Marcos 9:1-50
9 Karagdagan pa, sinabi pa niya sa kanila: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, May ilan sa mga nakatayo rito na hindi nga makatitikim ng kamatayan hanggang sa makita muna nila ang kaharian ng Diyos na dumating na sa kapangyarihan.”+
2 Alinsunod dito pagkaraan ng anim na araw ay isinama ni Jesus si Pedro at si Santiago at si Juan, at dinala sila sa isang napakataas na bundok nang sila-sila lamang. At siya ay nagbagong-anyo sa harap nila,+
3 at ang kaniyang mga panlabas na kasuutan ay kuminang, lalong higit na maputi kaysa sa magagawang pagpapaputi ng sinumang tagapaglinis ng damit sa ibabaw ng lupa.+
4 Gayundin, si Elias na kasama si Moises ay nagpakita sa kanila, at nakikipag-usap sila kay Jesus.+
5 At bilang tugon ay sinabi ni Pedro kay Jesus: “Rabbi, mabuti para sa atin ang dumito, kaya magtayo tayo ng tatlong tolda, isa para sa iyo at isa para kay Moises at isa para kay Elias.”+
6 Sa katunayan, hindi niya alam kung ano ang itutugon niya, sapagkat sila ay lubhang natakot.
7 At isang ulap ang namuo, na lumilim sa kanila, at isang tinig+ ang nanggaling sa ulap: “Ito ang aking Anak,+ ang minamahal; makinig kayo sa kaniya.”+
8 Gayunman, bigla na lang, sila ay tumingin sa palibot at wala nang nakita pang sinumang kasama nila, maliban lamang kay Jesus.+
9 Samantalang bumababa sila sa bundok, tahasan niya silang inutusan na huwag ilahad+ kaninuman ang nakita nila, hanggang sa pagkatapos na ang Anak ng tao ay bumangon mula sa mga patay.+
10 At isinapuso nila ang salita, ngunit pinag-usapan nila sa kani-kanilang sarili kung ano ang kahulugan ng pagbangong ito mula sa mga patay.
11 At pinasimulan nila siyang tanungin, na sinasabi: “Bakit sinasabi ng mga eskriba na una muna ay kailangang dumating si Elias?”+
12 Sinabi niya sa kanila: “Si Elias ay talagang darating muna at magsasauli ng lahat ng mga bagay;+ ngunit paano ngang nasusulat may kaugnayan sa Anak ng tao na siya ay kailangang dumanas ng maraming pagdurusa+ at maituring na walang halaga?+
13 Ngunit sinasabi ko sa inyo, Si Elias,+ sa katunayan, ay dumating na, at ginawa nila sa kaniya ang lahat ng mga bagay na nais nila, gaya ng nasusulat may kaugnayan sa kaniya.”+
14 Ngayon, nang makarating sila sa iba pang mga alagad, napansin nila ang isang malaking pulutong sa palibot nila at ang mga eskriba na nakikipagtalo sa kanila.+
15 Ngunit nang sandaling makita siya ng buong pulutong ay natigilan sila, at, patakbong lumalapit sa kaniya, pinasimulan nila siyang batiin.
16 At tinanong niya sila: “Ano ang ipinakikipagtalo ninyo sa kanila?”
17 At ang isa sa pulutong ay sumagot sa kaniya: “Guro, dinala ko sa iyo ang aking anak na lalaki sapagkat siya ay may espiritung pipi;+
18 at saanman siya panaigan nito ay isinusubsob siya nito sa lupa, at bumubula ang kaniyang bibig at nagngangalit ang kaniyang mga ngipin at nawawalan siya ng lakas. At sinabi ko sa iyong mga alagad na palayasin ito, ngunit hindi nila makaya.”+
19 Bilang tugon ay sinabi niya sa kanila: “O salinlahing walang pananampalataya,+ hanggang kailan ko kayo pakikisamahan? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo siya sa akin.”+
20 Kaya dinala nila siya sa kaniya. Ngunit pagkakita sa kaniya ay karaka-rakang pinangisay ng espiritu ang bata, at pagkabagsak sa lupa ay nagpagulung-gulong siya, na bumubula ang bibig.+
21 At tinanong niya ang kaniyang ama: “Gaano katagal na itong nangyayari sa kaniya?” Sinabi niya: “Mula pa sa pagkabata;
22 at muli’t muli siyang inihahagis nito kapuwa sa apoy at sa tubig upang puksain siya.+ Ngunit kung kaya mong gawin ang anuman, mahabag ka sa amin at tulungan mo kami.”
23 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ang pananalitang iyan, ‘Kung kaya mo’! Aba, lahat ng mga bagay ay maaaring mangyari sa isa kung ang isa ay may pananampalataya.”+
24 Kaagad na sumigaw, ang ama ng bata ay nagsabi: “Mayroon akong pananampalataya! Tulungan mo ako kung saan ako nangangailangan ng pananampalataya!”+
25 Nang mapansin nga na isang pulutong ang nagtatakbuhan patungo sa kanila, sinaway+ ni Jesus ang maruming espiritu, na sinasabi rito: “Ikaw na espiritung pipi at bingi, inuutusan kita, lumabas ka sa kaniya at huwag ka nang pumasok pa sa kaniya.”
26 At pagkatapos sumigaw at dumanas ng maraming pangingisay ay lumabas ito;+ at siya ay naging gaya ng patay, kung kaya ang nakararami sa kanila ay nagsabi: “Siya ay patay na!”
27 Ngunit hinawakan siya ni Jesus sa kamay at ibinangon siya, at siya ay tumindig.+
28 Kaya pagkapasok niya sa isang bahay ay nagtanong sa kaniya nang sarilinan ang kaniyang mga alagad: “Bakit hindi namin iyon mapalayas?”+
29 At sinabi niya sa kanila: “Ang uring ito ay hindi mapalalabas ng anuman malibang sa pamamagitan ng panalangin.”+
30 Mula roon ay lumisan sila at dumaan sa Galilea, ngunit hindi niya ibig na malaman ito ng sinuman.
31 Sapagkat tinuturuan niya ang kaniyang mga alagad at sinasabi sa kanila: “Ang Anak ng tao ay ibibigay sa mga kamay ng mga tao, at papatayin nila siya,+ ngunit, kahit mapatay, siya ay babangon pagkaraan ng tatlong araw.”+
32 Gayunman, hindi nila nauunawaan ang pananalita, at natatakot silang magtanong sa kaniya.+
33 At dumating sila sa Capernaum. Ngayon nang nasa loob na siya ng bahay ay iniharap niya ang tanong sa kanila: “Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?”+
34 Nanatili silang tahimik, sapagkat sa daan ay nagtatalu-talo sila kung sino ang mas dakila.+
35 Kaya umupo siya at tinawag ang labindalawa at sinabi sa kanila: “Kung ang sinuman ay nagnanais na maging una, siya ay dapat na maging huli sa lahat at lingkod ng lahat.”+
36 At kumuha siya ng isang bata, pinatayo ito sa gitna nila at iniyakap dito ang kaniyang mga bisig at sinabi sa kanila:+
37 “Ang sinumang tumatanggap sa isa sa mga batang tulad nito salig sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap, hindi lamang sa akin, kundi gayundin sa kaniya na nagsugo sa akin.”+
38 Sinabi ni Juan sa kaniya: “Guro, nakita namin ang isang tao na nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng paggamit ng iyong pangalan at sinikap naming pigilan siya,+ sapagkat hindi siya sumasama sa atin.”+
39 Ngunit sinabi ni Jesus: “Huwag ninyo siyang tangkaing pigilan, sapagkat walang sinumang gagawa ng makapangyarihang gawa salig sa aking pangalan ang madaling makapanlalait sa akin;+
40 sapagkat siya na hindi laban sa atin ay panig sa atin.+
41 Sapagkat ang sinumang magbigay sa inyo ng isang kopa+ ng tubig na maiinom sa dahilang kayo ay kay Kristo,+ katotohanang sinasabi ko sa inyo, sa anumang paraan ay hindi siya mawawalan ng kaniyang gantimpala.
42 Ngunit ang sinumang tumitisod sa isa sa maliliit na ito na naniniwala, magiging mas mainam pa sa kaniya kung ang isang gilingang-bato na gaya niyaong iniikot ng isang asno ay itali sa kaniyang leeg at ihagis nga siya sa dagat.+
43 “At kung sakaling ang iyong kamay ay nagpapatisod sa iyo, putulin mo ito; mas mainam pa sa iyo na pumasok sa buhay na baldado kaysa may dalawang kamay kang mapunta sa Gehenna, sa apoy na hindi mapapatay.+
44 ——
45 At kung ang iyong paa ay nagpapatisod sa iyo, putulin mo ito; mas mainam pa sa iyo na pumasok sa buhay na pilay+ kaysa may dalawang paa kang mapahagis sa Gehenna.+
46 ——
47 At kung ang iyong mata ay nagpapatisod sa iyo, itapon mo ito;+ mas mainam pa sa iyo na pumasok na iisa ang mata sa kaharian ng Diyos kaysa may dalawang mata kang mapahagis sa Gehenna,+
48 kung saan ang kanilang mga uod ay hindi namamatay at ang apoy ay hindi naaapula.+
49 “Sapagkat ang bawat isa ay dapat maasnan+ ng apoy.
50 Ang asin ay mainam; ngunit kung sakaling maiwala ng asin ang bisa nito, ano nga ang ipaninimpla ninyo rito?+ Magkaroon kayo ng asin+ sa inyong sarili, at panatilihin ang kapayapaan+ sa isa’t isa.”