Isaias 35:1-10
35 Ang ilang at ang pook na walang tubig ay magbubunyi,+ at ang disyertong kapatagan ay magagalak at mamumulaklak na gaya ng safron.+
2 Iyon ay walang pagsalang mamumulaklak,+ at talagang magagalak iyon na may kagalakan at may hiyaw ng katuwaan.+ Ang kaluwalhatian ng Lebanon ay ibibigay roon,+ ang karilagan ng Carmel+ at ng Saron.+ May mga makakakita sa kaluwalhatian ni Jehova,+ sa karilagan ng ating Diyos.+
3 Palakasin ninyo ang mahihinang kamay, at patatagin ninyo ang mga tuhod na nangangatog.+
4 Sabihin ninyo sa mga may pusong nababalisa:+ “Magpakalakas kayo.+ Huwag kayong matakot.+ Narito! Ang inyong Diyos ay darating na may paghihiganti,+ ang Diyos taglay ang kagantihan.+ Siya ay darating at magliligtas sa inyo.”+
5 Sa panahong iyon ay madidilat ang mga mata ng mga bulag,+ at ang mga tainga ng mga bingi ay mabubuksan.+
6 Sa panahong iyon ay aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa,+ at ang dila ng pipi ay hihiyaw sa katuwaan.+ Sapagkat sa ilang ay bubukal ang tubig, at ang mga ilog sa disyertong kapatagan.
7 At ang lupang tigang sa init ay magiging gaya ng matambong lawa, at ang lupang uháw ay magiging gaya ng mga bukal ng tubig.+ Sa dakong tinatahanan ng mga chakal,+ na siyang kanilang pahingahang-dako, ay magkakaroon ng luntiang damo kasama ng mga tambo at mga halamang papiro.+
8 At magkakaroon nga roon ng isang lansangang-bayan,+ isa ngang daan; at iyon ay tatawaging Daan ng Kabanalan.+ Ang marumi ay hindi daraan doon.+ At iyon ay magiging para sa kaniya na lumalakad sa daan, at walang mangmang na maliligaw roon.
9 Hindi magkakaroon doon ng leon, at ang ganid na uri ng mababangis na hayop ay hindi sasampa roon.+ Walang masusumpungan doon;+ at ang mga tinubos ay doon lalakad.+
10 At ang mismong mga tinubos ni Jehova ay babalik+ at paroroon nga sa Sion na may hiyaw ng kagalakan;+ at ang pagsasaya hanggang sa panahong walang takda ay mapapasakanilang ulo.+ Ang pagbubunyi at pagsasaya ay makakamtan nila, at ang pamimighati at pagbubuntunghininga ay mapaparam.+