Marcos 16:1-20
16 Kaya nang makalipas na ang sabbath,+ si Maria Magdalena,+ at si Maria na ina ni Santiago, at si Salome ay bumili ng mga espesya upang pumaroon at langisan siya.+
2 At maagang-maaga noong unang araw+ ng sanlinggo ay pumaroon sila sa alaalang libingan, nang sumikat na ang araw.+
3 At sinasabi nila sa isa’t isa: “Sino ang magpapagulong ng bato mula sa pinto ng alaalang libingan para sa atin?”
4 Ngunit nang tumingin sila, nakita nilang naigulong na ang bato, bagaman napakalaki nito.+
5 Nang pumasok sila sa alaalang libingan, nakita nila ang isang kabataang lalaki na nakaupo sa gawing kanan na nadaramtan ng isang mahabang damit na puti, at natigilan sila.+
6 Sinabi niya sa kanila: “Huwag na kayong matigilan. Hinahanap ninyo si Jesus na Nazareno, na ibinayubay.+ Ibinangon siya,+ wala siya rito. Tingnan ninyo! Ang dakong pinaglagyan nila sa kaniya.+
7 Ngunit humayo kayo, sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad at kay Pedro, ‘Siya ay nauuna na sa inyo sa Galilea;+ doon ninyo siya makikita, gaya ng sinabi niya sa inyo.’ ”+
8 Kaya paglabas nila ay tumakbo sila mula sa alaalang libingan, sapagkat pinananaigan sila ng panginginig at masidhing damdamin. At wala silang pinagsabihan ng anuman, sapagkat natatakot sila.+
MAIKLING KONKLUSYON
Ang ilang huling mga manuskrito at mga bersiyon ay may maikling konklusyon pagkatapos ng Marcos 16:8, gaya ng sumusunod:
Ngunit ang lahat ng mga bagay na ipinag-utos ay inilahad nila nang maikli doon sa mga nasa palibot ni Pedro. Karagdagan pa, pagkatapos ng mga bagay na ito, si Jesus mismo ay nagpadala sa pamamagitan nila ng banal at walang-kasiraang paghahayag ng walang-hanggang kaligtasan mula sa silangan hanggang sa kanluran.
MAHABANG KONKLUSYON
Idinagdag ng ilang sinaunang mga manuskrito (Codex Alexandrinus, Codex Ephraemi, Codex Bezae) at mga bersiyon (Latin Vulgate, Curetonian Syriac, Syriac Peshitta) ang sumusunod na mahabang konklusyon, na wala sa Codex Sinaiticus, Codex Vaticanus, sa Sinaitic Syriac codex, at sa Armenian Version:
9 Pagkabangon niya nang maaga noong unang araw ng sanlinggo ay nagpakita muna siya kay Maria Magdalena, na mula rito ay nagpalayas siya ng pitong demonyo.
10 Ito ay humayo at nag-ulat doon sa mga nakasama niya, samantalang sila ay nagdadalamhati at tumatangis.
11 Ngunit sila, nang marinig nilang nabuhay siya at nakita nito, ay hindi naniwala.
12 Bukod diyan, pagkatapos ng mga bagay na ito ay nagpakita siya sa iba pang anyo sa dalawa sa kanila na naglalakad, samantalang sila ay papunta sa lalawigan;
13 at bumalik sila at nag-ulat sa iba. Hindi rin naman nila pinaniwalaan ang mga ito.
14 Ngunit sa kalaunan ay nagpakita siya sa labing-isa mismo samantalang nakahilig sila sa mesa, at pinagwikaan niya ang kanilang kawalan ng pananampalataya at katigasan ng puso, sapagkat hindi nila pinaniwalaan yaong mga nakakita sa kaniya na ibinangon na ngayon mula sa mga patay.
15 At sinabi niya sa kanila: “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ang mabuting balita sa lahat ng nilalang.
16 Siya na naniniwala at mabautismuhan ay maliligtas, ngunit siya na hindi naniniwala ay hahatulan.
17 Karagdagan pa, ang mga tandang ito ay lalakip doon sa mga naniniwala: Sa pamamagitan ng paggamit ng aking pangalan ay magpapalayas sila ng mga demonyo, magsasalita sila ng mga wika,
18 at pupulutin nila ng kanilang mga kamay ang mga serpiyente, at kung iinom sila ng anumang nakamamatay ay hindi ito makapananakit sa kanila sa paanuman. Ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga taong may sakit, at ang mga ito ay gagaling.”
19 Kaya nga, ang Panginoong Jesus, pagkatapos na magsalita sa kanila, ay kinuhang paitaas sa langit at umupo sa kanan ng Diyos.
20 Alinsunod dito, umalis sila at nangaral sa lahat ng dako, samantalang gumagawang kasama nila ang Panginoon at pinagtitibay ang mensahe sa pamamagitan ng kalakip na mga tanda.