Malakias 4:1-6
4 “Sapagkat, narito! ang araw ay dumarating na nagniningas na parang hurno,+ at ang lahat ng pangahas at ang lahat ng gumagawa ng kabalakyutan ay magiging tulad ng pinaggapasan.+ At lalamunin nga sila niyaong araw na dumarating,” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, “anupat hindi iyon mag-iiwan sa kanila ng ugat man o sanga.+
2 At sa inyo na natatakot sa aking pangalan ay sisikat ang araw ng katuwiran,+ na may kagalingan sa mga pakpak nito;+ at kayo ay lalabas at dadamba sa lupa na parang mga pinatabang guya.”+
3 “At yayapakan ninyo ang mga balakyot, sapagkat sila ay magiging gaya ng alabok sa ilalim ng mga talampakan ng inyong mga paa sa araw ng aking pagkilos,”+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
4 “Alalahanin ninyo ang kautusan ni Moises na aking lingkod na iniutos ko sa kaniya sa Horeb may kinalaman sa buong Israel, na mga tuntunin at mga hudisyal na pasiya.+
5 “Narito! Isinusugo ko sa inyo si Elias na propeta+ bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.+
6 At ang puso ng mga ama ay ipanunumbalik niya sa mga anak, at ang puso naman ng mga anak sa mga ama; upang hindi ako dumating at saktan ko nga ang lupa sa pamamagitan ng pagtatalaga nito sa pagkapuksa.”+