Unang Liham sa mga Taga-Corinto 4:1-21
Talababa
Study Notes
tagapaglingkod: O “nasa ilalim.” Ang salitang Griego na ginamit dito ay hy·pe·reʹtes, gaya ng ginamit sa Gaw 13:5. Bukal sa puso ang pagsunod ng mga “tagapaglingkod ni Kristo” sa mga utos niya.
katiwala: O “tagapamahala sa sambahayan.” Ang salitang Griego para sa “katiwala” (oi·ko·noʹmos) ay tumutukoy sa isang lingkod na namamahala sa sambahayan, pati na sa negosyo, mga ari-arian, at iba pang lingkod ng panginoon niya. Kaya talagang pinagkakatiwalaan ang ganitong lingkod at inaasahan na magiging tapat siya. (1Co 4:2) Alam ni Pablo na ipinagkatiwala sa kaniya ang “mga sagradong lihim ng Diyos” at na kailangan niya itong ibahagi sa iba, gaya ng utos ng Panginoon, si Jesu-Kristo.—1Co 9:16; tingnan ang study note sa Luc 12:42.
hukuman ng tao: O “tribunal ng tao.” Lit., “araw ng tao.” Dito, ang terminong Griego para sa “araw” ay tumutukoy sa isang araw na nakalaan para sa isang espesyal na bagay. Sa kasong ito, isa itong araw na itinalaga ng isang taong hukom para sa paglilitis o pagbababa ng hatol. Gaya ng makikita sa konteksto, hindi nababahala si Pablo sa paghatol ng mga tao, mga taga-Corinto man o sinumang hukom, sa isang itinakdang araw. Ang iniisip niya ay ang Araw ng Paghatol ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus na mangyayari sa hinaharap.—1Co 4:4, 5.
ang sumusuri sa akin ay si Jehova: Hindi nababahala si Pablo sa paghatol ng mga tao. Hindi man lang siya nagtitiwala sa tingin niya sa sarili niya. (1Co 4:1-3) Ang mahalaga kay Pablo ay kung ano ang tingin sa kaniya ni Jehova. Natutuhan ni Pablo sa Hebreong Kasulatan na si Jehova ang sumusuri sa Kaniyang mga lingkod.—Aw 26:2; Kaw 21:2; Jer 20:12; para sa pagkakagamit ng pangalan ng Diyos sa talatang ito, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; 1Co 4:4.
Huwag higitan ang mga bagay na nasusulat: Hindi ito sinipi mula sa Hebreong Kasulatan. Lumilitaw na isa itong sikat na prinsipyo o kasabihan noon. Ipinapahiwatig nito na hindi dapat magturo ang mga lingkod ng Diyos nang higit sa mga batas at prinsipyong nakasulat sa Salita ng Diyos. Halimbawa, sinasabi ng Kasulatan kung ano dapat ang maging tingin ng Kristiyano sa sarili niya at sa iba, at hindi siya dapat lumampas dito. Ipinagyayabang ng mga taga-Corinto ang ilang partikular na tao, posibleng si Apolos at si Pablo pa nga. May pinapanigan sila kaya nagkakaroon ng pagkakabaha-bahagi. Hanggang sa bahaging ito ng liham ni Pablo, sumipi siya nang maraming beses mula sa Hebreong Kasulatan posibleng para makapagpakita ng mabuting halimbawa sa mga taga-Corinto. Ginawa niya ito para suportahan ang mga argumento niya, gamit ang salitang “nasusulat.”—1Co 1:19, 31; 2:9; 3:19; tingnan din ang 1Co 9:9; 10:7; 14:21; 15:45.
panoorin: Lit., “teatro.” Ang salitang Griego na theʹa·tron ay puwedeng tumukoy sa lugar kung saan itatanghal ang isang panoorin (Gaw 19:29, 31) o sa mismong panoorin, gaya sa talatang ito. Posibleng ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang karaniwang eksena kapag matatapos na ang Romanong paligsahan ng mga gladiator sa ampiteatro. May ilan na pinapapasok sa ampiteatro nang walang suot na pandepensa at brutal na pinapatay. May teatro sa hilagang-kanluran ng pamilihan sa Corinto na makapaglalaman ng mga 15,000 katao. Nang panahong ito, malamang na ginagamit din ang ampiteatro sa hilagang-silangang bahagi ng lunsod. Kaya naiintindihan ng mga Kristiyano sa Corinto ang sinasabi ni Pablo na ang mga apostol ay “panoorin ng buong mundo.”
ng buong mundo at ng mga anghel at ng mga tao: Sa kontekstong ito, ang salitang Griego para sa “mundo” (koʹsmos) ay tumutukoy sa lahat ng tao. Hindi saklaw ng terminong ito ang “mga anghel.” Nang banggitin ni Pablo ang mga “anghel,” sinasabi niya na hindi lang mga tao ang nakakakita sa panooring ito, kundi pati mga di-nakikitang espiritung nilalang. Sa 1Co 1:20, 21, 27, 28; 2:12; 3:19, 22, ginamit ni Pablo ang salitang koʹsmos para tumukoy sa sangkatauhan, at dito, puwedeng ganiyan din ang pagkakagamit niya sa terminong ito.
halos walang maisuot: Ang pandiwang Griego ay literal na nangangahulugang “hubad,” pero sa kontekstong ito, nangangahulugan itong “halos walang maisuot.” (Tingnan ang study note sa Mat 25:36.) Lumilitaw na ikinukumpara ni Pablo ang mapagsakripisyo niyang buhay sa buhay ng ilang Kristiyano sa Corinto na nagyayabang samantalang hindi naman gaanong nagsasakripisyo.—1Co 4:8-10; ihambing ang 2Co 11:5.
basura: Magkasingkahulugan ang mapanlait na mga salitang Griego na ginamit sa talatang ito para sa “basura” (pe·ri·kaʹthar·ma) at dumi (pe·riʹpse·ma). Dito lang lumitaw ang mga ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Pareho itong tumutukoy sa mga basura na itinatapon ng mga tao at sa dumi na inaalis sa paglilinis. Lumilitaw na ganiyan ang tingin ng ilang kritiko kay Pablo at sa pagmimisyonero niya.
tagapag-alaga: O “tagapagturo.” Noong panahon ng Bibliya, maraming mayamang Griego at Romanong pamilya ang may tagapag-alaga, o tagapagturo. Ang ganitong tagapag-alaga ay isang mapagkakatiwalaang alipin o inuupahang trabahador. Pananagutan niyang samahan ang bata papunta ng paaralan at pauwi at protektahan ito mula sa pisikal at moral na panganib. Posibleng pananagutan din ng tagapag-alaga na turuan ang bata ng kagandahang-asal at disiplinahin pa nga. (Gal 3:24, 25) Ginamit dito ni Pablo ang terminong ito sa makasagisag na paraan para ilarawan ang mga lalaking inatasang mangalaga sa espirituwalidad ng mga Kristiyano sa Corinto.—1Co 3:6, 10.
ako ay naging inyong ama: Dito, ikinukumpara ni Pablo ang sarili niya sa isang ama dahil ang ilang Kristiyano sa Corinto ay mga anak niya sa espirituwal. Sa pananatili niya roon nang isa at kalahating taon, ipinangaral niya ang mabuting balita sa marami. (Gaw 18:7-11) Malaki ang papel niya sa pagtatatag ng kongregasyon sa Corinto at sa pangangalaga sa kanila sa espirituwal. (1Co 3:5, 6, 10; ihambing ang 3Ju 4.) Pero hindi sinasabi ni Pablo na dapat siyang tawaging “ama,” dahil pagsuway iyon sa malinaw na utos ni Kristo.—Mat 23:8, 9; tingnan ang study note sa Mat 23:9.
pamamaraan ko: Lit., “mga daan ko.” Ang mababasa sa ilang salin ay “ang paraan ng pamumuhay na sinusunod ko”; “ang paraan ng pamumuhay ko.” Pero makikita sa konteksto na hindi lang ito tumutukoy sa paggawi ni Pablo bilang Kristiyano. Dahil binanggit niya na ‘nagtuturo siya sa bawat kongregasyon sa lahat ng lugar,’ ipinapakita nito na ang tinutukoy niya ay ang paraan niya ng pagtuturo at ang mga prinsipyong sinusunod niya sa kaniyang ministeryong Kristiyano.
kung loloobin ni Jehova: Idiniriin ng ekspresyong ito na napakahalagang isaalang-alang ang kalooban ng Diyos kapag gumagawa o nagpaplano ng isang bagay. Laging nasa isip ni apostol Pablo ang prinsipyong iyan. (Gaw 18:21; 1Co 16:7; Heb 6:3) Pinasigla rin ng alagad na si Santiago ang mga mambabasa niya na sabihin: “Kung kalooban ni Jehova, mabubuhay kami at gagawin namin ito o iyon.” (San 4:15) Hindi sinasabi ni Santiago na kailangang lagi itong sabihin nang malakas ng mga Kristiyano; hindi rin ito dapat iugnay sa mga pamahiin o gawin lang na bukambibig. Sa halip, dapat nilang sikaping alamin ang kalooban ng Diyos at kumilos kaayon nito.