Oseas 13:1-16
13 “Nang magsalita ang Efraim ay nagkaroon ng panginginig; siya ay may bigat sa Israel.+ Ngunit siya ay nagkasala may kaugnayan kay Baal+ at namatay.+
2 At ngayon ay nagkakasala sila nang higit pa at gumagawa sa ganang kanila ng binubong estatuwa mula sa kanilang pilak,+ mga idolo ayon sa kanilang sariling unawa,+ na gawa ng mga bihasang manggagawa, lahat ng ito.+ Sa mga iyon ay sinasabi nila, ‘Halikan ng mga taong tagapaghain ang hamak na mga guya.’+
3 Kaya sila ay magiging gaya ng mga ulap sa umaga+ at gaya ng hamog na maagang naglalaho; gaya ng ipa na tinatangay ng bagyo mula sa giikan+ at gaya ng usok mula sa butas sa bubong.
4 “Ngunit ako ay si Jehova na iyong Diyos mula sa lupain ng Ehipto,+ at walang Diyos maliban sa akin ang dati mong nakikilala; at walang tagapagligtas noon kundi ako.+
5 Nakilala kita sa ilang,+ sa lupain ng mga lagnat.+
6 Ayon sa kanilang pastulan ay nabusog din sila.+ Sila ay nabusog at ang kanilang puso ay nagsimulang magmalaki.+ Kaya naman nalimutan nila ako.+
7 At sa kanila ay magiging gaya ako ng isang batang leon.+ Patuloy akong mag-aabang na gaya ng isang leopardo sa tabi ng daan.+
8 Sasalubungin ko silang gaya ng oso na nawalan ng kaniyang mga anak,+ at hahapakin ko ang pinakakulungan ng kanilang puso. At doon ay lalamunin ko silang gaya ng isang leon;+ isang mabangis na hayop sa parang ang luluray sa kanila.+
9 Tiyak na ipapahamak ka niyaon,+ O Israel, sapagkat iyon ay laban sa akin, laban sa iyong katulong.+
10 “Nasaan ngayon ang iyong hari, upang mailigtas ka niya sa lahat ng iyong mga lunsod,+ at ang iyong mga hukom, na tungkol sa kanila ay sinabi mo, ‘Bigyan mo ako ng isang hari at ng mga prinsipe’?+
11 Aking binigyan ka ng hari sa aking galit,+ at aalisin ko siya sa aking poot.+
12 “Ang kamalian ng Efraim ay nakabalot, ang kaniyang kasalanan ay nakaimbak.+
13 Mga hapdi ng pagdaramdam ng babaing nanganganak ang darating sa kaniya.+ Siya ay isang anak na hindi marunong,+ sapagkat sa kapanahunan ay hindi siya titigil kapag lalabas na ang mga anak mula sa bahay-bata.+
14 “Mula sa kamay ng Sheol ay tutubusin ko sila;+ mula sa kamatayan ay babawiin ko sila.+ Nasaan ang iyong mga tibo, O Kamatayan?+ Nasaan ang iyong pagiging mapamuksa, O Sheol?+ Ang habag ay makukubli mula sa aking mga mata.+
15 “Kung siya man bilang anak ng mga halamang tambo ay maging mabunga,+ ang isang hanging silangan, ang hangin ni Jehova, ay darating.+ Mula sa ilang ay aahon ito, at tutuyuin nito ang kaniyang balon at sasairin ang kaniyang bukal.+ Sasamsamin ng isang iyon ang kabang-yaman ng lahat ng kanais-nais na kagamitan.+
16 “Ang Samaria ay ituturing na may-sala,+ sapagkat siya ay totoong mapaghimagsik laban sa kaniyang Diyos.+ Sa pamamagitan ng tabak ay mabubuwal sila.+ Ang kanilang mga anak ay pagluluray-lurayin,+ at ang kanilang mga babaing nagdadalang-tao ay wawakwakin.”+