Gawa 9:1-43
9 Ngunit si Saul, sumisilakbo pa ng pagbabanta at pagpaslang+ laban sa mga alagad+ ng Panginoon, ay pumaroon sa mataas na saserdote
2 at humingi sa kaniya ng mga liham para sa mga sinagoga sa Damasco, upang madala niyang nakagapos sa Jerusalem ang sinumang masumpungan niyang kabilang sa Daan,+ kapuwa mga lalaki at mga babae.
3 At sa kaniyang paglalakbay ay nangyari na papalapit na siya sa Damasco, nang bigla na lang suminag sa palibot niya ang isang liwanag mula sa langit,+
4 at nabuwal siya sa lupa at nakarinig ng isang tinig na nagsasabi sa kaniya: “Saul, Saul, bakit mo ako pinag-uusig?”+
5 Sinabi niya: “Sino ka, Panginoon?” Sinabi niya: “Ako ay si Jesus, na iyong pinag-uusig.+
6 Gayunpaman, bumangon ka+ at pumasok ka sa lunsod, at sasabihin sa iyo kung ano ang dapat mong gawin.”
7 At ang mga lalaking naglalakbay na kasama niya+ ay nakatayong di-makapagsalita,+ na nakaririnig nga ng tunog ng isang tinig,+ ngunit walang nakikitang sinumang tao.
8 Ngunit si Saul ay tumindig mula sa lupa, at bagaman nakadilat ang kaniyang mga mata ay wala siyang makitang anuman.+ Kaya inakay nila siya sa kamay at inihatid siya sa Damasco.
9 At sa loob ng tatlong araw ay wala siyang nakitang anuman,+ at hindi siya kumain ni uminom.
10 Sa Damasco ay may isang alagad na nagngangalang Ananias,+ at sinabi ng Panginoon sa kaniya sa pangitain: “Ananias!” Sinabi niya: “Narito ako, Panginoon.”
11 Sinabi sa kaniya ng Panginoon: “Bumangon ka, pumaroon ka sa lansangan na tinatawag na Tuwid, at sa bahay ni Hudas ay hanapin mo ang isang lalaki na nagngangalang Saul, mula sa Tarso.+ Sapagkat, narito! nananalangin siya,
12 at sa isang pangitain ay nakakita siya ng isang lalaki na nagngangalang Ananias na pumasok at nagpatong ng mga kamay nito sa kaniya upang manumbalik ang kaniyang paningin.”+
13 Ngunit sumagot si Ananias: “Panginoon, narinig ko mula sa marami ang tungkol sa lalaking ito, kung gaano karaming nakapipinsalang mga bagay ang ginawa niya sa iyong mga banal sa Jerusalem.
14 At dito ay may awtoridad siya mula sa mga punong saserdote na igapos ang lahat ng tumatawag sa iyong pangalan.”+
15 Ngunit sinabi sa kaniya ng Panginoon: “Humayo ka, sapagkat ang taong ito ay isang piniling sisidlan+ sa akin upang dalhin ang aking pangalan sa mga bansa+ at gayundin sa mga hari+ at sa mga anak ni Israel.
16 Sapagkat ipakikita ko sa kaniya nang malinaw kung gaano karaming mga bagay ang dapat niyang pagdusahan dahil sa aking pangalan.”+
17 Kaya si Ananias ay umalis at pumasok sa bahay, at ipinatong niya sa kaniya ang kaniyang mga kamay at sinabi: “Saul, kapatid, ang Panginoon, ang Jesus na nagpakita sa iyo sa daan na nilalakaran mo, ay nagsugo sa akin, upang manumbalik ang iyong paningin at mapuspos ka ng banal na espiritu.”+
18 At kaagad na nalaglag mula sa kaniyang mga mata ang sa wari ay mga kaliskis, at nanumbalik ang kaniyang paningin; at siya ay tumindig at nabautismuhan,
19 at siya ay kumain at lumakas.+
Sa loob ng ilang araw ay kasama siya ng mga alagad sa Damasco,+
20 at sa mga sinagoga ay kaagad niyang pinasimulang ipangaral si Jesus,+ na ang Isang ito ang Anak ng Diyos.
21 Ngunit ang lahat niyaong mga nakarinig sa kaniya ay nanggilalas at nagsabi: “Hindi ba ito ang taong sumalanta+ sa mga nasa Jerusalem na tumatawag sa pangalang ito, at siyang pumarito sa mismong layuning ito, upang madala niya silang nakagapos sa mga punong saserdote?”+
22 Ngunit si Saul ay lalo pang nagtatamo ng lakas at nililito ang mga Judio na naninirahan sa Damasco habang pinatutunayan niya sa lohikal na paraan na ito ang Kristo.+
23 At nang magtatapos na ang maraming araw, ang mga Judio ay nagsanggunian na patayin siya.+
24 Gayunman, nalaman ni Saul ang kanilang pakana laban sa kaniya. Ngunit maingat din nilang binabantayan ang mga pintuang-daan kapuwa sa araw at gabi upang patayin siya.+
25 Kaya kinuha siya ng kaniyang mga alagad at ibinaba siya nang gabi at pinaraan sa isang butas sa pader, na ibinababa siya na nasa isang basket.+
26 Pagdating sa Jerusalem+ ay nagsikap siyang makisama sa mga alagad; ngunit silang lahat ay natatakot sa kaniya, sapagkat hindi sila naniwalang siya ay isang alagad.
27 Kaya tinulungan siya ni Bernabe+ at dinala siya sa mga apostol, at sinabi niya sa kanila nang detalyado kung paanong sa daan ay nakita niya ang Panginoon+ at nakipag-usap ito sa kaniya,+ at kung paanong sa Damasco+ ay nagsalita siya nang may tapang sa pangalan ni Jesus.
28 At nanatili siyang kasama nila, na pumapasok at lumalabas sa Jerusalem, nagsasalita nang may tapang sa pangalan ng Panginoon;+
29 at siya ay nakikipag-usap at nakikipagtalo sa mga Judiong nagsasalita ng Griego. Ngunit ang mga ito ay nagtangkang patayin siya.+
30 Nang mahalata ito ng mga kapatid, dinala nila siya sa Cesarea at pinayaon siya patungo sa Tarso.+
31 Sa gayon nga, ang kongregasyon+ sa buong Judea at Galilea at Samaria ay nagkaroon ng isang yugto ng kapayapaan, anupat napatitibay; at habang lumalakad ito sa pagkatakot kay Jehova+ at sa kaaliwan mula sa banal na espiritu+ ay patuloy itong dumarami.
32 At samantalang lumilibot si Pedro sa lahat ng dako ay bumaba rin siya sa mga banal na naninirahan sa Lida.+
33 Doon ay nasumpungan niya ang isang tao na nagngangalang Eneas, na nakaratay sa kaniyang teheras sa loob ng walong taon, sapagkat siya ay paralisado.
34 At sinabi ni Pedro sa kaniya:+ “Eneas, pinagagaling ka ni Jesu-Kristo.+ Bumangon ka at iligpit mo ang iyong higaan.” At kaagad siyang bumangon.
35 At nakita siya ng lahat ng mga nananahanan sa Lida at sa kapatagan ng Saron,+ at ang mga ito ay bumaling sa Panginoon.+
36 Ngunit sa Jope+ ay may isang alagad na nagngangalang Tabita, na kapag isinalin ay nangangahulugang Dorcas. Siya ay nanagana sa mabubuting gawa+ at mga kaloob ng awa na kaniyang ipinamamahagi.
37 Ngunit nang mga araw na iyon ay nangyaring nagkasakit siya at namatay. Kaya pinaliguan nila siya at inilagay sa isang silid sa itaas.
38 At yamang ang Lida ay malapit sa Jope,+ nang marinig ng mga alagad na si Pedro ay nasa lunsod na ito, nagsugo sila sa kaniya ng dalawang lalaki upang mamanhik sa kaniya: “Pakisuyong huwag kang mag-atubiling pumarito hanggang sa amin.”
39 Sa gayon ay bumangon si Pedro at sumama sa kanila. At nang dumating siya, dinala nila siya sa silid sa itaas; at ang lahat ng mga babaing balo ay humarap sa kaniya na tumatangis at ipinakikita ang maraming panloob na kasuutan at panlabas na kasuutan+ na ginawa ni Dorcas noong siya ay kasama pa nila.+
40 Ngunit pinalabas ni Pedro ang lahat+ at, nang mailuhod ang kaniyang mga tuhod, nanalangin siya, at, pagbaling sa bangkay, sinabi niya: “Tabita, bumangon ka!” Idinilat niya ang kaniyang mga mata at, nang makita niya si Pedro, siya ay umupo.+
41 Nang maiabot ni Pedro sa kaniya ang kaniyang kamay, itinindig niya ito,+ at tinawag niya ang mga banal at ang mga babaing balo at iniharap siyang buháy.+
42 Nahayag ito sa buong Jope, at marami ang naging mga mananampalataya sa Panginoon.+
43 At nanatili siya nang maraming araw sa Jope+ kasama ng isang Simon, na isang mangungulti.+