ng sagradong paglilingkod,+
24 na sinasabi, ‘Huwag kang matakot, Pablo. Kailangang tumayo ka sa harap ni Cesar,+ at, narito! lubusang ibinigay sa iyo ng Diyos ang lahat ng mga kasama mong naglalayag.’
25 Kaya magalak kayo, mga lalaki; sapagkat naniniwala ako sa Diyos+ na gayon nga ang mangyayari gaya ng sinabi sa akin.
26 Gayunman, kailangan tayong mapadpad sa baybayin ng isang pulo.”+
27 At nang sumapit ang ikalabing-apat na gabi at ipinapadpad kami sa magkabi-kabila sa dagat ng Adria, nang hatinggabi na ay nagsimulang mag-akala ang mga magdaragat na nalalapit na sila sa isang lupain.
28 At inarok nila ang lalim at nasumpungang may dalawampung dipa; kaya nagpatuloy pa sila nang kaunti at muling gumawa ng pag-arok at nasumpungang may labinlimang dipa.
29 At sa takot na baka kung saan kami maihampas sa batuhan, sila ay naghagis ng apat na angkla mula sa popa at nagsimulang humiling na maging araw na sana.
30 Ngunit nang tangkain ng mga magdaragat na tumakas mula sa barko at ibaba sa dagat ang maliit na bangka sa pagkukunwaring binabalak nilang magbaba ng mga angkla mula sa proa,
31 sinabi ni Pablo sa opisyal ng hukbo at sa mga kawal: “Malibang manatili sa barko ang mga taong ito ay hindi kayo maliligtas.”+
32 Nang magkagayon ay pinutol ng mga kawal ang mga lubid ng maliit na bangka+ at hinayaan itong mahulog.
33 Nang malapit na ngang maging araw ay pinasimulan ni Pablo na pasiglahin ang bawat isa na kumain, na sinasabi: “Ngayon ang ikalabing-apat na araw ng inyong pagbabantay at patuloy kayong hindi kumakain, anupat wala kayong kinukuhang anuman para sa inyong sarili.
34 Kaya nga pinasisigla ko kayong kumain, sapagkat ito ay alang-alang sa inyong kaligtasan; sapagkat wala ni isa mang buhok+ sa ulo ng sinuman sa inyo ang mawawala.”
35 Pagkasabi niya nito, kumuha rin siya ng tinapay, nagpasalamat+ sa Diyos sa harap nilang lahat at pinutol ito at nagsimulang kumain.
36 Kaya silang lahat ay sumaya at sila rin ay nagsimulang kumain.
37 Sa kabuuan nga, kaming mga kaluluwa sa barko ay dalawang daan at pitumpu’t anim.
38 Nang mabusog na sila sa pagkain, pinasimulan nilang pagaanin+ ang barko sa pamamagitan ng pagtatapon ng trigo sa dagat.
39 Sa wakas nang maging araw na, hindi nila makilala ang lupain ngunit namamasdan nila ang isang look na may dalampasigan, at determinado sila na kung magagawa nila ay dito nila isasadsad+ ang barko.
40 Kaya, pagkaputol sa mga angkla, hinayaan nilang mahulog sa dagat ang mga ito, at kasabay nito ay kinalag ang mga tali ng mga sagwan na panimon at, pagkatapos na maitaas sa hangin ang layag sa unahan, pumatungo sila sa dalampasigan.
41 Nang mapatuntong sila sa isang dakong mababaw na hinahampas ng dagat sa bawat panig, isinadsad nila ang barko at ang proa ay nabaon at nanatiling di-makilos, ngunit ang popa ay lubusang nagkawasak-wasak.+
42 Sa gayon ay naging kapasiyahan ng mga kawal na patayin ang mga bilanggo, upang walang sinumang makalangoy at makatakas.
43 Ngunit nais ng opisyal ng hukbo na madalang ligtas si Pablo at pinigilan sila sa kanilang layunin. At iniutos niya na yaong mga makalalangoy ay tumalon sa dagat at maunang tumungo sa lupa,
44 at na gawin iyon ng mga naiwan, ang iba ay sa mga tabla at ang iba ay sa mga bagay mula sa barko. At gayon nangyari na ang lahat ay nadalang ligtas sa lupa.+