Gawa 6:1-15
6 Nang mga araw ngang ito, nang ang mga alagad ay dumarami, nagkaroon ng bulung-bulungan mula sa mga Judiong nagsasalita ng Griego+ laban sa mga Judiong nagsasalita ng Hebreo, sapagkat ang kanilang mga babaing balo ay napapabayaan sa araw-araw na pamamahagi.+
2 Kaya tinawag ng labindalawa ang karamihan ng mga alagad at sinabi: “Hindi kalugud-lugod na iwanan namin ang salita ng Diyos upang mamahagi ng pagkain sa mga mesa.+
3 Kaya, mga kapatid, humanap+ kayo sa ganang inyo ng pitong lalaking may patotoo mula sa gitna ninyo, puspos ng espiritu at karunungan,+ upang maatasan namin sila sa mahalagang gawaing ito;
4 ngunit iuukol namin ang aming sarili sa pananalangin at sa ministeryo ng salita.”+
5 At ang bagay na sinalita ay naging kalugud-lugod sa buong karamihan, at pinili nila si Esteban, isang lalaking puspos ng pananampalataya at banal na espiritu,+ at si Felipe+ at si Procoro at si Nicanor at si Timon at si Parmenas at si Nicolas, isang proselita mula sa Antioquia;
6 at inilagay nila ang mga ito sa harap ng mga apostol, at, pagkatapos manalangin, ipinatong nila sa mga ito ang kanilang mga kamay.+
7 Dahil dito ang salita ng Diyos ay patuloy na lumago,+ at ang bilang ng mga alagad ay patuloy na lubhang dumami sa Jerusalem;+ at isang malaking pulutong ng mga saserdote+ ang nagsimulang maging masunurin+ sa pananampalataya.
8 At si Esteban, puspos ng kagandahang-loob at kapangyarihan, ay gumagawa ng dakilang mga palatandaan at mga tanda+ sa mga tao.
9 Ngunit may ilang lalaking tumindig mula sa tinatawag na Sinagoga ng mga Pinalaya, at mula sa mga taga-Cirene at mga Alejandrino+ at yaong mga mula sa Cilicia+ at Asia, upang makipagtalo kay Esteban;
10 gayunma’y hindi sila makapanindigan laban sa karunungan+ at espiritu na taglay niya sa pagsasalita.+
11 Nang magkagayon ay palihim nilang inudyukan ang mga lalaki na magsabi:+ “Narinig namin siyang nagsasalita ng mapamusong+ na mga pananalita laban kay Moises at sa Diyos.”
12 At sinulsulan nila ang mga tao at ang matatandang lalaki at ang mga eskriba, at, sa biglang pagsugod sa kaniya, kinuha nila siya nang puwersahan at dinala sa Sanedrin.+
13 At nagharap sila ng mga bulaang saksi,+ na nagsabi: “Ang taong ito ay hindi tumitigil sa pagsasalita ng mga bagay laban sa banal na dakong ito at laban sa Kautusan.+
14 Bilang halimbawa, narinig naming sinabi niya na ibabagsak nitong Jesus na Nazareno ang dakong ito at babaguhin ang mga kaugalian na ibinigay sa atin ni Moises.”
15 At habang nakatitig sa kaniya ang lahat ng mga nakaupo sa Sanedrin,+ nakita nila na ang kaniyang mukha ay gaya ng mukha ng isang anghel.+