Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)

Introduksiyon sa 1 Corinto

  • Manunulat: Pablo

  • Saan Isinulat: Efeso

  • Natapos Isulat: mga 55 C.E.

Mahahalagang Impormasyon:

  • Unang bumisita si Pablo sa Corinto noong mga 50 C.E., sa ikalawang paglalakbay niya bilang misyonero. Sa 18-buwan na pananatili niya roon, nakatulong siya para maitatag ang kongregasyong Kristiyano sa lunsod na iyon. Noon, ang Corinto ay isang mayamang daungang-lunsod na may malaking populasyon. Gaya ng maraming iba pang malalaking daungang-lunsod, kilalá ang Corinto sa bagsak na moralidad.

  • Pagkatatag ng kongregasyon sa Corinto, sumulat si Pablo sa kanila, pero hindi na nakaabot sa atin ang liham na iyon. (1Co 5:9) Sa ikatlong paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, may nakarating sa kaniya na masasamang balita tungkol sa kongregasyon sa Corinto. (1Co 1:11; 5:1; 11:18) Sumulat din sa kaniya ang kongregasyon para magtanong. (1Co 7:1) Pagkatapos, noong mga 55 C.E., habang nasa Efeso, isinulat niya ang liham na kilalá ngayon bilang 1 Corinto. (1Co 16:8) Pinayuhan niya ang mga Kristiyano sa Corinto na itakwil ang huwad na mga turo, manatiling nagkakaisa, umiwas sa imoralidad, patibayin ang pananampalataya nila sa pagkabuhay-muli, at iba pa.

  • Makikita sa 1 Corinto na talagang kilala ni Pablo ang mga sinusulatan niya at pamilyar siya sa kalagayan nila. Ginamit niyang ilustrasyon ang mga palaro ng mga Griego at ang kaugalian noon na kumuha ng tagapag-alaga ng mga anak. (1Co 4:15; 9:24-27) Makikita sa mga sinasabi niya na alam niya ang kalagayan ng Corinto pagdating sa relihiyon at moralidad, pati na ang mga pilosopiyang karaniwan sa mga tagaroon.—1Co 1:20; 6:9, 10; 15:12.

  • Sa liham na ito, maraming beses sumipi si Pablo mula sa Hebreong Kasulatan, kaya mas naintindihan ang kahulugan ng mga talatang iyon.—1Co 1:19, 31; 2:9; 3:19; 9:9; 10:7; 14:21; 15:45, 54.

  • Walang kuwestiyon na bahagi ng Bibliya ang 1 Corinto at 2 Corinto. Kinikilala ng mga tao na si Pablo ang sumulat ng mga ito, at tinatanggap ng mga Kristiyano noon na bahagi ang mga ito ng kanon ng Bibliya, kaya isinama nila ang dalawang liham na ito sa koleksiyon nila. Sinasabi rin na ang 1 Corinto ay ginamit bilang reperensiya at sinipi ng isang liham na tinatawag na Unang Clemente, na isinulat sa Roma para sa mga taga-Corinto noong mga 95 C.E. Sinipi rin o binanggit ng mga manunulat na sina Ignatius ng Antioquia, Polycarp, Justin Martyr, Athenagoras, Irenaeus, at Tertullian ang 1 Corinto.