Marcos 3:1-35
3 Minsan pa ay pumasok siya sa isang sinagoga, at naroon ang isang lalaki na may tuyot na kamay.+
2 Kaya maingat nila siyang binabantayan upang makita kung pagagalingin niya ang lalaki sa sabbath, nang sa gayon ay maakusahan nila siya.+
3 At sinabi niya sa lalaki na may tuyot na kamay: “Tumindig ka at pumunta ka sa gitna.”
4 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila: “Kaayon ba ng kautusan na kapag sabbath ay gumawa ng isang mabuting gawa o gumawa ng isang masamang gawa, na magligtas o pumatay ng kaluluwa?”+ Ngunit nanatili silang tahimik.
5 At pagkatingin sa kanila sa palibot na may pagkagalit, palibhasa’y lubusang napighati dahil sa pagkamanhid ng kanilang mga puso,+ sinabi niya sa lalaki: “Iunat mo ang iyong kamay.” At iniunat niya ito, at ang kaniyang kamay ay nanauli.+
6 Sa gayon ay lumabas ang mga Pariseo at kaagad na nagsimulang makipagsanggunian sa mga tagasunod sa partido ni Herodes+ laban sa kaniya, upang patayin siya.+
7 Ngunit umalis si Jesus kasama ng kaniyang mga alagad patungo sa dagat; at isang malaking karamihan mula sa Galilea at mula sa Judea ang sumunod sa kaniya.+
8 Maging mula sa Jerusalem at mula sa Idumea at mula sa kabila ng Jordan at sa palibot ng Tiro+ at Sidon, isang malaking karamihan, sa pagkarinig sa lahat ng mga bagay na ginagawa niya, ang pumaroon sa kaniya.
9 At sinabi niya sa kaniyang mga alagad na maghanda ng isang maliit na bangka na lagi niyang magagamit upang hindi siya siksikin ng pulutong.
10 Sapagkat marami siyang pinagaling, at ang resulta nito ay dumagsa sa kaniya ang lahat niyaong mga may nakapipighating karamdaman upang hipuin siya.+
11 Maging ang maruruming espiritu,+ kailanma’t makita nila siya, ay nagpapatirapa sa harap niya at sumisigaw, na nagsasabi: “Ikaw ang Anak ng Diyos.”+
12 Ngunit maraming ulit na mahigpit niya silang inutusan na huwag siyang ipamalita.+
13 At umakyat siya sa isang bundok at tinawag yaong mga ibig niya,+ at pumaroon sila sa kaniya.+
14 At bumuo siya ng isang pangkat ng labindalawa, na tinawag din niyang “mga apostol,” nang sa gayon ay makapanatili silang kasama niya at nang sa gayon ay maisugo niya sila upang mangaral+
15 at upang magkaroon ng awtoridad na magpalayas ng mga demonyo.+
16 At ang pangkat ng labindalawa na binuo niya ay si Simon, na binigyan din niya ng huling pangalang Pedro,+
17 at si Santiago na anak ni Zebedeo at si Juan na kapatid ni Santiago+ (binigyan din niya ang mga ito ng huling pangalang Boanerges, na nangangahulugang Mga Anak ng Kulog),
18 at si Andres at si Felipe at si Bartolome at si Mateo at si Tomas at si Santiago na anak ni Alfeo at si Tadeo at si Simon na Cananeo
19 at si Hudas Iscariote, na nang maglaon ay nagkanulo sa kaniya.+
At pumasok siya sa isang bahay.
20 Minsan pang naipon ang pulutong, anupat hindi man lamang sila makakain.+
21 Ngunit nang marinig ng kaniyang mga kamag-anak+ ang tungkol dito, lumabas sila upang pigilan siya, sapagkat sinabi nila: “Nasisiraan na siya ng kaniyang isip.”+
22 Gayundin, ang mga eskriba na bumaba mula sa Jerusalem ay nagsabi: “Nasa kaniya si Beelzebub, at pinalalayas niya ang mga demonyo sa pamamagitan ng tagapamahala ng mga demonyo.”+
23 Kaya, pagkatawag niya sa kanila, pinasimulan niyang sabihin sa kanila sa pamamagitan ng mga ilustrasyon: “Paano mapalalayas ni Satanas si Satanas?
24 Aba, kung ang isang kaharian ay nababahagi laban sa kaniyang sarili, ang kahariang iyon ay hindi makatatayo;+
25 at kung ang isang sambahayan ay nababahagi laban sa kaniyang sarili, ang sambahayang iyon ay hindi makatatayo.+
26 Gayundin, kung si Satanas ay tumindig laban sa kaniyang sarili at mabahagi, hindi siya makatatayo, kundi hahantong sa isang wakas.+
27 Sa katunayan, walang sinuman na nakapasok sa bahay ng isang malakas na tao ang makapanloloob+ sa kaniyang madadalang mga pag-aari malibang gapusin muna niya ang malakas na tao, at kung magkagayon ay lolooban niya ang kaniyang bahay.+
28 Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang lahat ng mga bagay ay ipatatawad sa mga anak ng mga tao, anumang kasalanan at pamumusong ang gawin nila nang may kapusungan.+
29 Gayunman, ang sinumang namumusong laban sa banal na espiritu ay walang kapatawaran magpakailanman, kundi nagkasala ng walang-hanggang kasalanan.”+
30 Ito ay sapagkat sinasabi nila: “Siya ay may isang maruming espiritu.”+
31 Ngayon ay dumating ang kaniyang ina at ang kaniyang mga kapatid na lalaki,+ at, samantalang nakatayo sila sa labas, nagpasugo sila sa kaniya upang tawagin siya.+
32 At nangyari, isang pulutong ang nakaupo sa palibot niya, kaya sinabi nila sa kaniya: “Narito! Ang iyong ina at ang iyong mga kapatid na nasa labas ay naghahanap sa iyo.”+
33 Ngunit bilang tugon ay sinabi niya sa kanila: “Sino ang aking ina at ang aking mga kapatid?”+
34 At pagtingin doon sa mga nakaupong paikot sa palibot niya, sinabi niya: “Tingnan ninyo, ang aking ina at ang aking mga kapatid!+
35 Ang sinumang gumagawa ng kalooban ng Diyos, ang isang ito ang aking kapatid na lalaki at kapatid na babae at ina.”+