Zacarias 11:1-17
11 “Buksan mo ang iyong mga pinto, O Lebanon, + upang isang apoy ang makapanlamon sa gitna ng iyong mga sedro. +
2 Magpalahaw ka, O puno ng enebro, sapagkat ang sedro ay nabuwal; sapagkat yaong mga mariringal ay sinamsaman! + Magpalahaw kayo, kayong mga dambuhalang punungkahoy ng Basan, sapagkat ang di-mapasok na kagubatan ay bumagsak! +
3 Makinig kayo! Ang pagpapalahaw ng mga pastol, + sapagkat ang kanilang karingalan ay sinamsaman. + Makinig kayo! Ang pag-ungal ng mga may-kilíng na batang leon, sapagkat ang mapagmalaking mga palumpungan sa kahabaan ng Jordan ay sinamsaman. +
4 “Ito ang sinabi ni Jehova na aking Diyos, ‘Pastulan mo ang kawan na nakaukol sa pagpatay, +
5 na pinapatay + ng mga bumibili sa kanila bagaman hindi sila itinuturing na may-sala. + At yaong mga nagbibili + sa kanila ay nagsasabi: “Pagpalain nawa si Jehova, habang ako ay magtatamo ng kayamanan.” + At ang kanilang sariling mga pastol ay hindi nahahabag sa kanila.’ +
6 “ ‘Sapagkat hindi na ako mahahabag sa mga tumatahan sa lupain,’ + ang sabi ni Jehova. ‘Kaya narito, pangyayarihin kong malagay ang mga tao, bawat isa sa kamay ng kaniyang kasamahan + at sa kamay ng kaniyang hari; + at pagdudurug-durugin nila ang lupain, at hindi ako magliligtas mula sa kanilang kamay.’ ” +
7 At pinastulan ko ang kawan + na nakaukol sa pagpatay, + alang-alang sa inyo, O mga napipighati sa kawan. + Kaya kumuha ako ng dalawang baston + sa ganang akin. Ang isa ay tinawag kong Kaigayahan, + at ang isa pa ay tinawag kong Pagkakaisa, + at pinastulan ko ang kawan.
8 At sa kalaunan ay pinawi ko ang tatlong pastol sa isang buwang lunar, + sapagkat ang aking kaluluwa ay hindi na nakatiis sa kanila, + at ang kanilang kaluluwa rin ay nakadama ng pagkarimarim sa akin.
9 Nang maglaon ay sinabi ko: “Hindi ko na kayo papastulan. + Ang mamamatay na, pabayaan siyang mamatay. At ang pinapawi, pabayaan siyang mapawi. + At tungkol naman sa mga naiwan, lamunin nila, ng bawat isa ang laman ng kaniyang kasamahan.” +
10 Kaya kinuha ko ang aking baston na Kaigayahan + at pinagputul-putol ko iyon, + upang sirain ang aking tipan na ipinakipagtipan ko sa lahat ng mga bayan. +
11 At iyon ay nasira nang araw na iyon, at sa ganitong paraan ay nakilala ng mga napipighati sa kawan + na nagmamasid + sa akin na iyon ang salita ni Jehova.
12 Pagkatapos ay sinabi ko sa kanila: “Kung mabuti sa inyong paningin, + ibigay ninyo sa akin ang aking kabayaran; ngunit kung hindi, tumanggi kayo.” At binayaran nila ang aking kabayaran, tatlumpung pirasong pilak. +
13 Sa gayon, sinabi ni Jehova sa akin: “Ihagis mo iyon sa ingatang-yaman +—ang maringal na halaga na inihalaga sa akin sa kanilang pangmalas.” + At kinuha ko ang tatlumpung pirasong pilak at inihagis ko iyon sa ingatang-yaman sa bahay ni Jehova. +
14 Pagkatapos ay pinagputul-putol ko ang aking ikalawang baston, ang Pagkakaisa, + upang sirain ang pagkakapatiran + sa pagitan ng Juda at Israel. +
15 At sinabi ni Jehova sa akin: “Kunin mo pa sa ganang iyo ang mga kagamitan ng isang pastol na walang silbi. +
16 Sapagkat narito, ibabangon ko ang isang pastol sa lupain. + Sa tupa na pinapawi ay hindi siya magtutuon ng pansin. + Ang guya ay hindi niya hahanapin, at ang tupang nabalian ay hindi niya pagagalingin. + Ang nakatayo ay hindi niya paglalaanan ng pagkain, at ang laman ng mataba ay kakainin niya, + at ang mga kuko ng tupa ay bubunutin niya. +
17 Sa aba ng aking pastol na walang kabuluhan, + na nagpapabaya sa kawan! + Isang tabak ang sasapit sa kaniyang bisig at sa kaniyang kanang mata. Ang kaniyang bisig ay walang pagsalang matutuyo, + at ang kaniyang kanang mata ay walang pagsalang lalabo.”