Oseas 14:1-9

14  “Manumbalik ka kay Jehova na iyong Diyos,+ O Israel, sapagkat nabuwal ka sa iyong kamalian.+  Magdala kayo ng mga salita at manumbalik kay Jehova.+ Sabihin ninyong lahat sa kaniya, ‘Pagpaumanhinan mo nawa ang kamalian;+ at tanggapin mo ang mabuti, at ihahandog namin bilang ganti ang mga guyang toro ng aming mga labi.+  Hindi kami ililigtas ng Asirya.+ Sa mga kabayo ay hindi kami sasakay.+ At hindi na namin sasabihin: “O aming Diyos!” sa gawa ng aming mga kamay, sapagkat dahil sa iyo kung kaya ang batang lalaking walang ama ay pinagpapakitaan ng awa.’+  “Pagagalingin ko ang kanilang kawalang-katapatan.+ Iibigin ko sila nang bukal sa aking kalooban,+ sapagkat ang aking galit ay napawi na mula sa kaniya.+  Ako ay magiging gaya ng hamog sa Israel.+ Siya ay mamumulaklak na gaya ng liryo, at magkakalat ng kaniyang mga ugat na gaya ng Lebanon.  Ang kaniyang maliliit na sanga ay tutubo, at ang kaniyang dangal ay magiging gaya ng sa punong olibo,+ at ang kaniyang bango ay magiging gaya ng sa Lebanon.  Muli silang tatahan sa kaniyang lilim.+ Sila ay magpapatubo ng butil, at mag-uusbong na gaya ng punong ubas.+ Ang kaniyang pinakaalaala ay magiging gaya ng alak ng Lebanon.  “Ang Efraim ay magsasabi, ‘Ano pa ba ang kinalaman ko sa mga idolo?’+ “Ako mismo ay magbibigay ng sagot at patuloy akong titingin sa kaniya.+ Ako ay gaya ng mayabong na puno ng enebro.+ Mula sa akin ay makasusumpong ng bunga para sa iyo.”  Sino ang marunong, upang maunawaan niya ang mga bagay na ito?+ Ang maingat, upang malaman niya ang mga iyon?+ Sapagkat ang mga daan ni Jehova ay matapat,+ at ang mga matuwid ang siyang lalakad sa mga iyon;+ ngunit ang mga mananalansang ang siyang matitisod sa mga iyon.+

Talababa