Isaias 1:1-31
1 Ang pangitain+ ni Isaias+ na anak ni Amoz na nakita niya may kinalaman sa Juda at sa Jerusalem nang mga araw nina Uzias,+ Jotam,+ Ahaz+ at Hezekias,+ na mga hari ng Juda:+
2 Dinggin mo,+ O langit, at pakinggan mo, O lupa, sapagkat si Jehova ay nagsalita: “Ako ay nagpalaki at nag-alaga ng mga anak,+ ngunit sila ay naghimagsik laban sa akin.+
3 Lubos na kilala ng toro ang bumili sa kaniya, at ng asno ang sabsaban ng nagmamay-ari sa kaniya; ang Israel ay hindi nakakakilala,+ ang aking sariling bayan ay hindi gumagawi nang may unawa.”+
4 Sa aba ng makasalanang bansa,+ ang bayan na napabibigatan ng kamalian, isang binhi na gumagawa ng kasamaan,+ mapagpahamak na mga anak!+ Iniwan nila si Jehova,+ pinakitunguhan nila nang walang galang ang Banal ng Israel,+ sila ay tumalikod.+
5 Saan pa kayo sasaktan,+ anupat magdaragdag kayo ng higit pang paghihimagsik?+ Ang buong ulo ay may sakit, at ang buong puso ay mahina.+
6 Mula sa talampakan ng paa at maging hanggang sa ulo ay wala ritong bahaging malusog.+ Mga sugat at mga pasa at sariwa pang mga latay—hindi pa napipisil ang mga ito o natatalian, ni napalambot man ng langis.+
7 Ang inyong lupain ay tiwangwang,+ ang inyong mga lunsod ay sunóg sa apoy;+ ang inyong lupa—mismong sa harap ninyo ay nilalamon ito ng mga taga-ibang bayan,+ at ang pagkatiwangwang ay gaya ng paggiba ng mga taga-ibang bayan.+
8 At ang anak na babae ng Sion+ ay naiwang gaya ng isang kubol sa ubasan, gaya ng isang kubong bantayan sa bukid ng mga pipino, gaya ng isang lunsod na nakukubkob.+
9 Malibang si Jehova ng mga hukbo mismo ang nag-iwan sa atin ng iilang nakaligtas,+ naging gaya na sana tayo ng Sodoma, nakahalintulad na sana tayo ng Gomorra.+
10 Dinggin ninyo ang salita ni Jehova,+ ninyong mga diktador+ ng Sodoma.+ Pakinggan ninyo ang kautusan ng ating Diyos, ninyong bayan ng Gomorra.
11 “Ano ang pakinabang ko sa karamihan ng inyong mga hain?” sabi ni Jehova. “Tama na sa akin ang mga buong handog na sinusunog+ na mga barakong tupa+ at ang taba ng mga patabaing hayop;+ at sa dugo+ ng mga guyang toro at mga lalaking kordero at mga kambing na lalaki+ ay hindi ako nalulugod.+
12 Kapag palagi kayong pumaparito upang makita ang aking mukha,+ sino ang humihingi nito sa inyong kamay, upang yurakan ang aking mga looban?+
13 Tigilan na ninyo ang pagdadala pa ng walang-kabuluhang mga handog na mga butil.+ Insenso—ito ay karima-rimarim sa akin.+ Bagong buwan+ at sabbath,+ ang pagtawag ng isang kombensiyon+—hindi ko matiis ang paggamit ng mahiwagang kapangyarihan+ kasabay ng kapita-pitagang kapulungan.
14 Ang inyong mga bagong buwan at ang inyong mga kapanahunan ng pista ay kinapopootan ng aking kaluluwa.+ Sa akin ay naging pasanin ang mga iyon;+ ako ay pagod na sa pagtitiis sa mga iyon.+
15 At kapag iniuunat ninyo ang inyong mga palad,+ ikinukubli ko ang aking mga mata mula sa inyo.+ Kahit nananalangin kayo ng marami,+ hindi ako nakikinig;+ ang inyo mismong mga kamay ay napuno ng pagbububo ng dugo.+
16 Maghugas kayo;+ magpakalinis kayo;+ alisin ninyo ang kasamaan ng inyong mga gawain mula sa harap ng aking mga mata;+ tigilan ninyo ang paggawa ng masama.+
17 Matuto kayong gumawa ng mabuti;+ hanapin ninyo ang katarungan;+ ituwid ninyo ang maniniil;+ maggawad kayo ng kahatulan para sa batang lalaking walang ama;+ ipagtanggol ninyo ang usapin ng babaing balo.”+
18 “Halikayo ngayon at ituwid natin ang mga bagay-bagay sa pagitan natin,” ang sabi ni Jehova.+ “Bagaman ang mga kasalanan ninyo ay maging gaya ng iskarlata, ang mga ito ay mapapuputing gaya ng niyebe;+ bagaman ang mga ito ay maging pula na gaya ng telang krimson, ang mga ito ay magiging gaya pa man din ng lana.
19 Kung kayo ay magpapakita ng pagnanais at makikinig, ang buti ng lupain ay kakainin ninyo.+
20 Ngunit kung kayo ay tatanggi+ at mapaghimagsik pa nga, sa pamamagitan ng tabak ay uubusin kayo; sapagkat ang mismong bibig ni Jehova ang nagsalita nito.”+
21 O ano’t ang tapat na bayan+ ay naging patutot!+ Siya ay dating puspos ng katarungan;+ ang katuwiran ay nanunuluyan noon sa kaniya,+ ngunit ngayon ay mga mamamaslang.+
22 Ang iyong pilak ay naging maruming linab.+ Ang iyong serbesang trigo ay binantuan ng tubig.+
23 Ang iyong mga prinsipe ay sutil at mga kasamahan ng mga magnanakaw.+ Ang bawat isa sa kanila ay maibigin sa suhol+ at humahabol sa mga kaloob.+ Para sa batang lalaking walang ama ay hindi sila naggagawad ng kahatulan; at maging ang usapin sa batas ng babaing balo ay hindi nila tinatanggap.+
24 Kaya ang sabi ng tunay na Panginoon, si Jehova ng mga hukbo, ang Makapangyarihan ng Israel,+ ay: “Aha! Pagiginhawahin ko ang aking sarili mula sa aking mga kalaban, at ipaghihiganti+ ko ang aking sarili sa aking mga kaaway.+
25 At ibabalik ko sa iyo ang aking kamay, at tutunawin ko ang iyong maruming linab na waring ginamitan ng lihiya, at aalisin ko ang lahat ng iyong duming naipon.+
26 At muli akong magbabalik ng mga hukom para sa iyo gaya noong una, at ng mga tagapayo para sa iyo gaya noong sa pasimula.+ Pagkatapos nito ay tatawagin kang Lunsod ng Katuwiran, Tapat na Bayan.+
27 Sa pamamagitan ng katarungan ay tutubusin ang Sion,+ at yaong mga sa kaniya na bumabalik, sa pamamagitan ng katuwiran.+
28 At ang pagbagsak ng mga naghihimagsik at niyaong sa mga makasalanan ay magiging magkasabay,+ at yaong mga umiiwan kay Jehova ay darating sa kanilang katapusan.+
29 Sapagkat ikahihiya nila ang matitibay na punungkahoy na inyong ninasa,+ at malilito kayo dahil sa mga hardin na inyong pinili.+
30 Sapagkat kayo ay magiging gaya ng malaking punungkahoy na ang mga dahon ay nalalanta,+ at gaya ng hardin na walang tubig.
31 At ang taong puspos ng sigla ay tiyak na magiging maiikling hibla,+ at ang bunga ng kaniyang gawa naman ay isang siklab; at kapuwa sila magliliyab nang magkasabay, na walang sinumang papatay sa apoy.”+