Gawa 28:1-31

28  At nang makarating kaming ligtas, nang magkagayon ay nalaman namin na ang pulo ay tinatawag na Malta.+  At ang mga taong may wikang banyaga ay nagpakita sa amin ng pambihirang makataong kabaitan,+ sapagkat nagpaningas sila ng apoy at tinanggap kaming lahat lakip ang pagtulong dahil sa bumubuhos na ulan at dahil sa ginaw.+  Ngunit nang magtipon si Pablo ng isang bungkos na kahoy at ipatong ito sa apoy, isang ulupong ang lumabas dahil sa init at kumapit sa kaniyang kamay.  Nang makita ng mga taong may wikang banyaga ang makamandag na hayop na nakabitin sa kaniyang kamay, sila ay nagsimulang magsabi sa isa’t isa: “Tiyak na ang taong ito ay isang mamamaslang, at bagaman nakarating siyang ligtas mula sa dagat, hindi ipinahintulot ng mapaghiganting katarungan na patuloy siyang mabuhay.”  Gayunman, ipinagpag niya sa apoy ang makamandag na hayop at hindi dumanas ng anumang pinsala.+  Ngunit inaasahan nilang mamimintog siya sa pamamaga o bigla na lang mabubuwal na patay. Nang makapaghintay sila nang matagal at makita na walang anumang pinsalang nangyari sa kaniya, nagbago ang kanilang isip at nagsimulang magsabi na siya ay isang diyos.+  At sa palibot ng dakong iyon ang pangunahing lalaki sa pulo, na nagngangalang Publio, ay may mga lupain; at magiliw niya kaming tinanggap at inasikaso kami nang may kabaitan sa loob ng tatlong araw.  Ngunit nangyari nga na ang ama ni Publio ay nakahiga na napipighati dahil sa lagnat at disintirya, at pinasok siya ni Pablo at nanalangin, ipinatong ang kaniyang mga kamay+ sa kaniya at pinagaling siya.+  Pagkatapos na maganap ito, ang iba pa sa mga tao sa pulo na may mga sakit ay nagsimulang pumaroon din sa kaniya at napagaling.+ 10  At pinarangalan din nila kami ng maraming kaloob at, nang maglalayag na kami, kinargahan nila kami ng mga bagay para sa aming mga pangangailangan. 11  Pagkaraan ng tatlong buwan ay naglayag kami sa isang barko na nagmula sa Alejandria+ na nagpalipas ng taglamig sa pulo at may roda na “Mga Anak ni Zeus.” 12  At pagkadaong sa Siracusa ay nanatili kami roon nang tatlong araw, 13  at mula sa dakong iyon ay lumigid kami at nakarating sa Regio. At pagkaraan ng isang araw ay dumating ang isang hanging timugan at nakarating kami sa Puteoli noong ikalawang araw. 14  Dito ay may nasumpungan kaming mga kapatid at pinamanhikan kaming manatili sa kanila nang pitong araw; at sa ganitong paraan ay nakarating kaming malapit sa Roma. 15  At mula roon ang mga kapatid, nang marinig nila ang balita tungkol sa amin, ay pumaroon upang salubungin kami hanggang sa Pamilihan ng Apio at sa Tatlong Taberna at, nang makita sila, si Pablo ay nagpasalamat sa Diyos at nagkaroon ng lakas ng loob.+ 16  Sa wakas, nang pumasok kami sa Roma, si Pablo ay pinahintulutang+ manirahang mag-isa kasama ang kawal na nagbabantay sa kaniya. 17  Gayunman, pagkaraan ng tatlong araw ay tinawag niya yaong mga pangunahing lalaki ng mga Judio. Nang magkatipon na sila, sinabi niya sa kanila: “Mga lalaki, mga kapatid, bagaman wala akong ginawang anuman na salungat sa bayan o sa mga kaugalian ng ating mga ninuno,+ ibinigay ako bilang isang bilanggo mula sa Jerusalem sa mga kamay ng mga Romano.+ 18  At ang mga ito, pagkatapos na gumawa ng pagsusuri,+ ay nagnais na palayain ako,+ sapagkat walang anumang dahilan upang patayin+ ako. 19  Ngunit nang patuloy pa ring magsalita ang mga Judio laban dito, napilitan akong umapela+ kay Cesar, ngunit hindi naman sa para bang mayroon akong anumang iaakusa sa aking bansa. 20  Ang totoo, sa kadahilanang ito ay namanhik akong makita at makausap kayo, sapagkat dahil sa pag-asa+ ng Israel kung kaya nakapalibot sa akin ang tanikalang ito.”+ 21  Sinabi nila sa kaniya: “Hindi rin naman kami tumanggap ng mga liham may kinalaman sa iyo mula sa Judea, ni ang sinuman sa mga kapatid na dumating ay nag-ulat o nagsalita ng anumang bagay na balakyot tungkol sa iyo. 22  Ngunit iniisip naming wasto na marinig mula sa iyo kung ano ang iyong kaisipan, sapagkat totoong kung tungkol sa sektang+ ito ay nalalaman namin na sa lahat ng dako ay pinagsasalitaan ito ng masama.”+ 23  Nagsaayos sila ngayon ng isang araw na kasama niya, at pumaroon sila sa kaniya na may mas malalaking bilang sa kaniyang dakong tuluyan. At ipinaliwanag niya sa kanila ang bagay na ito sa pamamagitan ng lubusang pagpapatotoo tungkol sa kaharian ng Diyos+ at sa pamamagitan ng paggamit ng panghihikayat sa kanila tungkol kay Jesus kapuwa mula sa kautusan ni Moises+ at sa mga Propeta,+ mula umaga hanggang gabi. 24  At ang ilan ay nagsimulang maniwala+ sa mga bagay na sinabi; ang iba ay ayaw maniwala.+ 25  Kaya, dahil hindi sila magkasundo sa isa’t isa, sila ay lumisan, habang ibinibigay ni Pablo ang isang komentong ito: “Ang banal na espiritu ay angkop na nagsalita sa pamamagitan ni Isaias na propeta sa inyong mga ninuno, 26  na sinasabi, ‘Pumaroon ka sa bayang ito at sabihin mo: “Sa pakikinig ay maririnig ninyo ngunit sa anumang paraan ay hindi mauunawaan; at sa pagtingin ay titingin kayo ngunit sa anumang paraan ay hindi makakakita.+ 27  Sapagkat ang puso ng bayang ito ay naging manhid, at sa kanilang mga tainga ay narinig nila nang walang pagtugon, at ipinikit nila ang kanilang mga mata; upang hindi nila makita ng kanilang mga mata at marinig ng kanilang mga tainga at maunawaan ng kanilang mga puso at manumbalik, at mapagaling ko nga sila.” ’+ 28  Kaya nga alamin ninyo na ito, ang paraan ng pagliligtas ng Diyos, ay ipinadala na sa mga bansa;+ tiyak na pakikinggan nila ito.”+ 29  —— 30  Kaya nanatili siya sa loob ng buong dalawang taon sa kaniyang sariling bahay na inuupahan,+ at tinatanggap niya nang may kabaitan ang lahat ng mga pumaparoon sa kaniya, 31  na ipinangangaral sa kanila ang kaharian ng Diyos at itinuturo ang mga bagay may kinalaman sa Panginoong Jesu-Kristo taglay ang buong kalayaan sa pagsasalita,+ nang walang hadlang.

Talababa