Isaias 36:1-22
36 Nangyari nga nang ikalabing-apat na taon ni Haring Hezekias, si Senakerib+ na hari ng Asirya+ ay sumampa laban sa lahat ng nakukutaang lunsod ng Juda at sinakop ang mga iyon.+
2 At sa kalaunan ay isinugo ng hari ng Asirya si Rabsases+ mula sa Lakis+ sa Jerusalem,+ kay Haring Hezekias, kasama ang isang makapal na hukbong militar, at siya ay tumayo sa may padaluyan+ ng mataas na tipunang-tubig+ sa lansangang-bayan ng parang ng tagapaglaba.+
3 Nang magkagayon ay nilabas siya ni Eliakim+ na anak ni Hilkias, na namamahala sa sambahayan, at ni Sebna+ na kalihim at ni Joa+ na anak ni Asap+ na tagapagtala.+
4 At sinabi ni Rabsases sa kanila: “Pakisuyo, sabihin ninyo kay Hezekias, ‘Ito ang sinabi ng dakilang hari,+ ang hari ng Asirya:+ “Ano ang pag-asang ito na pinagtitiwalaan mo?+
5 Sinabi mo (ngunit iyon ay salita ng mga labi), ‘May panukala at kalakasan para sa digmaan.’+ Ngayon ay kanino ka naglagak ng tiwala, anupat naghihimagsik ka laban sa akin?+
6 Narito! Nagtitiwala ka sa pagsuhay ng lamog na tambong ito,+ sa Ehipto,+ na kung sasandig doon ang isang tao ay tiyak na tutusok iyon sa kaniyang palad at uulusin ito. Ganiyan si Paraon+ na hari ng Ehipto sa lahat ng naglalagak sa kaniya ng kanilang tiwala.+
7 At kung sasabihin mo sa akin, ‘Si Jehova na aming Diyos ang siya naming pinagtitiwalaan,’ hindi ba sa kaniya ang matataas na dako+ at ang mga altar na inalis ni Hezekias,+ samantalang sinasabi niya sa Juda at sa Jerusalem, ‘Sa harap ng altar na ito kayo dapat yumukod’?” ’+
8 Ngayon nga ay makipagpustahan ka,+ pakisuyo, sa panginoon kong hari ng Asirya,+ at bibigyan kita ng dalawang libong kabayo upang tingnan kung ikaw, sa ganang iyo, ay makapaglalagay ng mga sasakay sa mga iyon.+
9 Paano mo nga maitatalikod ang mukha ng isang gobernador ng pinakamaliliit na lingkod ng aking panginoon,+ gayong ikaw, sa ganang iyo, ay naglalagak ng iyong tiwala sa Ehipto para sa mga karo at para sa mga mangangabayo?+
10 At ngayon ay wala bang kapahintulutan mula kay Jehova ang pagsampa ko laban sa lupaing ito upang ito ay wasakin? Si Jehova ang nagsabi sa akin,+ ‘Umahon ka laban sa lupaing ito, at wasakin mo ito.’ ”+
11 Dahil dito ay sinabi nina Eliakim+ at Sebna+ at Joa+ kay Rabsases:+ “Pakisuyo, magsalita ka sa iyong mga lingkod sa wikang Siryano,+ sapagkat nakikinig kami; at huwag kang magsalita sa amin sa wika ng mga Judio+ sa pandinig ng mga taong nasa pader.”+
12 Ngunit sinabi ni Rabsases: “Sa iyong panginoon ba at sa iyo ako isinugo ng aking panginoon upang salitain ang mga salitang ito? Hindi ba sa mga lalaking nakaupo sa ibabaw ng pader, upang kainin nila ang kanilang sariling dumi at inumin ang kanilang sariling ihi kasama ninyo?”+
13 At si Rabsases ay nanatiling nakatayo+ at sumigaw sa malakas na tinig sa wika ng mga Judio,+ at siya ay nagsabi: “Dinggin ninyo ang mga salita ng dakilang hari, ang hari ng Asirya.+
14 Ito ang sinabi ng hari, ‘Huwag kayong magpalinlang kay Hezekias,+ sapagkat hindi niya kayo kayang iligtas.+
15 At huwag ninyong hayaang pagtiwalain kayo ni Hezekias kay Jehova,+ na sinasabi: “Tiyak na ililigtas tayo ni Jehova.+ Ang lunsod na ito ay hindi ibibigay sa kamay ng hari ng Asirya.”+
16 Huwag kayong makinig kay Hezekias, sapagkat ito ang sinabi ng hari ng Asirya: “Makipagkasundo kayong sumuko sa akin+ at labasin ninyo ako at kumain ang bawat isa mula sa kaniyang sariling punong ubas at ang bawat isa mula sa kaniyang sariling puno ng igos+ at inumin ng bawat isa ang tubig ng kaniyang sariling imbakang-tubig,+
17 hanggang sa dumating ako at dalhin nga kayo sa isang lupaing gaya ng inyong sariling lupain,+ isang lupain ng butil at bagong alak, isang lupain ng tinapay at mga ubasan;
18 upang hindi kayo mahikayat ni Hezekias,+ na sinasabi, ‘Si Jehova ang magliligtas sa atin.’ Nailigtas ba ng mga diyos ng mga bansa ang kani-kaniyang lupain mula sa kamay ng hari ng Asirya?+
19 Nasaan ang mga diyos ng Hamat+ at ng Arpad?+ Nasaan ang mga diyos ng Separvaim?+ At nailigtas ba nila ang Samaria mula sa aking kamay?+
20 Sino sa lahat ng mga diyos ng mga lupaing ito ang nakapagligtas ng kanilang lupain mula sa aking kamay+ anupat maililigtas ni Jehova ang Jerusalem mula sa aking kamay?” ’ ”+
21 At sila ay nanatiling tahimik at hindi sumagot sa kaniya ng isa mang salita,+ dahil sa utos ng hari, na nagsasabi: “Huwag ninyo siyang sagutin.”+
22 Ngunit si Eliakim+ na anak ni Hilkias, na namamahala sa sambahayan,+ at si Sebna+ na kalihim at si Joa+ na anak ni Asap na tagapagtala ay pumaroon kay Hezekias na hapak ang kanilang mga kasuutan,+ at sinabi sa kaniya ang mga salita ni Rabsases.+