Marcos 11:1-33
11 Ngayon nang papalapit na sila sa Jerusalem, sa Betfage at Betania+ sa Bundok ng mga Olibo, isinugo niya ang dalawa sa kaniyang mga alagad+
2 at sinabi sa kanila: “Pumaroon kayo sa nayon na abot-tanaw ninyo, at sa sandaling makapasok kayo roon ay masusumpungan ninyo ang isang bisiro na nakatali, na hindi pa nauupuan ng sinuman sa sangkatauhan; kalagan ninyo iyon at dalhin.+
3 At kung ang sinuman ay magsabi sa inyo, ‘Bakit ninyo ito ginagawa?’ sabihin ninyo, ‘Kailangan ito ng Panginoon, at karaka-rakang ipadadala iyon dito.’ ”+
4 Kaya umalis sila at nasumpungan ang bisiro na nakatali sa may pintuan, sa labas na nasa tabing lansangan, at kinalagan nila ito.+
5 Ngunit ang ilan sa mga nakatayo roon ay nagsimulang magsabi sa kanila: “Ano ang ginagawa ninyo na kinakalagan ang bisiro?”+
6 Sinabi nila sa mga ito ang gaya ng sinabi ni Jesus; at hinayaan nila silang makaalis.+
7 At dinala nila kay Jesus ang bisiro,+ at ipinatong nila rito ang kanilang mga panlabas na kasuutan, at inupuan niya ito.+
8 Gayundin, inilatag ng marami ang kanilang mga panlabas na kasuutan+ sa daan, ngunit ang iba ay pumutol ng madahong mga sanga+ mula sa mga parang.+
9 At yaong mga nauuna at yaong mga sumusunod sa likuran ay patuloy na sumisigaw: “Magligtas ka, aming dalangin!+ Pinagpala siya na dumarating sa pangalan ni Jehova!+
10 Pinagpala ang dumarating na kaharian ng ating amang si David!+ Magligtas ka, aming dalangin, sa kaitaasan!”
11 At pumasok siya sa Jerusalem, sa templo; at tumingin siya sa palibot sa lahat ng mga bagay, at, palibhasa’y malalim na ang oras, lumabas siya patungong Betania kasama ang labindalawa.+
12 Nang sumunod na araw, nang makalabas na sila mula sa Betania, siya ay nagutom.+
13 At mula sa malayo ay nakita niya ang isang puno ng igos na may mga dahon, at lumapit siya upang tingnan kung may masusumpungan siya ritong anuman. Ngunit, pagdating doon, wala siyang nasumpungang anuman kundi mga dahon, sapagkat hindi kapanahunan ng mga igos.+
14 Kaya, bilang tugon, sinabi niya rito: “Huwag nang kumain pa ang sinuman ng bunga mula sa iyo magpakailanman.”+ At nakikinig ang kaniyang mga alagad.
15 Ngayon ay dumating na sila sa Jerusalem. Doon ay pumasok siya sa templo at pinasimulang palayasin yaong mga nagtitinda at bumibili sa templo, at itinaob niya ang mga mesa ng mga tagapagpalit ng salapi at ang mga bangkô niyaong mga nagtitinda ng mga kalapati;+
16 at hindi niya pinahintulutang ang sinuman ay magdala ng kagamitan sa templo,
17 kundi patuloy siyang nagtuturo at nagsasabi: “Hindi ba nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan+ para sa lahat ng mga bansa’?+ Ngunit ginawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw.”+
18 At narinig ito ng mga punong saserdote at ng mga eskriba, at nagsimula silang maghanap ng paraan kung paano siya papatayin;+ sapagkat natatakot sila sa kaniya, sapagkat ang buong pulutong ay namamangha pa rin nang lubha sa kaniyang turo.+
19 At kapag gumagabi na, sila ay lumalabas sa lunsod.
20 Ngunit nang dumaraan sila nang maaga sa kinaumagahan, nakita nila ang puno ng igos na lanta na mula sa mga ugat.+
21 Kaya si Pedro, nang maalaala ito, ay nagsabi sa kaniya: “Rabbi, tingnan mo! ang puno ng igos na isinumpa mo ay lanta na.”+
22 At bilang tugon ay sinabi ni Jesus sa kanila: “Magkaroon kayo ng pananampalataya sa Diyos.
23 Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang sinumang magsabi sa bundok na ito, ‘Mabuhat ka at mapatapon sa dagat,’ at hindi nag-aalinlangan sa kaniyang puso kundi may pananampalataya na ang sinasabi niya ay magaganap, magkakatotoo iyon sa kaniya.+
24 Ito ang dahilan kung bakit ko sinasabi sa inyo, Sa lahat ng mga bagay na inyong ipinapanalangin at hinihingi ay magkaroon kayo ng pananampalataya na parang tinanggap na ninyo, at kakamtin ninyo ang mga ito.+
25 At kapag kayo ay nakatayong nananalangin, ipagpatawad+ ninyo ang anumang mayroon kayo laban sa kaninuman; upang patawarin din kayo ng inyong Ama na nasa langit sa inyong mga pagkakamali.”+
26 ——
27 At muli silang pumaroon sa Jerusalem. At habang naglalakad siya sa templo, ang mga punong saserdote at ang mga eskriba at ang matatandang lalaki ay lumapit sa kaniya+
28 at nagsimulang magsabi sa kaniya: “Sa anong awtoridad ginagawa mo ang mga bagay na ito? o sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na ito upang gawin ang mga bagay na ito?”+
29 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Tatanungin ko kayo ng isang tanong. Sagutin ninyo ako, at sasabihin ko rin sa inyo kung sa anong awtoridad ginagawa ko ang mga bagay na ito.+
30 Ang bautismo+ ba ni Juan ay mula sa langit o mula sa mga tao? Sagutin ninyo ako.”+
31 Sa gayon ay nagsimula silang mangatuwiran sa kani-kanilang sarili, na nagsasabi: “Kung sasabihin natin, ‘Mula sa langit,’ sasabihin niya, ‘Kung gayon, bakit nga hindi kayo naniwala sa kaniya?’+
32 Ngunit mangangahas ba tayong magsabi, ‘Mula sa mga tao’?”—Natatakot sila sa pulutong, sapagkat itinuring ng lahat ng mga ito na si Juan ay tunay ngang isang propeta.+
33 Buweno, bilang tugon kay Jesus ay sinabi nila: “Hindi namin alam.” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong awtoridad ginagawa ko ang mga bagay na ito.”+