Isaias 25:1-12
25 O Jehova, ikaw ang aking Diyos.+ Dinadakila kita,+ pinupuri ko ang iyong pangalan,+ sapagkat gumawa ka ng mga kamangha-manghang bagay,+ mga pasiya+ mula noong unang mga panahon, sa katapatan,+ sa pagiging mapagkakatiwalaan.+
2 Sapagkat ang lunsod ay ginawa mong bunton ng mga bato, ang nakukutaang bayan naman ay gumuguhong kagibaan, isang tirahang tore ng mga taga-ibang bayan na hindi na magiging lunsod, na hindi itatayong muli maging hanggang sa panahong walang takda.+
3 Kaya nga luluwalhatiin ka niyaong isang malakas na bayan; ang bayan ng mapaniil na mga bansa, matatakot sila sa iyo.+
4 Sapagkat ikaw ay naging moog sa maralita, moog sa dukha sa kaniyang kabagabagan,+ kanlungan sa bagyong maulan, lilim+ sa init, kapag ang bugso ng mga mapaniil ay parang bagyong maulan laban sa isang pader.
5 Gaya ng init sa lupaing walang tubig, ang ingay ng mga taga-ibang bayan ay sinusupil mo, ang init sa pamamagitan ng lilim ng ulap.+ Ang mismong awitin ng mga mapaniil ay natitigil.+
6 At si Jehova ng mga hukbo ay tiyak na gagawa para sa lahat ng mga bayan,+ sa bundok+ na ito, ng isang piging ng mga putaheng malangis,+ isang piging ng alak na pinanatili sa latak, ng mga putaheng malangis na punô ng utak sa buto,+ ng alak+ na pinanatili sa latak, sinala.+
7 At sa bundok na ito ay tiyak na lalamunin niya ang mukha ng balot na bumabalot sa lahat ng mga bayan,+ at ang gawang hinabi na nakahabi sa lahat ng mga bansa.
8 Lalamunin niya ang kamatayan magpakailanman,+ at tiyak na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha mula sa lahat ng mukha.+ At ang kadustaan ng kaniyang bayan ay aalisin niya mula sa buong lupa,+ sapagkat si Jehova mismo ang nagsalita nito.
9 At sa araw na iyon ay tiyak na may magsasabi: “Narito! Ito ang ating Diyos.+ Umaasa tayo sa kaniya,+ at ililigtas niya tayo.+ Ito si Jehova.+ Umaasa tayo sa kaniya. Tayo ay magalak at magsaya sa kaniyang pagliligtas.”+
10 Sapagkat ang kamay ni Jehova ay mananatili sa bundok na ito,+ at ang Moab ay yuyurakan+ sa kinaroroonan nito kung paanong ang bunton ng dayami ay niyuyurakan sa tapunan ng dumi.+
11 At itatampal niya ang kaniyang mga kamay sa gitna nito gaya ng pagtampal ng manlalangoy upang makalangoy, at ibababa niya ang kapalaluan+ nito sa pamamagitan ng mapanlinlang na mga galaw ng kaniyang mga kamay.
12 At ang nakukutaang lunsod, kasama ng iyong matataas na tanggulang pader, ay ibubuwal niya; ibababa niya iyon, ilulugmok niya sa lupa, sa alabok.+