Marcos 7:1-37
7 Ngayon ang mga Pariseo at ang ilan sa mga eskriba na dumating mula sa Jerusalem ay nagtipon sa paligid niya.+
2 At nang makita nila ang ilan sa mga alagad niya na kumakain na may mga kamay na marurungis, samakatuwid nga, mga di-nahugasan+—
3 sapagkat ang mga Pariseo at ang lahat ng mga Judio ay hindi kumakain malibang maghugas sila ng kanilang mga kamay hanggang sa siko, na nanghahawakang mahigpit sa tradisyon ng sinaunang mga tao,
4 at, kapag nanggagaling sa pamilihan, hindi sila kumakain malibang makapaglinis sila ng kanilang sarili sa pamamagitan ng pagwiwisik; at marami pang ibang tradisyon+ ang tinanggap nila upang panghawakang mahigpit, mga bautismo sa mga kopa at mga pitsel at mga sisidlang tanso;+—
5 kaya tinanong siya ng mga Pariseo at mga eskribang ito: “Bakit hindi gumagawi ang iyong mga alagad ayon sa tradisyon ng sinaunang mga tao, kundi kumakain sila na may mga kamay na marurungis?”+
6 Sinabi niya sa kanila: “Angkop ang inihula ni Isaias tungkol sa inyo na mga mapagpaimbabaw, gaya ng nasusulat,+ ‘Ang bayang ito ay nagpaparangal sa akin sa kanilang mga labi, ngunit ang kanilang mga puso ay malayung-malayo sa akin.+
7 Walang kabuluhan ang patuloy na pagsamba nila sa akin, sapagkat itinuturo nila bilang mga doktrina ang mga utos ng mga tao.’+
8 Pinababayaan ang utos ng Diyos, nanghahawakan kayong mahigpit sa tradisyon ng mga tao.”+
9 Karagdagan pa, sinabi pa niya sa kanila: “May-katusuhan ninyong isinasaisantabi ang utos+ ng Diyos upang panatilihin ang inyong tradisyon.
10 Halimbawa, sinabi ni Moises, ‘Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina,’+ at, ‘Siya na nanlalait sa ama o sa ina ay mauwi sa kamatayan.’+
11 Ngunit sinasabi ninyo, ‘Kung sabihin ng isang tao sa kaniyang ama o sa kaniyang ina: “Anumang mayroon ako na pakikinabangan mo sa akin ay korban,+ (na ang ibig sabihin, isang kaloob na inialay+ sa Diyos,)” ’—
12 hindi na ninyo siya hinahayaang gumawa ng isa mang bagay para sa kaniyang ama o sa kaniyang ina,+
13 at sa gayon ay pinawawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos+ sa pamamagitan ng inyong tradisyon na ibinigay ninyo. At maraming bagay+ na katulad nito ang inyong ginagawa.”
14 Kaya, pagkatawag na muli sa pulutong, nagpatuloy siya sa pagsasabi sa kanila: “Makinig kayo sa akin, kayong lahat, at unawain ninyo ang kahulugan.+
15 Walang anumang mula sa labas ng isang tao na dumaraan sa loob niya ang makapagpaparungis sa kaniya; kundi ang mga bagay na lumalabas sa isang tao ang mga bagay na nagpaparungis sa isang tao.”+
16 ——
17 Ngayon nang makapasok na siya sa isang bahay na malayo sa pulutong, nagsimulang magtanong sa kaniya ang kaniyang mga alagad may kinalaman sa ilustrasyon.+
18 Kaya sinabi niya sa kanila: “Wala rin ba kayong pang-unawa katulad nila?+ Hindi ba ninyo nababatid na walang anumang mula sa labas na dumaraan sa loob ng isang tao ang makapagpaparungis sa kaniya,
19 yamang dumaraan ito, hindi sa loob ng kaniyang puso, kundi sa kaniyang mga bituka, at lumalabas ito patungo sa imburnal?”+ Sa gayon ay ipinahayag niyang malinis ang lahat ng pagkain.+
20 Karagdagan pa, sinabi niya: “Yaong lumalabas sa isang tao ang siyang nagpaparungis sa isang tao;+
21 sapagkat mula sa loob, mula sa puso ng mga tao,+ ay mga nakapipinsalang pangangatuwiran ang lumalabas: mga pakikiapid,+ mga pagnanakaw, mga pagpaslang,+
22 mga pangangalunya, mga pag-iimbot,+ mga gawa ng kabalakyutan, panlilinlang, mahalay na paggawi,+ matang mainggitin, pamumusong, kapalaluan, kawalang-katuwiran.
23 Ang lahat ng mga balakyot na bagay na ito ay lumalabas mula sa loob at nagpaparungis sa tao.”+
24 Mula roon ay tumindig siya at pumaroon sa mga pook ng Tiro at Sidon.+ At pumasok siya sa isang bahay at hindi niya nais na malaman ito ng sinuman. Gayunma’y hindi siya makaiwas na mapansin;+
25 kundi kaagad isang babae na may maliit na anak na babaing may maruming espiritu ang nakarinig ng tungkol sa kaniya at lumapit at nagpatirapa sa kaniyang paanan.+
26 Ang babae ay isang Griega, na Sirofenisa ang nasyonalidad; at patuloy niyang hinihiling sa kaniya na palayasin ang demonyo mula sa kaniyang anak na babae.+
27 Ngunit nagsimula siya sa pagsasabi sa kaniya: “Hayaan munang mabusog ang mga anak, sapagkat hindi tama na kunin ang tinapay ng mga anak+ at ihagis ito sa maliliit na aso.”+
28 Gayunman, bilang tugon ay sinabi niya sa kaniya: “Oo, ginoo, gayunman ang maliliit na aso sa ilalim ng mesa ay kumakain ng mga mumo+ ng maliliit na bata.”+
29 Sa gayon ay sinabi niya sa kaniya: “Dahil sa pagsasabi nito, humayo ka; ang demonyo ay lumabas na mula sa iyong anak na babae.”+
30 Kaya umuwi siya sa kaniyang tahanan at nasumpungan+ ang bata na nakahiga sa higaan at ang demonyo ay lumabas na.
31 Ngayon pagbalik mula sa mga pook ng Tiro ay dumaan siya sa Sidon patungo sa dagat ng Galilea hanggang sa mga pook ng Decapolis.+
32 Dito ay dinala nila sa kaniya ang isang lalaking bingi at may kapansanan sa pagsasalita, at namanhik sila sa kaniya na ipatong dito ang kaniyang kamay.+
33 At inilayo niya ito nang sarilinan mula sa pulutong at inilagay ang kaniyang mga daliri sa mga tainga ng lalaki at, pagkatapos dumura, hinipo niya ang dila nito.+
34 At habang nakatingala sa langit+ ay nagbuntunghininga+ siya nang malalim at sinabihan ito: “Effata,” na ang ibig sabihin ay “Mabuksan ka.”
35 Buweno, ang kaniyang kakayahang makarinig ay nabuksan,+ at ang hadlang sa kaniyang dila ay nakalag, at nagsimula siyang magsalita nang normal.
36 Nang magkagayon ay inutusan niya silang huwag magsabi kaninuman;+ ngunit habang lalo pa niya silang inuutusan, lalo pa nila itong higit na inihahayag.+
37 Tunay nga, lubha silang namangha+ nang labis-labis at sinabi nila: “Ginawa niyang mahusay ang lahat ng mga bagay. Pinangyayari pa man din niyang makarinig ang bingi at makapagsalita ang pipi.”+