Unang Liham sa mga Taga-Corinto 16:1-24
Study Notes
paglikom: Ang salitang Griego na lo·giʹa, na isinaling “paglikom,” ay dalawang beses lang lumitaw sa Bibliya, sa 1Co 16:1, 2. Batay sa konteksto at sa salitang ginamit ni Pablo, lumilitaw na tumutukoy ito sa pera, hindi sa pagkain o damit. Sa orihinal na tekstong Griego, gumamit ng tiyak na pantukoy para sa “paglikom,” na nagpapakitang isa itong espesyal na donasyon at alam na ng mga taga-Corinto ang tinutukoy ni Pablo. Lumilitaw na ginawa ang paglikom para sa mga Kristiyano noon sa Judea na hiráp sa buhay.—1Co 16:3; Gal 2:10.
unang araw ng bawat linggo: Posibleng ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang araw pagkatapos ng Sabbath ng mga Judio. Kaya inirerekomenda niya sa bawat Kristiyano sa Corinto na sa unang araw ng linggo, magbukod na sila ng abuloy para sa mga nangangailangan. Ang abuloy ng bawat Kristiyano ay hindi niya ipapaalám sa iba at ayon lang sa kakayahan niya. (1Co 16:1) Hindi itinatakda dito ni Pablo ang araw ng Linggo bilang bagong araw ng Sabbath para sa mga Kristiyano, gaya ng sinasabi ng ilan.—Col 2:16, 17.
isusugo ko ang mga lalaking inaprobahan . . . para magdala sa Jerusalem ng inyong kusang-loob na abuloy: Noong mga 55 C.E., naghirap nang husto ang mga Kristiyano sa Judea, kaya pinangasiwaan ni Pablo ang paglikom ng pondo mula sa mga kongregasyon sa Galacia, Macedonia, at Acaya. (1Co 16:1, 2; 2Co 8:1, 4; 9:1, 2) Noong dadalhin na ni Pablo sa Jerusalem ang abuloy noong 56 C.E., sinamahan siya ng ilang lalaki. Sa mahabang paglalakbay na iyon, dala nila ang perang ipinagkatiwala sa kanila ng maraming kongregasyon; posibleng bawat isa sa mga kongregasyong ito ay nagsugo ng mga lalaki para samahan si Pablo. (Gaw 20:3, 4; Ro 15:25, 26) Posibleng marami ang pinasama kay Pablo dahil may mga magnanakaw sa dadaanan niya. (2Co 11:26) Dahil inaprobahan ang mga lalaking kasama ni Pablo na magdadala ng pera, walang dapat alalahanin ang mga nag-abuloy. Makakatiyak sila na gagamitin sa tamang paraan ang perang iyon.—2Co 8:20.
kung ipapahintulot ni Jehova: Idiniriin nito at ng katulad na mga ekspresyon sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na napakahalagang isaalang-alang ang kalooban ng Diyos kapag gumagawa o nagpaplano ng isang bagay.—Heb 6:3; San 4:15; tingnan ang study note sa 1Co 4:19; para sa paliwanag kung bakit ginamit ang pangalan ng Diyos sa ekspresyong ito, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; 1Co 16:7.
mananatili ako sa Efeso: Matibay na patotoo ito na nasa Efeso si Pablo nang isulat niya ang unang liham niya sa mga taga-Corinto. Isa pang ebidensiya ang nasa 1Co 16:19, kung saan idinagdag ni Pablo ang mga pagbati nina Aquila at Prisca (Priscila) sa sarili niyang pagbati. Ayon sa Gaw 18:18, 19, lumipat ang mag-asawang ito sa Efeso mula sa Corinto.
Kapistahan ng Pentecostes: Tingnan sa Glosari, “Pentecostes,” at Ap. B15.
isang malaking pinto na umaakay sa gawain: Isa ito sa tatlong pagkakataon na ginamit ni Pablo sa makasagisag na diwa ang terminong Griego para sa “pinto.” (2Co 2:12; Col 4:3; tingnan ang study note sa Gaw 14:27.) Malaking tulong ang mga ginawa ni Pablo sa Efeso para lumaganap ang mabuting balita sa buong rehiyon. Ang isang magandang resulta ng pananatili niya nang mga tatlong taon sa Efeso (mga 52-55 C.E.) ay ang paglaganap ng mabuting balita ng Kaharian sa Romanong lalawigan ng Asia. (Gaw 19:10, 26; tingnan sa Glosari, “Asia.”) Umabot pa nga ang mabuting balita sa mga lunsod ng Colosas, Laodicea, at Hierapolis, kahit lumilitaw na hindi naman nakapunta si Pablo sa mga lugar na iyon. Posibleng isinugo niya si Epafras para simulan ang gawaing pangangaral doon. (Col 4:12, 13) Lumilitaw na nakaabot din ang mabuting balita sa mga lunsod ng Filadelfia, Tiatira, at Sardis sa panahong ito ng malawakang pangangaral.
gawain ni Jehova: Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang gawain, o ministeryo, na ipinagkatiwala ng Diyos sa kanila ni Timoteo. Gaya ng binanggit ni Pablo sa 1Co 3:9, pribilehiyo ng mga Kristiyano na maging “kamanggagawa ng Diyos.”—Para sa paliwanag kung bakit ginamit ang pangalan ng Diyos sa ekspresyong ito, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; 1Co 16:10.
Kung tungkol sa kapatid nating si Apolos: Lumilitaw na nagpunta si Apolos sa Efeso o malapit sa lunsod na ito, kung saan isinulat ni Pablo ang 1 Corinto. Nangaral noon si Apolos sa Corinto (Gaw 18:24–19:1a), at mataas ang paggalang sa kaniya ng mga tagaroon. Pinakiusapan siya ni Pablo na dalawin ang kongregasyon sa Corinto, pero wala iyon sa plano ni Apolos nang mga panahong iyon. Posibleng natatakot siya na lalo pang magkabaha-bahagi ang kongregasyon (1Co 1:10-12), o posibleng may iba pa siyang kailangang gawin. Anuman ang dahilan, ang pagtawag ni Pablo kay Apolos na “kapatid” ay nagpapakitang hindi hinayaan ng dalawang masisigasig na misyonerong ito na sirain ng mga paksiyon sa kongregasyon sa Corinto ang pagkakaisa nila, gaya ng ipinapalagay ng ilang komentarista sa Bibliya.—1Co 3:4-9, 21-23; 4:6, 7.
mga kapatid: Sinasabi ng ilan na ang “mga kapatid” na tinutukoy dito ay sina Estefanas, Fortunato, at Acaico, na bumisita kay Pablo sa Efeso (1Co 16:17, 18) at posibleng nagdala ng liham sa Corinto.
maging matapang: O “magpakalalaki.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito (an·driʹzo·mai) ay mula sa pangngalang a·nerʹ, na nangangahulugang “lalaki.” Literal itong nangangahulugang “kumilos na gaya ng isang lalaki,” pero pangunahin itong tumutukoy sa pagiging matapang, gaya ng pagkakasalin dito sa maraming Bibliya. Para sa lahat ng miyembro ng kongregasyon ang sinabi ni Pablo, kaya kailangan ding maging matapang ng mga babae. Kahit pinasigla dito ni Pablo ang mga Kristiyano na magpakalalaki, inilarawan din niya ang sarili niya at ang mga kasama niya na “mapagmahal at mabait,” gaya ng “isang ina.” (1Te 2:7) Dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang pandiwang Griego na an·driʹzo·mai, pero mahigit 20 beses itong ginamit sa Septuagint para ipanumbas sa mga ekspresyong Hebreo na nangangahulugang “magpakalakas-loob; magpakatatag.” Halimbawa, tatlong beses itong ginamit sa Deu 31:6, 7, 23, kung saan inutusan ni Moises ang bayan at si Josue na ‘magpakalakas-loob.’ Tatlong beses din itong ginamit sa Jos 1:6, 7, 9, kung saan sinabihan ni Jehova si Josue na “magpakatatag.”
Acaya: Tingnan ang study note sa Gaw 18:12.
hinihimok ko kayo: O “nakikiusap ako sa inyo.”—Para sa impormasyon tungkol sa salitang Griego na pa·ra·ka·leʹo na ginamit dito, tingnan ang study note sa Ro 12:8.
nandito: Dito, ginamit ni Pablo ang salitang Griego na pa·rou·siʹa para sa tatlong kasama niya. Limang beses pang ginamit sa ganitong diwa ang salitang ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (2Co 7:6, 7; 10:10; Fil 1:26; 2:12) Ginamit din ang terminong ito para tumukoy sa di-nakikitang presensiya ni Jesu-Kristo. (Mat 24:3; 1Co 15:23) Ang terminong pa·rou·siʹa, o “presensiya,” ay puwedeng tumukoy sa di-nakikitang presensiya, gaya ng makikita sa pagkakagamit dito ng Judiong istoryador na si Josephus nang isulat niya sa wikang Griego ang tungkol sa pa·rou·siʹa ng Diyos sa Bundok Sinai. Naramdaman ang di-nakikitang presensiya ng Diyos dahil sa kulog at kidlat. (Jewish Antiquities, III, 80 [v, 2]) Ginamit ni Pablo ang isang kaugnay na pandiwa nang sabihin niyang “kahit wala ako diyan, naririyan (paʹrei·mi) ako sa espiritu.” (1Co 5:3, tlb.) Kahit “pagdating” ang itinumbas dito ng maraming salin, ang saling “nandito” ay sinusuportahan ng pagkakagamit ni Pablo sa salitang ito sa Fil 2:12 para tukuyin ang panahong “kasama” siya ng mga kapuwa niya Kristiyano, kabaligtaran ng panahong “wala” siya.—Tingnan ang study note sa 1Co 15:23.
mga kongregasyon sa Asia: Sa Romanong lalawigan ng Asia. (Tingnan sa Glosari, “Asia.”) Ayon sa Gaw 19:10, noong nasa Efeso si Pablo, “narinig ng lahat ng naninirahan sa lalawigan ng Asia ang salita ng Panginoon.” Habang nasa Efeso si Pablo at isinusulat niya ang 1 Corinto (mga 55 C.E.), malamang na nasa isip niya ang mga kongregasyon sa Colosas, Laodicea, at Hierapolis. (Col 4:12-16) Isa pa, posibleng naitatag na nang panahong iyon ang iba pang kongregasyon na binanggit sa Apocalipsis, gaya ng Smirna, Pergamo, Sardis, Tiatira, at Filadelfia, at posibleng kasama ang mga kongregasyong ito sa pagbating ito.—Apo 1:4, 11.
Aquila at Prisca: Tingnan ang study note sa Gaw 18:2.
kongregasyong nagtitipon sa bahay nila: Kadalasan nang sa bahay nagtitipon ang mga mánanampalatayá noong unang siglo. (Ro 16:3, 5; Col 4:15; Flm 2) Ang salitang Griego para sa ‘kongregasyon’ (ek·kle·siʹa) ay tumutukoy sa isang grupo ng mga tao na nagsasama-sama para sa isang layunin. (1Co 12:28; 2Co 1:1) May ilang Bibliya na gumamit ng “simbahan” para ipanumbas sa salitang Griego na ek·kle·siʹa sa talatang ito at sa iba pang teksto. Pero mas naiisip ng mga tao sa salitang “simbahan” ang mismong gusali na ginagamit sa pagsamba sa halip na ang grupo ng mga taong sumasamba, kaya mas tumpak ang saling ‘kongregasyon.’
Malugod ninyong batiin ang isa’t isa: Tingnan ang study note sa Ro 16:16.
Ako, si Pablo, ay bumabati rin sa inyo: Lit., “Narito ang pagbati ko, ni Pablo, mula sa sarili kong kamay.”—Tingnan ang study note sa 1Co 1:1.
O aming Panginoon, pumarito ka!: Ginamit dito ni Pablo ang ekspresyong Aramaiko na ang transliterasyon sa Griego ay Ma·raʹna tha. Gaya ng iba pang Semitikong ekspresyon na “Amen” at “Hallelujah,” lumilitaw na pamilyar ang kongregasyong Kristiyano sa terminong ito, kaya hindi na ito kailangang ipaliwanag ni Pablo. Kahawig ito ng huling mga pananalita sa Apo 22:20, kung saan sinabi ni apostol Juan: “Amen! Dumating ka nawa, Panginoong Jesus.” Ayon sa ilang iskolar, ang transliterasyon ng ekspresyong Aramaikong ito ay Ma·ranʹ a·thaʹ, na nangangahulugang “Paparating ang aming Panginoon” o “Dumating na ang aming Panginoon.”