Marcos 1:1-45
1 Ang pasimula ng mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo:
2 Gaya ng nakasulat sa Isaias na propeta: “(Narito! Isinusugo ko ang aking mensahero sa harap ng iyong mukha, na maghahanda ng iyong daan;)+
3 makinig kayo! may sumisigaw sa ilang, ‘Ihanda ninyo ang daan ni Jehova, tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas,’ ”+
4 si Juan na tagapagbautismo ay dumating sa ilang, na nangangaral ng bautismo bilang sagisag ng pagsisisi ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan.+
5 Dahil dito ay lumabas patungo sa kaniya ang buong teritoryo ng Judea at ang lahat ng mga nananahanan sa Jerusalem, at sila ay binautismuhan niya sa Ilog Jordan, na hayagang nagtatapat ng kanilang mga kasalanan.+
6 Ngayon si Juan ay nadaramtan ng balahibo ng kamelyo at may pamigkis na katad sa kaniyang mga balakang,+ at kumakain ng mga kulisap na balang+ at pulot-pukyutang ligáw.+
7 At nangangaral siya, na nagsasabi: “Dumarating na kasunod ko ang isang mas malakas kaysa sa akin; hindi ako nararapat yumuko at magkalag ng mga sintas ng kaniyang mga sandalyas.+
8 Binautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babautismuhan niya kayo sa banal na espiritu.”+
9 At nangyari nang mga araw na iyon, si Jesus ay dumating mula sa Nazaret ng Galilea at binautismuhan ni Juan sa Jordan.+
10 At kaagad pagkaahon mula sa tubig ay nakita niya ang langit na nahahawi, at, tulad ng isang kalapati, ang espiritu na bumababa sa kaniya;+
11 at isang tinig ang nanggaling sa langit: “Ikaw ang aking Anak, ang minamahal; ikaw ay aking sinang-ayunan.”+
12 At kaagad ay inudyukan siya ng espiritu na pumaroon sa ilang.+
13 Kaya nanatili siya sa ilang nang apatnapung araw,+ na tinutukso ni Satanas,+ at kasama siya ng maiilap na hayop, ngunit pinaglilingkuran siya ng mga anghel.+
14 Ngayon pagkatapos na maaresto si Juan ay pumaroon si Jesus sa Galilea,+ na ipinangangaral ang mabuting balita ng Diyos+
15 at sinasabi: “Ang takdang panahon ay natupad na,+ at ang kaharian ng Diyos ay malapit na. Magsisi na kayo,+ at magkaroon kayo ng pananampalataya sa mabuting balita.”
16 Samantalang naglalakad sa tabi ng dagat ng Galilea ay nakita niya si Simon+ at si Andres na kapatid ni Simon na naghahagis ng kanilang mga lambat sa dagat, sapagkat sila ay mga mangingisda.+
17 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: “Sumunod kayo sa akin, at pangyayarihin ko kayong maging mga mangingisda ng mga tao.”+
18 At karaka-raka nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kaniya.+
19 At paglayo nang kaunti pa ay nakita niya si Santiago na anak ni Zebedeo at si Juan na kaniyang kapatid, samantalang sila nga ay nasa kanilang bangka na naghahayuma ng kanilang mga lambat;+
20 at walang pagpapaliban niya silang tinawag. Iniwan naman nila sa bangka ang kanilang amang si Zebedeo kasama ng mga taong upahan at umalis na kasunod niya.
21 At pumasok sila sa Capernaum.+
Kaagad-agad nang sabbath ay pumasok siya sa sinagoga at nagsimulang magturo.
22 At lubha silang namangha sa kaniyang paraan ng pagtuturo,+ sapagkat doon ay nagtuturo siya sa kanila na gaya ng isang may awtoridad, at hindi gaya ng mga eskriba.+
23 Gayundin, nang mismong oras na iyon ay naroon sa kanilang sinagoga ang isang tao na nasa ilalim ng kapangyarihan ng isang maruming espiritu, at sumigaw siya,+
24 na nagsasabi: “Ano ang kinalaman namin sa iyo, Jesus ikaw na Nazareno?+ Pumarito ka ba upang puksain kami? Kilala+ ko kung sino ka talaga, ang Banal+ ng Diyos.”+
25 Ngunit sinaway ito ni Jesus, na sinasabi: “Tumahimik ka, at lumabas ka sa kaniya!”+
26 At ang maruming espiritu, pagkatapos na pangisayin siya at humiyaw sa sukdulan ng tinig nito, ay lumabas sa kaniya.+
27 Buweno, ang lahat ng mga tao ay lubhang nanggilalas anupat nagsimula silang magtalo sa isa’t isa, na nagsasabi: “Ano ito? Isang bagong turo! May-awtoridad niyang inuutusan maging ang maruruming espiritu, at sinusunod nila siya.”+
28 Kaya ang ulat tungkol sa kaniya ay lumaganap kaagad sa lahat ng direksiyon sa buong nakapalibot na lupain na nasa Galilea.+
29 At kaagad silang lumabas sa sinagoga at pumaroon sa tahanan nina Simon+ at Andres na kasama sina Santiago at Juan.
30 Ngayon ang biyenang babae ni Simon+ ay nakahiga at nilalagnat,+ at karaka-raka nilang sinabihan siya tungkol sa kaniya.
31 At paglapit sa kaniya ay ibinangon niya siya, na hinahawakan siya sa kamay; at iniwan siya ng lagnat,+ at siya ay nagsimulang maglingkod sa kanila.+
32 Pagsapit ng gabi, nang lumubog na ang araw, pinasimulang dalhin sa kaniya ng mga tao ang lahat niyaong mga may karamdaman+ at yaong mga inaalihan ng demonyo;+
33 at ang buong lunsod ay natipon sa mismong pintuan.
34 Kaya pinagaling niya ang marami na may dinaramdam na iba’t ibang sakit,+ at nagpalayas siya ng maraming demonyo, ngunit hindi niya pinahintulutang magsalita ang mga demonyo, sapagkat alam nilang siya ang Kristo.+
35 At maaga sa kinaumagahan, samantalang madilim pa, siya ay bumangon at lumabas at umalis patungo sa isang liblib na dako,+ at doon ay nagsimula siyang manalangin.+
36 Gayunman, hinanap siya ni Simon at niyaong mga kasama niya
37 at nasumpungan siya, at sinabi nila sa kaniya: “Ang lahat ay naghahanap sa iyo.”
38 Ngunit sinabi niya sa kanila: “Pumunta tayo sa ibang dako, sa kalapit na maliliit na bayan, upang makapangaral+ din ako roon, sapagkat sa layuning ito ako lumabas.”+
39 At pumaroon nga siya, na nangangaral sa kanilang mga sinagoga sa buong Galilea at nagpapalayas ng mga demonyo.+
40 May lumapit din sa kaniya na isang ketongin, na nakaluhod pa man ding namamanhik sa kaniya, na sinasabi sa kaniya: “Kung ibig mo lamang, mapalilinis mo ako.”+
41 Sa gayon ay nahabag siya,+ at iniunat niya ang kaniyang kamay at hinipo siya, at sinabi sa kaniya: “Ibig ko. Luminis ka.”+
42 At kaagad na naglaho sa kaniya ang ketong, at siya ay naging malinis.+
43 Karagdagan pa, binigyan niya siya ng mahigpit na utos at karaka-rakang pinaalis siya,
44 at sinabi sa kaniya: “Tiyakin mong huwag sabihin kaninuman ang anumang bagay, ngunit humayo ka at magpakita ka sa saserdote+ at maghandog ka ng mga bagay na iniutos ni Moises para sa paglilinis sa iyo,+ bilang patotoo sa kanila.”+
45 Ngunit pagkaalis ay pinasimulan ng lalaki na ihayag ito nang lubusan at ipalaganap ang ulat, anupat si Jesus ay hindi na makapasok nang lantaran sa lunsod, kundi nanatili siya sa labas sa mga liblib na dako. Gayunma’y patuloy silang pumaparoon sa kaniya mula sa lahat ng panig.+