Unang Liham sa mga Taga-Corinto 11:1-34
Study Notes
itinuro: O “tradisyong ibinigay.” Ang salitang Griego na pa·raʹdo·sis, na isinalin ditong “itinuro,” ay tumutukoy sa isang bagay na ipinasa, gaya ng impormasyon, tagubilin, o mga kaugaliang ipinapasunod sa iba. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ginagamit kung minsan ang salitang ito para tumukoy sa kapaki-pakinabang na mga tradisyon, o mga tradisyong katanggap-tanggap sa tunay na pagsamba. (2Te 2:15; 3:6) Halimbawa, ang impormasyong natanggap ni apostol Pablo tungkol sa pagdaraos ng Hapunan ng Panginoon ay angkop lang na ipasa sa mga kongregasyong Kristiyano bilang katanggap-tanggap na tradisyon. (1Co 11:23) Pero madalas ding gamitin ang ekspresyong Griegong ito para tumukoy sa maling mga tradisyon o sa mga tradisyong nagiging kuwestiyunable o pabigat dahil sa pagiging panatiko ng mga tao sa pagsunod dito.—Mat 15:2, 3; Mar 7:3, 5, 13; Col 2:8.
walang lambong: Sa mga Judio noon at sa ilang lugar na naimpluwensiyahan ng kulturang Griego at Romano, itinuturing ng marami na mahinhin ang mga babaeng naglalambong sa publiko. Sa kabanatang ito, ipinakita ni Pablo na naglalambong din ang mga babaeng Kristiyano noong unang siglo. Lumilitaw na may mga babae noon, kasama na ang mga mangkukulam at mga babaeng lider ng iba’t ibang kulto, na nagtatanggal ng lambong at hinahayaang magulo at nakalugay ang buhok nila kapag diumano ay nasa ilalim sila ng kapangyarihan ng mga espiritu. Hindi ito ginagawa sa loob ng kongregasyong Kristiyano dahil kawalang-galang ito sa kaayusan ni Jehova sa pagkaulo at pagpapasakop. Posibleng ito ang dahilan kaya nagpayo si Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto tungkol dito.—1Co 11:3-10; tingnan ang study note sa 1Co 11:10, 15.
babaeng ahit ang ulo: Gaya ng sinasabi ni Pablo dito, kahihiyan para sa isang babae na ahitin ang ulo niya o magpagupit nang sobrang ikli, posibleng dahil nakikita lang ang ahit na ulo sa mga alipin at posibleng sa mga babaeng nahuling nangangalunya. Gayundin, may binabanggit sa Hebreong Kasulatan na mga babaeng may “magandang ayos ng buhok” pero ‘nagpakalbo’ dahil sa pagdadalamhati. (Isa 3:24) Alinman dito ang nasa isip ni Pablo nang gamitin niya ang paghahalintulad na ito, ipinapakita lang niya na ang kahihiyan ng isang babaeng kalbo ay katulad ng kahihiyang dapat maramdaman ng isang Kristiyanong babae kung mananalangin siya o manghuhula sa kongregasyon nang walang lambong. Pagpapakita rin ito ng kawalang-galang sa kaayusan ng Diyos sa pagkaulo.—1Co 11:3-10; tingnan ang study note sa 1Co 11:15.
tanda ng awtoridad: Sa kabanatang ito, nagbigay si Pablo ng tagubilin sa kaayusan ng pagkaulo. (1Co 11:3) Binanggit niya na dapat maglambong ang mga babaeng Kristiyano kapag nananalangin sila o nanghuhula sa loob ng kongregasyon. Ito ay “tanda ng awtoridad,” o nakikitang patunay kahit sa mga anghel na kinikilala ng mga babae ang bigay-Diyos na atas sa pilíng mga lalaki na manguna sa kongregasyon. Ang paglalambong ng mga babae sa ilang partikular na sitwasyon ay nagpapakitang nagpapasakop sila sa “awtoridad” sa kongregasyon.—1Co 11:4-6; tingnan ang study note sa 1Co 11:5, 15.
ang ibinigay sa kaniya sa halip na isang lambong: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang lumitaw ang salitang Griego na isinaling “lambong” (pe·ri·boʹlai·on). Tumutukoy ito sa isang bagay na ibinabalot sa sarili, gaya ng balabal na pantakip sa ulo at balikat. Sa mga Judio at Griego noon, malalaman agad sa haba ng buhok kung ang isa ay lalaki o babae. Nang panahong iyon, ang mga aliping babae at posibleng ang ilang babaeng nahuling nangangalunya ay nagpapakalbo o nagpapagupit nang sobrang ikli. (Tingnan ang study note sa 1Co 11:5.) Ang mahabang buhok ng mga babae ay tanda ng pagpapasakop nila sa pagkaulo. (1Co 11:3) Ang mga babaeng naglalambong bilang “tanda ng awtoridad” kapag nananalangin o nanghuhula sa loob ng kongregasyong Kristiyano ay nagpapakita sa iba, pati na sa mga anghel, na kinikilala nila ang kaayusan sa pagkaulo.—1Co 11:3-16; tingnan ang study note sa 1Co 11:10.
pagkakabaha-bahagi: Tingnan ang study note sa 1Co 1:10.
mga sekta sa gitna ninyo: Gaya ng binanggit sa naunang talata, nabalitaan ni Pablo na “may pagkakabaha-bahagi” sa kongregasyon sa Corinto. Sinabi ni Pablo na sa pagkakaroon ng ganoong mga sekta, makikilala kung sino ang mga taong may pagsang-ayon ng Diyos. Madaling makikilala ang mga tapat at tunay na Kristiyano na may malinis na motibo, dahil umiiwas sila sa sekta at mapagpakumbaba nilang ginagawa ang lahat para maitaguyod ang pag-ibig at pagkakaisa. Kaya masasabing dahil sa mga sekta at pagkakabaha-bahagi, nakikilala ang mga taong may pagsang-ayon ng Diyos.—Para sa paliwanag sa terminong “sekta,” tingnan ang study note sa Gaw 24:5.
Hapunan ng Panginoon: Ang ekspresyong ito, na dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ay tumutukoy sa isang pagdiriwang na pinasimulan ng Panginoong Jesu-Kristo noong Nisan 14 bago siya mamatay. Sa hapunang iyon, may tinapay na walang pampaalsa at alak, na sumasagisag sa katawan at dugo ni Kristo. Ang unang pagdiriwang ng okasyong iyon at ang iba pang mga pangyayari nang gabing iyon ay iniulat nina Mateo at Juan, na parehong nakasaksi sa mga pangyayari at naroon mismo sa hapunan. (Mat 26:17-30; Ju 13:1-38) Wala sina Marcos at Lucas sa okasyong iyon, pero may naiulat silang iba pang mga detalye. (Mar 14:17-26; Luc 22:7-39) At sa liham ni Pablo sa kongregasyon sa Corinto, nagbigay siya ng karagdagang paliwanag at mga tagubilin tungkol sa hapunang ito. (1Co 10:16-22; 11:20-34) Sa mga ulat nina Lucas at Pablo, sinabi ni Jesus sa mga alagad niya: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” (Luc 22:19; 1Co 11:24, 25) Ganito naman ang mababasa sa ibang salin: “Gawin ninyo ito bilang paggunita sa akin”; “Gawin ninyo ito bilang memoryal para sa akin.” Kaya angkop lang na tawagin itong Memoryal. Idinaraos ang Hapunan ng Panginoon para alalahanin ang kamatayan ni Jesus, at ito lang ang nag-iisang okasyon na espesipikong binanggit sa Kasulatan na dapat ipagdiwang ng mga Kristiyano.
ang iba ay gutom, pero ang iba naman ay lasing: Sinaway ni Pablo ang mga Kristiyano sa Corinto dahil sa halip na idaos ang sagradong okasyong ito sa disenteng paraan at nang may pagkakaisa, may ilan na nagdala ng sarili nilang hapunan para kainin bago ang okasyon o habang kasalukuyan itong idinaraos. At may ilan pa nga sa mga ito na nasobrahan sa alak at nalasing. Pero ang iba ay walang hapunan, gutom, at napapahiya dahil wala silang dalang pagkain. Ang ganoong mga Kristiyano, na lasing o hindi makapagpokus, ay wala sa kalagayang makibahagi sa Hapunan ng Panginoon o mapahalagahan ito.
galing sa Panginoon: Dahil hindi kasama ni Jesus at ng 11 apostol si Pablo nang pasimulan ang Hapunan ng Panginoon noong Nisan 14, 33 C.E., lumilitaw na ang itinuturo ni Pablo ay direktang sinabi sa kaniya ng Panginoong Jesus o isiniwalat sa pamamagitan ng espiritu. Sa ilang salin, pangalan ng Diyos ang ginamit dito, pero sa kontekstong ito, lumilitaw na ang terminong Griego na Kyʹri·os (“Panginoon”) ay tumutukoy sa Panginoong Jesu-Kristo.
Sumasagisag: Tingnan ang study note sa Mat 26:26.
tuwing: Sa kontekstong ito, ipinapaliwanag ni Pablo, hindi kung gaano kadalas, kundi kung paano idaraos ang Memoryal. Sa Griego (sa talata 25 at sa talatang ito), ginamit niya ang salitang ho·saʹkis, na nangangahulugang “kada; tuwing.” Kaya ang sinasabi ni Pablo sa mga pinahirang Kristiyano ay ‘Tuwing ginagawa ninyo ito,’ patuloy ninyong inihahayag ang kamatayan ng Panginoon. Gagawin nila ito hanggang sa dumating siya, ibig sabihin, hanggang sa dumating si Jesus para tanggapin sila sa langit at maglapat ng hatol. Sa panahong iyon, hindi na idaraos ang Hapunan ng Panginoon.—Tingnan ang study note sa Mat 24:30.
siya na kumakain at umiinom . . . ay nagdadala ng hatol sa sarili niya: Pinagsasalo-saluhan ang Hapunan ng Panginoon, gaya ng handog na pansalo-salo sa Israel noon. Ang isang mananamba noon ay puwedeng maghandog at pagkatapos ay kumain ng isang bahagi ng inihandog niya kasalo ang iba pa. (Tingnan sa Glosari, “Handog na pansalo-salo.”) Pero sa Kautusang Mosaiko, hindi puwedeng kumain ng ganoong sagradong pagkain ang sinumang marumi. Ang lalabag dito ay “papatayin.” (Lev 7:20, 21) Ganiyan din sa Hapunan ng Panginoon. Nabubuklod ng pananampalataya ang mga pinahirang Kristiyano na nakikibahagi sa tinapay at alak, na sumasagisag sa katawan at dugo ni Jesus, kaya para bang nagsasalo-salo rin sila. Kasalo rin nila si Jehova, ang Tagapagpasimula ng kaayusang ito. Sagrado ang Hapunan ng Panginoon, kaya pinaalalahanan ni Pablo ang mga Kristiyano na suriing mabuti ang kanilang sarili bago makibahagi dito. (1Co 11:27-29) Ang sinumang nakikibahagi dito na mapagpanggap at gumagawa pa rin ng mga gawaing marumi at di-makakasulatan ay “nagdadala ng hatol sa sarili niya” dahil winawalang-galang niya ang pantubos.—Ihambing ang Heb 10:28-31.
namatay na: Lit. “natutulog.” Sa kontekstong ito, lumilitaw na tumutukoy ito sa espirituwal na kamatayan.
dinidisiplina tayo ni Jehova: Pinapayuhan dito ni Pablo ang mga Kristiyano sa Corinto na tanggapin ang disiplina, o pagtutuwid, sa kanila dahil sa kawalang-galang nila sa Hapunan ng Panginoon. (1Co 11:27, 29) Kung tatanggapin ng mga taga-Corinto ang disiplina, maiiwasan nilang mahatulan kasama ng sanlibutan, o ng di-matuwid na mga tao na malayo sa Diyos. Ipinapakita ng Kasulatan na dinidisiplina ni Jehova ang bayan niya kung kailangan, dahil mahal niya sila.—Deu 11:2; Kaw 3:11, 12; Jer 7:28; Heb 12:5, 6.
dinidisiplina . . . ni Jehova: Ang pananalita ni Pablo dito ay kahawig ng nasa Kaw 3:11, 12: “Anak ko, huwag mong itakwil ang disiplina ni Jehova . . . Dahil sinasaway ni Jehova ang mga mahal niya.” Sa Kaw 3:11, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo kasama ng pangngalan para sa “disiplina.” Sa Heb 12:5, 6, sinipi ni Pablo ang mga talatang ito mula sa Kawikaan, kaya pangalan ni Jehova ang ginamit sa mismong teksto ng Bagong Sanlibutang Salin. (Tingnan ang Ap. C1.) Dahil kahawig nito ang pananalita sa 1Co 11:32 at dahil ang mga terminong Griego para sa “disiplina” at “disiplinahin” na ginamit dito at sa Heb 12:5, 6 ay kagaya ng ginamit ng Septuagint sa Kaw 3:11, 12, pangalan ng Diyos ang ginamit sa mismong teksto ng 1Co 11:32.—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; 1Co 11:32.