Isaias 14:1-32
14 Sapagkat si Jehova ay magpapakita ng awa sa Jacob,+ at tiyak na pipiliin pa niya ang Israel;+ at bibigyan nga niya sila ng kapahingahan sa kanilang lupain,+ at ang naninirahang dayuhan ay makakasama nila, at ilalakip nila ang kanilang sarili sa sambahayan ni Jacob.+
2 At kukunin nga sila ng mga bayan at dadalhin sila sa kanilang sariling dako, at kukunin sila ng sambahayan ng Israel bilang kanilang pag-aari sa lupain ni Jehova bilang mga alilang lalaki at bilang mga alilang babae;+ at sila ang magiging mga mambibihag+ niyaong mga humahawak sa kanila bilang bihag, at pamumunuan nila yaong mga sapilitang nagpapatrabaho sa kanila.+
3 At mangyayari nga sa araw ng pagbibigay sa iyo ni Jehova ng kapahingahan mula sa iyong kirot at mula sa iyong kaligaligan at mula sa mabigat na pagkaalipin na ipinang-alipin sa iyo,+
4 na ibabangon mo ang kasabihang ito laban sa hari ng Babilonya at sasabihin mo:
“Ano’t siya na sapilitang nagpapatrabaho sa iba ay huminto, ang paniniil ay huminto!+
5 Binali ni Jehova ang tungkod ng mga balakyot, ang baston ng mga namamahala,+
6 siyang dahil sa poot ay walang-lubay na nananakit ng hampas sa mga bayan,+ siyang dahil sa matinding galit ay nanunupil ng mga bansa sa pag-uusig na walang pagpipigil.+
7 Ang buong lupa ay sumapit sa kapahingahan,+ naging panatag. Ang mga tao ay nagsaya na may mga hiyaw ng kagalakan.+
8 Maging ang mga puno ng enebro+ ay nagsaya rin dahil sa iyo, ang mga sedro ng Lebanon, na nagsasabi, ‘Magmula nang mabuwal ka, walang mamumutol ng kahoy+ ang sumasampa laban sa amin.’
9 “Maging ang Sheol+ sa ilalim ay naligalig dahil sa iyo upang salubungin ka sa pagpasok. Dahil sa iyo ay ginising nito yaong mga inutil sa kamatayan,+ ang lahat ng mga tulad-kambing na lider+ sa lupa. Pinatindig nito ang lahat ng hari ng mga bansa mula sa kanilang mga trono.+
10 Silang lahat ay nagsasalita at nagsasabi sa iyo, ‘Pinanghina ka rin bang tulad namin?+ Ginawa ka bang katulad namin?+
11 Sa Sheol ibinaba ang iyong pagmamapuri, ang ingay ng iyong mga panugtog na de-kuwerdas.+ Sa ilalim mo, ang mga uod ay nakalatag na gaya ng higaan; at mga uod ang iyong pantakip.’+
12 “O ano’t nahulog ka mula sa langit,+ ikaw na nagniningning, anak ng bukang-liwayway! Ano’t ibinuwal ka sa lupa,+ ikaw na nagpapahina sa mga bansa!+
13 Kung tungkol sa iyo, sinabi mo sa iyong puso, ‘Sa langit ay sasampa ako.+ Sa itaas ng mga bituin+ ng Diyos ay itataas ko ang aking trono,+ at uupo ako sa ibabaw ng bundok ng kapisanan,+ sa pinakamalalayong bahagi sa hilaga.+
14 Ako ay sasampa sa ibabaw ng matataas na dako ng mga ulap;+ gagawin kong kawangis ng Kataas-taasan ang aking sarili.’+
15 “Gayunman, sa Sheol ka ibababa,+ sa kadulu-duluhang mga bahagi ng hukay.+
16 Yaong mga nakakakita sa iyo ay magmamasid sa iyo; maingat ka nilang susuriin, na sinasabi, ‘Ito ba ang lalaking lumiligalig sa lupa, na nagpapauga sa mga kaharian,+
17 na nagpangyaring ang mabungang lupain ay maging gaya ng ilang at gumiba ng mismong mga lunsod nito,+ na hindi nagbukas ng daang pauwi para sa kaniyang mga bilanggo?’+
18 Ang lahat ng iba pang hari ng mga bansa, oo, silang lahat, ay humiga na sa kaluwalhatian, bawat isa sa kani-kaniyang bahay.+
19 Ngunit ikaw naman, itinapon ka na walang dakong libingan para sa iyo,+ gaya ng isang kinasusuklamang sibol, nadaramtan ng mga taong pinatay na sinaksak ng tabak na bumababang patungo sa mga bato ng isang hukay,+ gaya ng bangkay na niyurakan.+
20 Hindi ka mapipisan sa kanila sa libingan, sapagkat sinira mo ang iyong sariling lupain, pinatay mo ang iyong sariling bayan. Hanggang sa panahong walang takda ay hindi panganganlan ang supling ng mga manggagawa ng kasamaan.+
21 “Maghanda kayo ng sangkalan sa pagpatay para sa kaniyang sariling mga anak dahil sa kamalian ng kanilang mga ninuno,+ upang hindi sila tumindig at ariin nga ang lupa at punuin ng mga lunsod ang ibabaw ng mabungang lupain.”+
22 “At titindig ako laban sa kanila,”+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
“At puputulin ko mula sa Babilonya ang pangalan+ at nalabi at supling at kaapu-apuhan,”+ ang sabi ni Jehova.
23 “At gagawin ko siyang pag-aari ng mga porcupino at mga matambong lawa ng tubig, at wawalisin ko siya ng walis ng pagkalipol,”+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
24 Si Jehova ng mga hukbo ay sumumpa,+ na nagsasabi: “Tiyak na kung ano ang aking inisip, gayon ang mangyayari; at kung ano ang aking ipinasiya, iyon ang magkakatotoo,+
25 upang lansagin ang Asiryano sa aking lupain+ at upang mayurakan ko siya sa aking mga bundok;+ at upang ang kaniyang pamatok ay mahiwalay mula sa kanila at upang ang kaniya mismong pasan ay mahiwalay mula sa kanilang balikat.”+
26 Ito ang pasiya na ipinapasiya laban sa buong lupa, at ito ang kamay na nakaunat laban sa lahat ng mga bansa.
27 Sapagkat si Jehova ng mga hukbo ang nagpasiya,+ at sino ang makasisira nito?+ At ang kaniyang kamay ang nakaunat, at sino ang makapipigil nito?+
28 Noong taóng mamatay si Haring Ahaz+ ay dumating ang kapahayagang ito:
29 “Huwag kang magsaya,+ O Filistia,+ sinuman sa iyo, dahil lamang sa pagkabali ng baston ng nananakit sa iyo.+ Sapagkat mula sa ugat ng serpiyente+ ay may lalabas na makamandag na ahas,+ at ang magiging bunga nito ay isang malaapoy na ahas na lumilipad.+
30 At ang mga panganay ng mga maralita ay tiyak na kakain, at tiwasay na hihiga ang mga dukha.+ At sa pamamagitan ng taggutom ay papatayin ko ang iyong ugat, at ang matitira sa iyo ay papatayin.+
31 Magpalahaw ka, O pintuang-daan! Humiyaw ka, O lunsod! Kayong lahat ay masisiraan ng loob, O Filistia! Sapagkat mula sa hilaga ay may usok na dumarating, at walang sinumang nahihiwalay mula sa kaniyang mga hanay.”+
32 At ano ang sasabihin ninuman bilang sagot sa mga mensahero+ ng bansa? Na si Jehova mismo ang naglatag ng pundasyon ng Sion,+ at doon manganganlong ang mga napipighati sa kaniyang bayan.