Isaias 66:1-24
66 Ito ang sinabi ni Jehova: “Ang langit ay aking trono,+ at ang lupa ay aking tuntungan.+ Nasaan nga ang bahay na maitatayo ninyo para sa akin,+ at nasaan nga ang dako na magiging aking pahingahang-dako?”+
2 “Ang lahat nga ng mga bagay na ito ay ginawa ng aking kamay, anupat umiral ang lahat ng ito,”+ ang sabi ni Jehova. “Sa isang ito, kung gayon, ay titingin ako, sa isa na napipighati at may espiritu ng pagsisisi+ at nanginginig sa aking salita.+
3 “Ang pumapatay ng toro ay gaya niyaong nagpapabagsak ng tao.+ Ang naghahain ng tupa ay gaya niyaong bumabali ng leeg ng aso.+ Ang naghahandog ng kaloob—ng dugo ng baboy!+ Ang naghahain ng pang-alaalang olibano+ ay gaya niyaong bumibigkas ng pagpapala sa pamamagitan ng mahihiwagang salita.+ Sila rin yaong mga pumipili ng kanilang sariling mga lakad, at sa kanilang mga kasuklam-suklam na bagay ay nalulugod ang kanilang kaluluwa.+
4 Ako naman ay pipili ng mga paraan ng pagmamalupit sa kanila;+ at ang mga bagay na nakatatakot sa kanila ay pasasapitin ko sa kanila;+ sa dahilang tumawag ako, ngunit walang sinumang sumasagot; nagsalita ako, ngunit walang sinumang nakinig;+ at patuloy silang gumagawa ng masama sa aking paningin, at ang bagay na hindi ko kinalugdan ang pinili nila.”+
5 Dinggin ninyo ang salita ni Jehova, ninyong mga nanginginig sa kaniyang salita:+ “Ang inyong mga kapatid na napopoot sa inyo,+ na nagtatakwil sa inyo dahil sa aking pangalan,+ ay nagsabi, ‘Luwalhatiin nawa si Jehova!’+ Siya ay magpapakita rin na may pagsasaya sa ganang inyo,+ at sila ang malalagay sa kahihiyan.”+
6 May ingay ng kaguluhan mula sa lunsod, isang tinig mula sa templo!+ Iyon ang tinig ni Jehova na gumaganti ng nararapat sa kaniyang mga kaaway.+
7 Bago siya magsimulang magkaroon ng mga kirot ng pagdaramdam ay nagsilang siya.+ Bago pa dumating sa kaniya ang mga hapdi ng panganganak, nagluwal na nga siya ng isang batang lalaki.+
8 Sino ang nakarinig ng ganitong bagay?+ Sino ang nakakita ng ganitong mga bagay?+ Ang isang lupain+ ba ay iluluwal na may mga kirot ng pagdaramdam sa isang araw?+ O ang isang bansa+ ba ay ipanganganak sa isang pagkakataon?+ Sapagkat ang Sion ay nagkaroon ng mga kirot ng pagdaramdam at nagsilang din ng kaniyang mga anak.
9 “Kung tungkol sa akin, pangyayarihin ko bang bumukas ang bahay-bata at hindi pangyayarihing maipanganak?”+ ang sabi ni Jehova. “O pinangyayari ko bang maipanganak at pinagsasara ko naman?” ang sabi ng iyong Diyos.
10 Makipagsaya kayo sa Jerusalem at makigalak kayo sa kaniya,+ kayong lahat na umiibig sa kaniya.+ Lubusan kayong makipagbunyi sa kaniya, kayong lahat na patuloy na nagdadalamhati dahil sa kaniya;+
11 sa dahilang kayo ay sususo at tiyak na mabubusog mula sa suso ng lubos na kaaliwan sa kaniya; sa dahilang kayo ay sisipsip at magtatamasa ng masidhing kaluguran mula sa utong ng kaniyang kaluwalhatian.+
12 Sapagkat ito ang sinabi ni Jehova: “Narito, maggagawad ako sa kaniya ng kapayapaan na parang ilog+ at ng kaluwalhatian ng mga bansa na parang humuhugos na ilog,+ at kayo ay tiyak na sususo.+ Sa tagiliran ay bubuhatin kayo, at sa ibabaw ng mga tuhod ay hahaplusin kayo.+
13 Tulad ng isang tao na patuloy na inaaliw ng kaniyang sariling ina, gayon ko kayo patuloy na aaliwin;+ at may kinalaman sa Jerusalem ay maaaliw kayo.+
14 At tiyak na makikita ninyo, at ang inyong puso ay magbubunyi,+ at ang inyo mismong mga buto+ ay sisibol na gaya ng murang damo.+ At ang kamay ni Jehova ay tiyak na mahahayag sa kaniyang mga lingkod,+ ngunit tutuligsain nga niya ang kaniyang mga kaaway.”+
15 “Sapagkat narito, si Jehova ay dumarating na parang apoy,+ at ang kaniyang mga karo ay gaya ng bagyong hangin,+ upang iganti ang kaniyang galit na may matinding pagngangalit at ang kaniyang pagsaway na may mga liyab ng apoy.+
16 Sapagkat gaya ng apoy si Jehova ay talagang makikipagtalo, oo, taglay ang kaniyang tabak,+ laban sa lahat ng laman; at ang mapapatay ni Jehova ay tiyak na marami.+
17 Yaong mga nagpapabanal ng kanilang sarili at naglilinis ng kanilang sarili para sa mga hardin+ sa likuran ng isa na nasa gitna, na kumakain ng karne ng baboy+ at ng karima-rimarim na bagay, maging ng lumuluksong daga,+ silang lahat ay magkakasamang sasapit sa kanilang kawakasan,” ang sabi ni Jehova.
18 “At may kinalaman sa kanilang mga gawa+ at sa kanilang mga kaisipan,+ ako ay darating upang tipunin ang lahat ng mga bansa at mga wika;+ at paririto nga sila at makikita nila ang aking kaluwalhatian.”+
19 “At maglalagay ako sa gitna nila ng isang tanda,+ at ang iba roon sa mga nakatakas ay isusugo ko sa mga bansa,+ sa Tarsis,+ Pul, at Lud,+ yaong mga humahawak ng busog, Tubal at Javan,+ ang malalayong pulo,+ na hindi pa nakaririnig ng ulat tungkol sa akin o nakakakita ng aking kaluwalhatian;+ at tiyak na ipahahayag nila ang tungkol sa aking kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa.+
20 At dadalhin nga nila ang lahat ng inyong mga kapatid mula sa lahat ng mga bansa+ bilang kaloob kay Jehova,+ na sakay ng mga kabayo at ng mga karo at ng mga may-takip na karwahe at ng mga mula at ng mga matuling kamelyong babae,+ hanggang sa aking banal na bundok,+ ang Jerusalem,” ang sabi ni Jehova, “gaya noon nang ang kaloob na nasa malinis na sisidlan ay dinadala ng mga anak ni Israel sa bahay ni Jehova.”+
21 “At mula rin sa kanila ay kukuha ako ng ilan para sa mga saserdote, para sa mga Levita,” ang sabi ni Jehova.
22 “Sapagkat kung paanong ang mga bagong langit+ at ang bagong lupa+ na aking ginagawa ay nananatili sa harap ko,”+ ang sabi ni Jehova, “gayon patuloy na mananatili ang supling ninyo+ at ang pangalan ninyo.”+
23 “At tiyak na mangyayari na mula sa bagong buwan hanggang sa bagong buwan at mula sa sabbath hanggang sa sabbath ay paroroon ang lahat ng laman upang yumukod sa harap ko,”+ ang sabi ni Jehova.
24 “At sila ay yayaon at titingin sa mga bangkay ng mga taong sumalansang laban sa akin;+ sapagkat ang mismong mga uod na nasa kanila ay hindi mamamatay at ang kanilang apoy ay hindi papatayin,+ at sila ay magiging bagay na nakapandidiri sa lahat ng laman.”+