Unang Liham sa mga Taga-Corinto 7:1-40

7  Kung tungkol sa isinulat ninyo, ito ang sagot ko: mas mabuti para sa isang lalaki na huwag humipo ng babae, 2  pero dahil laganap ang seksuwal na imoralidad, ang lalaki ay mag-asawa ng isang babae+ at ang babae ay mag-asawa ng isang lalaki.+ 3  Ibigay ng asawang lalaki ang pangangailangan ng asawa niya, at iyan din ang dapat gawin ng asawang babae sa asawa niya.+ 4  Hindi ang asawang babae ang may awtoridad sa katawan niya kundi ang asawa niya; at hindi ang asawang lalaki ang may awtoridad sa katawan niya kundi ang asawa niya. 5  Huwag ninyong pagkaitan ang isa’t isa, maliban na lang kung napagkasunduan ninyo ito sa loob ng maikling* panahon, para makapaglaan kayo ng panahon sa pananalangin. Pagkatapos, magsama kayong muli, dahil baka hindi kayo makapagpigil sa sarili at tuksuhin kayo ni Satanas. 6  Pero sinasabi ko ito hindi bilang utos kundi para magbigay ng permiso. 7  Ang totoo, gusto ko sana na katulad ko na lang ang lahat ng tao. Pero ang bawat isa ay may sariling kaloob+ mula sa Diyos, sa isa ay ganito, sa iba naman ay ganoon. 8  Sinasabi ko sa mga walang asawa at mga biyuda na mas mabuti para sa kanila na manatiling kagaya ko.+ 9  Pero kung wala silang pagpipigil sa sarili, mag-asawa sila, dahil mas mabuting mag-asawa kaysa hindi makapagpigil* sa matinding pagnanasa.+ 10  Sa mga may asawa, nagbibigay ako ng mga tagubilin, hindi galing sa akin kundi sa Panginoon, na huwag makipaghiwalay ang asawang babae sa asawa niya.+ 11  Pero kung makipaghiwalay siya, dapat siyang manatiling walang asawa o kaya ay makipagkasundo sa asawa niya; at hindi dapat iwan ng asawang lalaki ang asawa niya.+ 12  Pero sa iba naman ay sinasabi ko, oo, ako, hindi ang Panginoon:+ Kung ang isang kapatid ay may asawang babae na di-sumasampalataya pero gusto nitong manatiling kasama niya, huwag niya itong iwan; 13  at kung ang isang babae ay may asawang di-sumasampalataya pero gusto nitong manatiling kasama niya, huwag niya itong iwan. 14  Dahil ang di-sumasampalatayang asawang lalaki ay napababanal dahil sa asawa niya, at ang di-sumasampalatayang asawang babae ay napababanal dahil sa kaniyang sumasampalatayang asawa; kung hindi gayon ay marumi sana ang inyong mga anak, pero banal na sila ngayon. 15  Pero kung nagpasiya ang di-sumasampalataya na iwan ang asawa niya, hayaan siyang gawin iyon. Sa ganitong kalagayan, hindi na nakatali ang kapatid na lalaki o babae; binigyan na kayo ng Diyos ng kapayapaan.+ 16  Dahil ikaw na asawang babae, paano mo malalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa?+ O ikaw na asawang lalaki, paano mo malalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa? 17  Gayunman, mamuhay ang bawat isa ayon sa kalagayang ibinigay sa kaniya ni Jehova, gaya noong tawagin siya ng Diyos.+ Ito rin ang tagubilin ko sa lahat ng kongregasyon. 18  Tuli ba ang isang tao nang tawagin siya?+ Manatili siyang gayon. Siya ba ay di-tuli nang tawagin siya? Huwag na siyang magpatuli.+ 19  Hindi mahalaga ang pagiging tuli o di-tuli;+ ang mahalaga ay ang pagsunod sa mga utos ng Diyos.+ 20  Anuman ang kalagayan ng isang tao nang tawagin siya, manatili siyang gayon.+ 21  Alipin ka ba nang tawagin ka? Huwag mo itong alalahanin;+ pero kung puwede kang maging malaya, samantalahin mo ang pagkakataon. 22  Dahil ang sinumang alipin na tinawag para maging alagad ng Panginoon ay pinalaya at pag-aari na ng Panginoon;+ gayundin, ang sinumang malaya nang tawagin ay alipin na ni Kristo.+ 23  Binili kayo sa malaking halaga;+ huwag na kayong magpaalipin sa tao.+ 24  Mga kapatid, anuman ang kalagayan ng isang tao nang tawagin siya, manatili siyang gayon sa harap ng Diyos. 25  Kung tungkol sa mga birhen, wala akong ibibigay na utos mula sa Panginoon, pero sasabihin ko ang opinyon ko,+ at mapagkakatiwalaan ninyo ito dahil kinaawaan ako ng Panginoon. 26  Sa tingin ko, pinakamabuti para sa isang lalaki na manatili kung ano siya sa kasalukuyan, dahil sa hirap ng kalagayan ngayon. 27  May asawa ka ba? Huwag mo nang hangaring lumaya.+ Wala ka bang asawa? Huwag ka nang maghanap ng asawa. 28  Pero kung mag-asawa ka man, hindi ka nagkakasala. At kung mag-asawa ang isang birhen, hindi siya nagkakasala. Gayunman, ang gagawa nito ay magkakaroon ng karagdagang mga problema sa buhay. Pero gusto kong makaiwas kayo rito. 29  Sinasabi ko rin sa inyo, mga kapatid, na maikli na ang natitirang panahon.+ Kaya mula ngayon, ang mga lalaking may asawa ay maging gaya ng wala, 30  ang mga umiiyak ay maging gaya ng mga hindi umiiyak, ang mga nagsasaya ay maging gaya ng mga hindi nagsasaya, ang mga bumibili ay maging gaya ng mga hindi nagmamay-ari sa binili nila, 31  at ang mga gumagamit ng sanlibutan ay maging gaya ng mga hindi gumagamit nito nang lubusan;+ dahil ang eksena sa sanlibutang ito ay nagbabago. 32  Talagang gusto kong maging malaya kayo sa mga álalahanín. Laging iniisip ng lalaking walang asawa ang mga bagay na may kaugnayan sa Panginoon, kung paano siya magiging kalugod-lugod sa Panginoon. 33  Pero laging iniisip ng lalaking may asawa ang mga bagay sa sanlibutan,+ kung paano niya mapasasaya ang asawa niya, 34  kaya hati ang isip niya. Lagi ring iniisip ng babaeng walang asawa at ng birhen ang mga bagay na may kaugnayan sa Panginoon,+ para maging banal ang katawan at isip* nila. Pero laging iniisip ng babaeng may asawa ang mga bagay sa sanlibutan, kung paano niya mapasasaya ang asawa niya. 35  Sinasabi ko ito para sa kapakinabangan ninyo. Hindi ko kayo hinihigpitan; ang gusto ko ay akayin kayo sa paggawa ng tama at sa patuloy na paglilingkod* sa Panginoon nang walang abala. 36  Pero kung iniisip ng sinuman na gumagawi siya nang di-nararapat para sa isang walang asawa at lampas na siya sa kasibulan ng kabataan, ito ang gawin niya: Mag-asawa siya kung iyon ang gusto niyang gawin. Hindi siya nagkakasala.+ 37  Pero kung naipasiya ng isang tao sa puso niya na huwag mag-asawa at desidido siya rito, at hindi niya nadaramang kailangan niyang mag-asawa at nakokontrol niya ang kaniyang mga pagnanasa, mapapabuti siya.+ 38  Ang nag-aasawa ay napapabuti rin, pero ang hindi nag-aasawa ay mas napapabuti.+ 39  Ang asawang babae ay natatali sa asawa niya habang buháy ito.+ Pero kung mamatay* ang asawa niya, malaya siyang mag-asawa ng sinumang gusto niya, pero dapat na tagasunod ito ng Panginoon.+ 40  Pero sa opinyon ko, mas maligaya siya kung mananatili siya sa kalagayan niya; naniniwala akong nasa akin din ang espiritu ng Diyos.

Talababa

O “itinakdang.”
O “kaysa magningas.”
Lit., “espiritu.”
O “na pag-uukol ng debosyon.”
O “matulog sa kamatayan.”

Study Notes

Kung tungkol sa isinulat ninyo: Gaya ng mababasa dito at sa 1Co 8:1, sumulat kay Pablo ang mga kapatid sa Corinto para magtanong tungkol sa pag-aasawa at sa pagkain ng mga inihain sa idolo.—Tingnan ang study note sa 1Co 1:2; 8:1.

huwag humipo ng babae: Ibig sabihin, huwag makipagtalik sa isang babae. Kaayon ito ng ibang talata sa Bibliya kung saan ang ekspresyong “humipo” ay tumutukoy sa pakikipagtalik. (Kaw 6:29, tlb.) Hindi ipinagbabawal ni Pablo ang pagtatalik ng mga mag-asawa, dahil ipinayo pa nga niya na sapatan ng mga mag-asawa ang seksuwal na pangangailangan ng isa’t isa. (1Co 7:3-5; tingnan ang study note sa 1Co 7:3.) Kaya nang sabihin ni Pablo na “mas mabuti para sa isang lalaki na huwag humipo ng babae,” inirerekomenda niya sa mga Kristiyano ang pananatiling walang asawa.—1Co 7:6-9; ihambing ang Mat 19:10-12.

laganap ang seksuwal na imoralidad: Ginamit dito ang anyong pangmaramihan ng salitang Griego na por·neiʹa. Sa ibang salin, ganito ang mababasa sa umpisa ng teksto: “Dahil karaniwan na lang ang seksuwal na imoralidad.” Ganiyang-ganiyan ang sitwasyon sa Corinto noon.—Tingnan ang study note sa 1Co 5:9.

pangangailangan ng: Lit., “utang niya sa; obligasyon niya sa.” Tumutukoy ito sa seksuwal na ugnayan na kasama sa regalo ng Diyos sa mga mag-asawa. Hindi dapat ipagkait ng mag-asawa sa isa’t isa ang regalong ito, maliban na lang kung napagkasunduan nila ito. (1Co 7:5) At batay sa sinabi ni Jesus, kapag nagtaksil ang isang kabiyak, puwede ring hindi makipagtalik ang asawa niya at puwede rin itong makipagdiborsiyo.—Mat 5:32; 19:9.

para magbigay ng permiso: Lumilitaw na tumutukoy sa payo ni Pablo sa 1Co 7:2.

katulad ko: Walang asawa si apostol Pablo noong naglalakbay siya bilang misyonero. Hindi direktang sinasabi ng Bibliya kung nag-asawa siya. Pero ang ilan sa mga sinabi ni Pablo ay nagpapahiwatig na posibleng biyudo siya.—1Co 7:8; 9:5.

makipagkasundo: Ginamit dito ni Pablo ang pandiwang ka·tal·lasʹso, na pangunahin nang nangangahulugang “makipagpalitan.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pandiwang ito ay nangangahulugang “maging magkaibigan mula sa pagiging magkaaway” o “muling magkasundo.” Posibleng ginamit ni Pablo ang pandiwang ito may kaugnayan sa pag-aasawa para ipakita na puwedeng maayos ang nasirang ugnayan ng mag-asawa, kung paanong puwedeng magkaroon ng mapayapang kaugnayan sa Diyos ang dating kaaway Niya.—Tingnan ang study note sa Ro 5:10.

sinasabi ko, oo, ako, hindi ang Panginoon: Sa kabanatang ito, maraming beses na nilinaw ni Pablo kung ang sinasabi niya ay galing kay Kristo o sarili niyang opinyon. (Tingnan din ang talata 25, 40.) Lumilitaw na mapagpakumbabang ipinapaalala ni Pablo sa mga mambabasa niya na may mga tanong na hindi niya kayang sagutin gamit ang mga pananalita ni Jesu-Kristo. Pero kaya namang magbigay ni Pablo ng sarili niyang opinyon bilang isa sa mga apostol ni Kristo na ginagabayan ng banal na espiritu. Gaya ng ipinangako ni Jesus, gagabayan ng espiritung iyon ang mga tagasunod niya para “lubusan [nilang] maunawaan ang katotohanan.” (Ju 16:13) Kaya ang payo ni Pablo ay mula sa Diyos, at gaya ng iba pang bahagi ng Kasulatan, mapananaligan ito at makakatulong sa lahat ng Kristiyano.—2Ti 3:16.

asawang babae na di-sumasampalataya: Sa kontekstong ito, ang ekspresyong isinaling “di-sumasampalataya” ay hindi tumutukoy sa asawang babae na walang relihiyon. Tumutukoy ito sa isa na hindi nananampalataya kay Jesus at hindi nakaalay kay Jehova. Posibleng isa siyang Judio o mananamba ng mga paganong diyos.

di-sumasampalatayang: Sa kontekstong ito, ginamit ni Pablo ang terminong ‘di-sumasampalataya’ para sa mga hindi nananampalataya sa pantubos ni Jesu-Kristo. Ang mga taong ito ay bahagi ng maruming sanlibutan at bihag ng kasalanan. Kahit may mga di-mánanampalatayá na tapat naman at hindi imoral, hindi pa rin sila banal, o malinis, sa mata ng Diyos.—Ju 8:34-36; 2Co 6:17; San 4:4; tingnan ang study note sa napababanal dahil sa sa talatang ito.

napababanal dahil sa: Ang pandiwang Griego na ha·gi·aʹzo, na isinalin ditong “napababanal,” at ang kaugnay na pang-uring haʹgi·os, na nangangahulugang “banal,” ay nagpapahiwatig ng pagiging nakabukod para sa Diyos. Ang lahat ng napabanal ay sagrado, malinis, at ibinukod para sa paglilingkod sa Diyos. (Mar 6:20; 2Co 7:1; 1Pe 1:15, 16; tingnan sa Glosari, “Banal; Kabanalan.”) Nagkakaroon ng ganitong malinis na katayuan sa harap ng Diyos ang mga nananampalataya sa pantubos na inilaan niya sa pamamagitan ng kaniyang Anak.—Tingnan ang study note sa di-sumasampalatayang sa talatang ito.

banal: Hindi sinasabi ni Pablo na ang mismong buklod ng pag-aasawa ang ‘nagpapabanal’ sa isang di-sumasampalatayang asawa. Posibleng may ginagawa itong mali o marumi. Sinasabi lang ni Pablo na ang di-sumasampalataya ay napababanal “dahil” sa sumasampalatayang asawa niya. Kaya para sa Diyos, malinis at marangal ang pagsasama nila. Dahil sa sumasampalatayang asawa, ang mga anak ay maituturing ding banal at aalagaan at poprotektahan sila ng Diyos. Mas maganda ang kalagayan ng mga batang ito kaysa sa mga batang walang isa mang magulang na sumasampalataya.

iwan: O “hiwalayan.” Sa 1Co 7:10, 11, ang salitang Griego na ginamit dito, kho·riʹzo, ay isinaling “makipaghiwalay.”

bawat isa ayon sa kalagayang ibinigay sa kaniya ni Jehova: O “bawat isa ayon sa bahaging ibinigay sa kaniya ni Jehova.” Tumutukoy ito sa kalagayan sa buhay na ibinigay ni Jehova sa bawat Kristiyano o ipinahintulot niya. Pinapasigla ni Pablo ang mga Kristiyano na patuloy na “mamuhay” nang hindi nakapokus sa pagbago sa kalagayan nila. Ang terminong Griego na isinaling “bawat isa” sa talatang ito ay ginamit niya nang dalawang beses sa orihinal na wika, posibleng para idiin ang malasakit ng Diyos sa bawat Kristiyano. “Panginoon” (sa Griego, ho Kyʹri·os) ang ginamit sa karamihan ng manuskritong Griego sa talatang ito, pero may makatuwirang mga dahilan para gamitin ang pangalan ng Diyos sa mismong teksto.—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; 1Co 7:17.

Diyos: “Diyos” ang mababasa sa mga sinaunang manuskritong Griego. Pero “Panginoon” ang ginamit sa mas bagong mga manuskrito. “Jehova” ang mababasa sa ilang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (may code na J7, 8, 10 sa Ap. C4) sa bahaging ito ng teksto.

Manatili siyang gayon: Posibleng nasa isip dito ni Pablo ang ginagawa ng ilang atletang Judio na gustong sumali sa mga paligsahan ng mga Griego, kung saan hubad ang mga mananakbo. Para hindi malait at mapahiya ang mga tuling Judio, ang ilan ay nagpapaopera para pagmukhaing may dulong-balat ang ari nila. Lumilitaw na nagkakabaha-bahagi ang kongregasyon sa Corinto dahil sa pagtutuli, kaya pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano na huwag nang baguhin ang kalagayan nila nang tawagin sila, mga tuli man sila noon o hindi.—1Co 7:17-20; Heb 13:17.

pinalaya at pag-aari na ng Panginoon . . . malaya: Ang isang taong pinalaya (sa Griego, a·pe·leuʹthe·ros) ay tumutukoy sa isang alipin noon na malaya na. Sa Kasulatan, dito lang ginamit ang terminong Griegong ito. Pero kilalá sa lunsod ng Corinto ang mga “pinalaya” dahil marami sa kanila ang nanirahan dito nang muli itong itayo ng Roma. Naging Kristiyano ang ilan sa kanila. May mga Kristiyano naman na hindi naranasang maging alipin. “Malaya” (sa Griego, e·leuʹthe·ros) ang tawag sa kanila ni Pablo dahil ipinanganak silang malaya. Pero ang mga Kristiyanong “malaya” at “pinalaya” ay parehong “binili . . . sa malaking halaga,” ang dugo ni Jesus. Kaya pareho silang alipin ng Diyos at ni Jesu-Kristo, at dapat silang sumunod sa mga utos nila. Sa kongregasyong Kristiyano, walang pagkakaiba ang isang alipin, taong malaya, at pinalaya.—1Co 7:23; Gal 3:28; Heb 2:14, 15; 1Pe 1:18, 19; 2:16; tingnan sa Glosari, “Malaya; Pinalaya.”

birhen: O “hindi pa kailanman nag-asawa.” Ang salitang Griego na par·theʹnos, na madalas isinasaling “birhen,” ay literal na tumutukoy sa “isa na hindi kailanman nakipagtalik” at puwedeng tumukoy sa lalaki at babae sa literal at makasagisag na diwa. (Mat 25:1-12; Luc 1:27; Apo 14:4; tingnan ang study note sa Gaw 21:9.) Pero ang sumunod na mga talata (1Co 7:32-35) ay hindi lang para sa mga birhen, kundi sa sinumang walang asawa.

sasabihin ko ang opinyon ko: Sinasabi dito ni Pablo ang sarili niyang opinyon tungkol sa pag-aasawa at pagiging walang asawa. Hindi niya hinahatulan o ipinagbabawal ang pag-aasawa, pero ginabayan siya ng Diyos para idiin ang pakinabang ng pagiging walang asawa sa paglilingkod sa Panginoon.—Tingnan ang study note sa 1Co 7:12.

isang birhen: Tingnan ang study note sa 1Co 7:25.

karagdagang mga problema sa buhay: Lit., “kapighatian sa laman.” Ang salitang Griego na isinalin ditong “problema” ay pangunahin nang tumutukoy sa mga kapighatian, pag-aalala, at pagdurusa dahil sa isang mahirap na sitwasyon. Ang salitang Griego para sa “laman” ay kadalasan nang tumutukoy sa tao. (Tingnan ang study note sa Ro 3:20.) Sa kontekstong ito, ang ekspresyong “kapighatian sa laman” ay tumutukoy sa mga problema at pagsubok na karaniwan sa mga mag-asawa, na naging “isang laman” sa paningin ng Diyos. (Mat 19:6) Sa ilang salin, ang ginamit ay “kahirapan sa buhay; pang-araw-araw na problema.” Ang ilan sa mga “karagdagang problema” ng mga mag-asawa at may pamilya ay pagkakasakit, kahirapan, at para sa mga Kristiyano, pag-uusig.—Tingnan ang study note sa 2Co 1:4.

gumagamit ng sanlibutan: Sa maraming teksto, ang salitang Griego na isinaling “sanlibutan” (koʹsmos) ay pangunahin nang tumutukoy sa sangkatauhan. (Tingnan ang study note sa Ju 1:9, 10; 3:16.) Pero sa kontekstong ito, tumutukoy ang “sanlibutan” sa sistema ng mundo na kinabubuhayan ng mga tao. Kasama rito ang mga bagay na may kaugnayan sa sistemang pang-ekonomiya ng mundo, gaya ng tirahan, pagkain, at pananamit. (Tingnan ang study note sa Luc 9:25.) ‘Nagagamit’ ng mga Kristiyano ang sanlibutan sa paglalaan ng materyal na pangangailangan nila at ng kanilang pamilya. Pero iniiwasan nilang gamitin ito nang lubusan, ibig sabihin, hindi ito ang pinakamahalaga sa buhay nila.

ang eksena sa sanlibutang ito ay nagbabago: Ang salitang Griego na isinalin ditong “eksena” ay tumutukoy sa “kalakaran” o “kasalukuyang sistema.” Posibleng nasa isip dito ni Pablo ang mga teatro noong panahon niya; ikinumpara niya ang mundong ito sa isang entablado, kung saan nagbabago ang eksena at mabilis na napapalitan ang mga gumaganap. Posible ring ipinapahiwatig ng ekspresyong ito na ang kasalukuyang kalakaran o sistema sa sanlibutan ay “lumilipas.”—1Ju 2:17.

Laging iniisip: Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay me·ri·mnaʹo, na may iba’t ibang kahulugan depende sa konteksto. Sa tekstong ito, ginamit ito sa positibong paraan; nagpapahiwatig ito ng pananabik at pagiging nakapokus sa espirituwal na mga bagay para mapasaya ang Panginoon. Sa sumunod na mga talata, tumutukoy ito sa mga asawang lalaki at babae na laging iniisip ang emosyonal, pisikal, at materyal na pangangailangan ng kanilang asawa. (1Co 7:33, 34) Sa 1Co 12:25, ginamit din ang pandiwang ito para ilarawan ang malasakit na nararamdaman ng mga miyembro ng kongregasyon sa isa’t isa. Sa ibang konteksto, puwede itong tumukoy sa pagkabahala ng isang tao na nagiging dahilan para mahati ang isip niya, mawala siya sa pokus, at mawalan ng kagalakan.—Mat 6:25, 27, 28, 31, 34; Luc 12:11, 22, 25, 26; tingnan ang study note sa Mat 6:25; Luc 12:22.

mga bagay na may kaugnayan sa Panginoon: Lahat ng bagay na sumusuporta sa layunin at kalooban ng Anak ng Diyos at ng kaniyang Ama, si Jehova. Ang mga bagay na ito ay nauugnay sa buhay, pagsamba, at ministeryo ng mga Kristiyano.—Mat 4:10; Ro 14:8; 2Co 2:17; 3:5, 6; 4:1; tingnan ang study note sa 1Co 7:33.

mga bagay sa sanlibutan: Dito, ang salitang Griego na koʹsmos, na isinaling “sanlibutan,” ay tumutukoy sa mundong kinabubuhayan ng tao at sa sistema nito. Kasama sa “mga bagay” na tinutukoy rito ang pang-araw-araw o di-espirituwal na mga bagay na mahalaga sa buhay ng tao, gaya ng pagkain, damit, at tirahan. Kaya sa kontekstong ito, hindi tinutukoy ni Pablo ang mga bagay sa di-matuwid na sanlibutan na dapat iwasan ng mga Kristiyano, gaya ng nabanggit sa 1Ju 2:15-17.—Tingnan ang study note sa 1Co 7:32.

hinihigpitan: Lit., “tinatalian.” Sa literal, puwede itong tumukoy sa paglalagay ng tali sa leeg ng isang hayop para hulihin ito o makontrol. Ginagamit din ito sa mga taong nabihag. Sa kontekstong ito, nangangahulugan ito ng paglalagay ng restriksiyon sa isang tao o pagkontrol sa kaniya. Noong nagpapayo si Pablo tungkol sa pag-aasawa at pagiging walang asawa (1Co 7:25-34), hindi niya pinaghihigpitan ang mga Kristiyano sa Corinto; gusto lang niya silang tulungan na makapaglingkod “sa Panginoon nang walang abala.”

para sa isang walang asawa: O “dahil sa pananatiling birhen.” Ang salitang Griego na ginamit dito, par·theʹnos, ay madalas isaling “birhen.” Sa kontekstong ito, maliwanag na hindi ito tumutukoy sa mismong taong birhen o walang asawa, kundi sa pagiging birhen niya, o sa kaniyang pananatiling walang asawa at birhen. Sa naunang mga talata, inirerekomenda ni Pablo ang pagiging walang asawa, at karugtong ito ng payong iyon.

lampas na siya sa kasibulan ng kabataan: Ang ekspresyong ito ay katumbas ng salitang Griego na hy·perʹak·mos, na galing sa salitang hy·perʹ, na nangangahulugang “lampas,” at ak·meʹ, na nangangahulugang “kasibulan” o “tuktok.” Ang ikalawang bahagi ng ekspresyon ay madalas na tumutukoy sa pamumukadkad ng bulaklak. Dito, lumilitaw na ang “kasibulan ng kabataan” ay tumutukoy sa panahong lubusan nang na-develop ang katawan ng isang kabataan kaya posible na siyang magkaanak. Pero kadalasan nang kasama sa pagbabagong ito ang matitinding emosyon na puwedeng makaapekto sa paggawa ng tamang mga desisyon. Sa kontekstong ito, tinatalakay ni Pablo ang mga pakinabang ng pagiging walang asawa. Ipinapahiwatig ng payo niya na kahit lubusan nang na-develop ang katawan ng isang kabataan pero kailangan niya pang pasulungin ang kaniyang emosyon at espirituwalidad, mas mabuting magpakita muna siya ng pagpipigil sa sarili at huwag magmadaling mag-asawa.

huwag mag-asawa: O “manatiling birhen.” Gaya ng ipinaliwanag sa study note sa 1Co 7:36, ang salitang Griego na par·theʹnos sa kontekstong ito ay hindi tumutukoy sa mismong tao na birhen o walang asawa, kundi sa pagiging birhen niya, o sa kaniyang pananatiling walang asawa at birhen. Ang pagkaunawang ito ay kaayon ng konteksto, dahil ipinapaliwanag dito ni Pablo ang mga pakinabang ng pananatiling walang asawa.—1Co 7:32-35.

nag-aasawa: O “nagbibigay ng kaniyang pagkabirhen sa pag-aasawa.”—Tingnan ang study note sa 1Co 7:36, 37.

dapat na tagasunod ito ng Panginoon: Lit., “tangi lang sa Panginoon.” Tumutukoy ito sa kapuwa Kristiyano. Ang payong ito mula sa Diyos ay para sa lahat ng Kristiyano. Ginamit din ni Pablo ang literal na ekspresyong “sa Panginoon” sa Ro 16:8-11, kung saan isinalin itong “tagasunod ng Panginoon.” Sa Col 4:7, ginamit niya rin ito kasama ang mga terminong “minamahal na kapatid,” “kapuwa alipin,” at “tapat na lingkod.” Ang mga Judiong Kristiyano ay pamilyar sa utos ng Diyos sa Israel na ‘huwag makipag-alyansa sa pag-aasawa’ sa sinumang nagmula sa mga paganong bansa. Binabalaan ni Jehova ang Israel: “Itatalikod nila [ng mga di-Israelita] sa akin ang inyong mga anak at maglilingkod ang mga ito sa ibang mga diyos.” (Deu 7:3, 4) Kaya noong panahon ng mga Kristiyano, ang payong “dapat na tagasunod . . . ng Panginoon” ang piliing asawa ng isa ay nangangahulugang dapat na mananamba lang ni Jehova at tagasunod ni Kristo ang piliin niyang asawa.

Panginoon: Sa kontekstong ito, ang titulong “Panginoon” ay puwedeng tumukoy kay Jesu-Kristo o sa Diyos na Jehova.

sa opinyon ko: Tingnan ang study note sa 1Co 7:25.

Media