Unang Liham sa mga Taga-Corinto 2:1-16

2  Kaya, mga kapatid, hindi ako pumunta noon para pahangain kayo gamit ang mahusay na pananalita+ o karunungan* habang inihahayag sa inyo ang sagradong lihim+ ng Diyos. 2  Dahil ipinasiya kong ituon ang pansin ninyo kay Jesu-Kristo at sa pagpako sa kaniya sa tulos.+ 3  Nang pumunta ako sa inyo, mahina ako, natatakot, at nanginginig; 4  at nang magsalita ako at mangaral, hindi ako gumamit ng mapanghikayat na pananalita gaya ng matatalino, kundi ng mga salitang nagpapakita ng kapangyarihan ng espiritu,+ 5  para ang pananampalataya ninyo ay maging batay sa kapangyarihan ng Diyos at hindi sa karunungan ng tao. 6  At nagsasalita tayo ngayon sa gitna ng mga maygulang* tungkol sa karunungan,+ pero hindi tungkol sa karunungan ng sistemang ito o ng mga tagapamahala ng sistemang ito na maglalaho;+ 7  kundi nagsasalita tayo tungkol sa karunungan ng Diyos na nasa isang sagradong lihim,+ ang nakatagong karunungan, na patiunang itinakda ng Diyos para sa ating kaluwalhatian bago pa umiral ang mga sistema sa mundo. 8  Ang karunungang ito ay hindi nalaman ng mga tagapamahala ng sistemang* ito,+ dahil kung nalaman nila, hindi sana nila pinatay ang maluwalhating Panginoon.+ 9  Gaya ng nasusulat: “Hindi nakita ng mata, hindi narinig ng tainga, at hindi pumasok sa isip* ng tao ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kaniya.”+ 10  Sa atin isiniwalat ng Diyos ang mga ito+ sa pamamagitan ng kaniyang espiritu,+ dahil sinasaliksik ng espiritu ang lahat ng bagay, maging ang malalalim na bagay ng Diyos.+ 11  May iba bang nakaaalam sa kaisipan ng isang tao maliban sa sarili niyang puso?* Sa katulad na paraan, walang nakaaalam sa kaisipan ng Diyos maliban sa espiritu ng Diyos. 12  Ngayon ay tinanggap natin, hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang espiritu na mula sa Diyos,+ para maunawaan natin ang mga bagay na may-kabaitang ibinigay sa atin ng Diyos. 13  At sinasalita rin natin ang mga ito, pero hindi gamit ang mga salitang mula sa karunungan ng tao.+ Gumagamit tayo ng espirituwal na mga salita, mga salitang itinuro ng espiritu,+ para ipaliwanag ang espirituwal na mga bagay.* 14  Pero hindi tinatanggap ng taong pisikal ang mga bagay na mula sa espiritu ng Diyos, dahil kamangmangan sa kaniya ang mga ito; at hindi niya mauunawaan ang mga ito, dahil kailangang suriin ang mga ito sa tulong ng espiritu. 15  Gayunman, sinusuri ng taong espirituwal ang lahat ng bagay,+ pero hindi siya masusuri ng sinumang tao. 16  Dahil “sino ang nakaaalam ng pag-iisip ni Jehova, para maturuan niya siya?”+ Pero taglay natin ang pag-iisip ni Kristo.+

Talababa

O “at malalim na karunungan.”
O “mga matibay ang pananampalataya.” Lit., “mga perpekto.”
O “panahong.”
Lit., “puso.”
Lit., “espiritu.”
O posibleng “Gumagamit tayo ng mga salitang itinuro ng espiritu para ipaliwanag ang espirituwal na mga bagay sa espirituwal na mga tao.”

Study Notes

sistemang ito: O “panahong ito.”—Tingnan ang study note sa 1Co 1:20.

karunungan ng Diyos na nasa isang sagradong lihim: Tumutukoy sa matalinong kaayusan ng Diyos na tatapos sa rebelyong nagsimula sa Eden at magdudulot ng kapayapaan at pagkakaisa sa buong uniberso. (Tingnan sa Glosari, “Sagradong lihim.”) Unang isiniwalat ang “sagradong lihim” (sa Griego, my·steʹri·on; tingnan ang study note sa Mat 13:11) sa hula ni Jehova sa Gen 3:15. Ang “sagradong lihim” ni Jehova ay nakasentro kay Jesu-Kristo. (Efe 1:9, 10; Col 2:2) Kasama rito ang pagkakakilanlan ni Jesus bilang ang ipinangakong supling, o Mesiyas, at ang papel niya sa Kaharian ng Diyos (Mat 13:11); ang pagpili ng mga pinahiran—mula sa mga Judio at Gentil—na makakasama ni Kristo sa Kaharian bilang mga tagapagmana (Luc 22:29, 30; Ro 11:25; Efe 3:3-6; Col 1:26, 27); at ang espesyal na katangian ng kongregasyong ito na binubuo ng 144,000 “binili mula sa sangkatauhan bilang mga unang bunga sa Diyos at sa Kordero” (Apo 14:1, 4). Ang mga bagay na ito ay maiintindihan lang ng mga nag-aaral mabuti ng Kasulatan.

ang nakatagong karunungan: Tinawag ni Pablo ang sagradong lihim na “nakatagong karunungan,” dahil nakatago ito mula sa “mga tagapamahala ng sistemang ito.” (1Co 2:8) Ang lihim na ito ay isiniwalat ng Diyos sa kaniyang mga Kristiyanong lingkod sa pamamagitan ng espiritu niya para maihayag nila ito sa mga tao.

sistema: Ang salitang Griego na ginamit dito, ai·onʹ, ay pangunahin nang nangangahulugang “panahon.” Puwede itong tumukoy sa kalakaran o sa mga pagkakakilanlan ng isang espesipikong yugto ng panahon. Sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa mga sistemang naitatag mula nang magrebelde ang tao sa Eden.—Tingnan sa Glosari, “Sistema,” at study note sa 1Co 10:11.

pinatay: O “ipinako (ibinitin) sa tulos.”—Tingnan ang study note sa Mat 20:19 at Glosari, “Tulos”; “Pahirapang tulos.”

Hindi nakita ng mata, hindi narinig ng tainga: Hindi mababasa ang eksaktong pananalitang ito ni Pablo sa Hebreong Kasulatan kahit sumipi siya mula rito. Lumilitaw na kombinasyon ito ng Isa 52:15 at 64:4. Ang tinutukoy nina Pablo at Isaias ay hindi ang mga pagpapala ni Jehova sa hinaharap para sa bayan niya. Sa halip, ginamit ni Pablo ang pananalita ni Isaias para tumukoy sa mga pagpapalang natatanggap na ng mga Kristiyano noong unang siglo, kasama na ang espirituwal na kaliwanagan at pagkaunawa sa “malalalim na bagay ng Diyos.” (1Co 2:10) Walang halaga ang mga pagpapalang iyon sa mga taong hindi espirituwal. Hindi nila nakikita, o nauunawaan, ang espirituwal na mga katotohanan; at hindi nila naririnig, o naiintindihan, ang ganoong mga bagay. Hindi man lang pumapasok sa isip ng mga taong ito ang “mga bagay na inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kaniya.” Pero isinisiwalat ng Diyos ang mahahalagang katotohanang ito sa pamamagitan ng espiritu niya sa mga taong nakaalay sa kaniya, gaya ni Pablo.

espiritu ng sanlibutan: Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang nangingibabaw na mga ugali at tendensiya ng mga taong hiwalay sa Diyos na Jehova. Dahil sa malawak na impluwensiya ni Satanas, kitang-kita sa espiritu ng sanlibutan ang pagkamakasarili, imoralidad, at kawalang-galang kay Jehova at sa kaniyang matuwid na mga pamantayan. (Efe 2:1-3; 1Ju 5:19) Ang espiritu ng sanlibutan ay sumasalungat sa espiritu na mula sa Diyos, ang kaniyang banal na espiritu.—Para sa paliwanag tungkol sa pagkakagamit ng terminong “espiritu” sa Bibliya, tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”

taong pisikal: Sa kontekstong ito, ang “taong pisikal” ay hindi tumutukoy sa kayarian ng tao na may laman at dugo. Ginamit ang ekspresyong ito bilang kabaligtaran ng “taong espirituwal” sa talata 15, kaya tumutukoy ito sa isang taong walang interes o pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay. Ang salitang Griego na ginamit dito para sa “pisikal,” psy·khi·kosʹ, ay mula sa salitang psy·kheʹ, na isinasalin kung minsan na “kaluluwa.” Sa Bibliya, ang psy·kheʹ ay karaniwan nang tumutukoy sa anumang pisikal, nahahawakan, nakikita, at mortal. (Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”) Ibig sabihin, ang isang taong pisikal ay abala sa pagsapat sa mga pagnanasa niya sa pisikal at materyal na mga bagay, kaya nababale-wala niya ang espirituwal na mga bagay.—Tingnan ang study note sa 1Co 2:15.

taong espirituwal: Lit., “espirituwal.” Ginamit ito dito ni Pablo bilang kabaligtaran ng “taong pisikal” na binanggit sa naunang talata. (Tingnan ang study note sa 1Co 2:14.) Mahalaga sa mga taong espirituwal ang espirituwal na mga bagay, at nagpapagabay sila sa espiritu ng Diyos. Totoong-totoo sa kanila ang Diyos, at sinisikap nilang “tularan . . . ang Diyos.” (Efe 5:1) Inaalam nila ang pananaw ng Diyos sa mga bagay-bagay at sinusunod ang mga pamantayan niya. Sinusuri ng isang taong espirituwal, o malinaw niyang nakikita, ang maling landasin ng isang taong pisikal.

sino ang nakaaalam ng pag-iisip ni Jehova . . . ?: Ang sagot sa tanong na ito ay “Siyempre, wala.” (Ihambing ang Ro 11:33, 34, kung saan sumipi rin si Pablo mula sa Isa 40:13.) Pagkatapos, sinabi ni Pablo: “Pero taglay natin ang pag-iisip ni Kristo.” Hindi lubusang maiintindihan ng tao ang lahat ng kaisipan ni Jehova kahit kailan. Pero mas makikilala ng mga Kristiyano ang Diyos kung pag-aaralan nila ang “pag-iisip ni Kristo” at sisikaping magkaroon ng ganoon ding kaisipan, dahil si Kristo ang “larawan ng di-nakikitang Diyos.” (Col 1:15; tingnan ang study note sa taglay natin ang pag-iisip ni Kristo sa talatang ito.) Sa katunayan, habang mas naiintindihan ng isang Kristiyano ang pag-iisip ni Kristo, mas naiintindihan din niya ang pag-iisip ng Diyos.

pag-iisip ni Jehova: Dito, sumipi si Pablo mula sa Isa 40:13, kung saan ang mababasa sa tekstong Hebreo ay “espiritu ni Jehova.” Pero lumilitaw na sumipi si Pablo mula sa Septuagint, kung saan ang ginamit ay “pag-iisip” (sa Griego, nous) sa halip na “espiritu.” Kahit na ang ginamit sa natitirang mga manuskrito ng Septuagint at Kristiyanong Griegong Kasulatan ay “pag-iisip ng Panginoon,” may matitibay na dahilan para isiping pangalan ng Diyos ang ginamit sa mga manuskritong mula noong unang siglo C.E.—Tingnan ang Ap. A5, C1, at C2.

Jehova: : Sa pagsiping ito sa Isa 40:13, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo ng Isaias.—Tingnan ang Ap. C1 at C2.

taglay natin ang pag-iisip ni Kristo: Magkakaroon ang isang Kristiyano ng “pag-iisip ni Kristo” kung aalamin niya ang paraan ng pag-iisip ni Jesus. Pinag-iisipang mabuti ng gayong tao ang lahat ng aspekto ng personalidad ni Kristo at tinutularan ang paraan ng pag-iisip ni Kristo at ang halimbawa niya ng kapakumbabaan at pagkamasunurin. (1Pe 2:21) Kaya makikita sa “takbo ng . . . isip” ng isang Kristiyano ang kaisipan ni Kristo, kung saan makikita naman ang kaisipan ni Jehova.—Efe 4:23; Ju 14:9.

Media