Unang Liham sa mga Taga-Corinto 9:1-27

9  Hindi ba ako malaya? Hindi ba ako apostol?+ Hindi ko ba nakita si Jesus na ating Panginoon?+ Hindi ba kayo ang bunga ng paglilingkod ko sa Panginoon? 2  Kung hindi ako naglingkod bilang apostol sa iba, naglingkod ako bilang apostol sa inyo! At kayo ang tatak na nagpapatunay na apostol ako ng Panginoon.+ 3  Ito ang depensa ko sa mga pumupuna sa akin: 4  Hindi ba may karapatan* kaming kumain at uminom? 5  Hindi ba may karapatan kaming magkaroon ng sumasampalatayang asawa+ na maisasama namin sa paglalakbay, gaya ng ibang apostol, ng mga kapatid ng Panginoon,+ at ni Cefas?+ 6  Kami lang ba ni Bernabe+ ang walang karapatang tumigil sa paghahanapbuhay?* 7  Sino bang sundalo ang maglilingkod sa sarili niyang gastos? Sino ang nagtatanim ng ubas at hindi kumakain ng bunga nito?+ O sino ang nagpapastol ng kawan at hindi nakikinabang sa gatas nito? 8  Kaisipan ba ng tao ang sinasabi ko? Hindi ba sinasabi rin ito sa Kautusan? 9  Dahil nakasulat sa Kautusan ni Moises: “Huwag mong bubusalan ang* toro habang gumigiik ito.”+ Mga toro ba ang pinagmamalasakitan ng Diyos? 10  O sinabi niya iyon para sa kapakanan natin? Talagang isinulat iyon para sa kapakanan natin, dahil ang taong nag-aararo at ang taong gumigiik ay dapat magtrabaho sa pag-asang makatatanggap sila ng parte sa ani. 11  Kung naghasik kami sa inyo ng espirituwal na mga bagay, mali ba kung tumanggap* kami sa inyo ng materyal na suporta?+ 12  Kung ang ibang tao ay may karapatang tumanggap ng suporta mula sa inyo, hindi ba lalo na kami? Pero kahit may karapatan* kami, hindi kami humihiling ng anuman sa inyo,+ kundi tinitiis namin ang lahat para hindi namin mahadlangan sa anumang paraan ang mabuting balita tungkol sa Kristo.+ 13  Hindi ba ninyo alam na ang mga lalaking gumaganap ng sagradong mga atas ay kumakain ng mga bagay na mula sa templo, at ang mga regular na naglilingkod sa altar ay may parte sa mga bagay na inihahandog sa altar?+ 14  Sa katulad na paraan, ipinag-utos ng Panginoon na ang mga naghahayag ng mabuting balita ay matustusan sa pamamagitan ng mabuting balita.+ 15  Pero hindi ko ginamit ang kahit isa man sa mga paglalaang ito.+ At hindi ko ito isinulat para ito ang gawin sa akin. Mas mabuti pang mamatay ako—walang taong makapag-aalis ng dahilan ko para magmalaki!+ 16  Ngayon, kung inihahayag ko ang mabuting balita, hindi dahilan iyon para magmalaki ako, dahil ang pananagutan ay nakaatang sa akin.+ Talagang kaawa-awa ako kung hindi ko ihahayag ang mabuting balita!+ 17  Kung ginagawa ko ito nang bukal sa loob, may gantimpala ako; pero kahit gawin ko ito nang labag sa kalooban ko, nasa akin pa rin ang responsibilidad na ipinagkatiwala sa akin.+ 18  Kung gayon, ano ang gantimpala ko? Ang gantimpala ko ay ang ihayag ang mabuting balita nang walang bayad. Sa ganitong paraan, maiiwasan kong abusuhin ang awtoridad* ko bilang mángangarál ng mabuting balita. 19  Dahil kahit wala akong pagkakautang sa sinumang tao, nagpaalipin ako sa lahat para maakay ko ang pinakamaraming tao hangga’t posible. 20  Sa mga Judio, ako ay naging gaya ng Judio, para maakay ko ang mga Judio;+ sa mga nasa ilalim ng kautusan, ako ay naging gaya ng nasa ilalim ng kautusan, kahit na wala ako sa ilalim ng kautusan, para maakay ko ang mga nasa ilalim ng kautusan.+ 21  Sa mga walang kautusan, ako ay naging gaya ng walang kautusan,+ kahit na sumusunod ako sa kautusan ng Diyos at nasa ilalim ako ng kautusan ni Kristo,+ para maakay ko ang mga walang kautusan. 22  Sa mahihina, ako ay naging mahina, para maakay ko ang mahihina.+ Ako ay naging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao para mailigtas ko ang ilan sa anumang paraan. 23  Ginagawa ko ang lahat alang-alang sa mabuting balita para maibahagi ko ito sa iba.+ 24  Hindi ba ninyo alam na lahat ng kasali sa takbuhan ay tumatakbo, pero isa lang ang tumatanggap ng gantimpala? Tumakbo kayo sa paraang makukuha ninyo ito.+ 25  Ang lahat ng kasali sa isang paligsahan ay nagpipigil sa sarili sa lahat ng bagay. Ginagawa nila ito para tumanggap ng isang koronang nasisira,+ pero ginagawa natin ito para sa gantimpalang hindi nasisira.+ 26  Kaya nga, hindi ako tumatakbo nang walang patutunguhan;+ hindi ako sumusuntok na parang sumusuntok sa hangin;+ 27  kundi binubugbog ko ang aking katawan+ at ginagawa itong alipin, dahil baka pagkatapos kong mangaral sa iba, ako naman ang hindi sang-ayunan.*

Talababa

Lit., “awtoridad.”
O “ang dapat maghanapbuhay?”
O “tatakpan ang bibig ng.”
Lit., “umani.”
Lit., “awtoridad.”
O “ang mga karapatan.”
O “ang maging hindi kuwalipikado.”

Study Notes

apostol: Tingnan ang study note sa Ro 1:1.

sumasampalatayang asawa: O “asawang kapatid,” ibig sabihin, asawang Kristiyano. Sa kongregasyong Kristiyano, ang mga babae ay itinuturing na mga kapatid sa espirituwal.—Ro 16:1; 1Co 7:15; San 2:15.

Cefas: Isa sa mga pangalan ni apostol Pedro. (Tingnan ang study note sa Mat 10:2; 1Co 1:12.) Dito, binanggit na may asawa si Cefas. Gaya ng makikita sa mga Ebanghelyo, nakatira sa bahay nila ang biyenan niyang babae, pati na ang kapatid niyang si Andres. (Mat 8:14; Mar 1:29-31; tingnan ang study note sa Luc 4:38.) Ipinapakita ng talatang ito na kung minsan, sinasamahan si Cefas ng asawa niya sa kaniyang ministeryo. Ang iba pang mga apostol at ang mga kapatid ni Jesus sa ina ay sinasamahan din ng mga asawa nila.

sa sarili niyang gastos: Lit., “sa sarili niyang suweldo.” Ginamit dito ni Pablo ang isang terminong Griego na tumutukoy sa “suweldo” ng isang sundalo. (Tingnan ang study note sa Luc 3:14.) Sa kontekstong ito, ginamit ang terminong ito para ipakita na nararapat ding tumanggap ng kahit kaunting materyal na suporta ang masisipag na Kristiyanong “sundalo.”

Mga toro ba ang pinagmamalasakitan ng Diyos?: Ginamit ni Pablo ang retorikal na tanong na ito para idiin ang punto niya. Sinipi muna niya ang Kautusang Mosaiko, na nagsasabi: “Huwag mong bubusalan ang toro habang gumigiik ito.” (Deu 25:4) Kung paanong puwedeng kumain ang toro ng ginigiik nitong butil, karapat-dapat din sa materyal na suporta ang mga Kristiyano na nagbabahagi sa iba ng espirituwal na mga bagay. Sa 1Co 9:10, sinabi ni Pablo na ang utos sa Deu 25:4 ay “talagang isinulat . . . para sa kapakanan natin.” Hindi sinasabi ni Pablo na bale-walain ng mga Kristiyano ang utos ng Diyos na alagaan ang mga hayop. Sinasabi niya lang na kung angkop ang ganitong pagtrato sa mga hayop na nagtatrabaho, lalo nang dapat pakitunguhan sa ganitong paraan ang mga tao—partikular na ang mga nagpapakapagod sa paglilingkod sa Diyos.

pananagutan: Inatasan si Pablo na mangaral, at itinuring niya itong isang pananagutan. (Gaw 9:15-17; Gal 1:15, 16) Ang salitang Griego para sa “pananagutan” ay isinalin ding “matinding dahilan.” (Ro 13:5) Sinabi pa ni Pablo: Kaawa-awa ako kung hindi ko ihahayag ang mabuting balita! Ginamit niya ang salitang Griego na isinaling “kaawa-awa” para ipakitang talagang maghihirap ang kalooban niya kung hindi niya gagampanan ang pananagutang ito. Nakasalalay ang buhay niya sa pananatiling tapat. (Ihambing ang Eze 33:7-9, 18; Gaw 20:26.) Posibleng nasa isip ni Pablo ang mga sinabi nina Jeremias at Amos. (Jer 20:9; Am 3:8) Pero hindi siya nangangaral dahil lang sa obligasyon, kundi dahil sa pag-ibig.—2Co 5:14, 20; Fil 1:16.

Sa mga Judio, ako ay naging gaya ng Judio: Dahil isang Judio si Pablo at handa siyang ‘gawin ang lahat alang-alang sa mabuting balita,’ natulungan niya ang mapagpakumbabang mga Judio na tanggapin si Jesus bilang Mesiyas. (1Co 9:23) Halimbawa, nang isama ni Pablo si Timoteo, “tinuli muna niya ito dahil sa mga Judio.” Ginawa ito ni Pablo—at nakipagtulungan naman si Timoteo—kahit pa hindi na kailangan ng mga Kristiyano na magpatuli.—Gaw 16:1-3.

Sa mga walang kautusan, ako ay naging gaya ng walang kautusan: Ang ekspresyong “mga walang kautusan” ay tumutukoy sa mga Gentil, o di-Judio, na wala sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. Noong nagpapatotoo si Pablo sa mga Griego sa Atenas, isinaalang-alang niya ang takbo ng isip nila at nagsalita siya tungkol sa Diyos na hindi nila kilala; sumipi pa nga siya mula sa mga makatang Griego.—Gaw 17:22-34.

Sa mahihina, ako ay naging mahina: Kahit mapuwersang magsalita si Pablo, isinaalang-alang niya ang sensitibong konsensiya ng ilang Judio at Gentil sa kongregasyon, kaya masasabing “naging mahina” siya para sa mahihina.—Ro 14:1, 13, 19; 15:1.

Ginagawa ko ang lahat alang-alang sa mabuting balita: Ipinapakita ng sinabing ito ni Pablo na ibinagay niya sa iba’t ibang uri ng tao ang paraan ng pangangaral niya para maging epektibo siya. (1Co 9:19-23) Pero hindi niya kailanman ‘pinilipit ang salita ng Diyos’ o hindi siya ‘nanlinlang’ para lang makagawa ng alagad.—2Co 4:2.

kasali sa takbuhan: Mahalagang bahagi ng kulturang Griego ang paligsahan ng mga atleta, kaya epektibong nagamit ni Pablo ang mga paligsahang ito sa mga ilustrasyon niya. (1Co 9:24-27; Fil 3:14; 2Ti 2:5; 4:7, 8; Heb 12:1, 2) Pamilyar ang mga Kristiyano sa Corinto sa Palarong Isthmian na ginaganap malapit sa lunsod nila. Nagkakaroon ng ganitong palaro kada dalawang taon. Malamang na nasa Corinto si Pablo nang idaos ang palarong ito noong 51 C.E. Ikalawa ito sa pinakasikat na palaro noon, ang Olympics na ginaganap sa Olympia sa Gresya. Iba-iba ang haba ng tinatakbo ng mga kasali sa ganitong mga palarong Griego. Sa paggamit ni Pablo ng mananakbo at boksingero sa mga ilustrasyon niya, naituro niya ang kahalagahan ng pagpipigil sa sarili, pagiging epektibo, at pagtitiis.—1Co 9:26.

takbuhan: Ang terminong Griego na staʹdi·on ay isinalin ditong “takbuhan.” Ang salitang Griegong ito ay puwedeng tumukoy sa istraktura na ginagamit para sa takbuhan at iba pang malalaking pagtitipon, sa isang sukat ng distansiya, o sa mismong takbuhan. Sa kontekstong ito, ang mismong takbuhan ang tinutukoy ni Pablo. Iba-iba ang haba ng Griegong staʹdi·on, depende sa lugar. Sa Corinto, ito ay mga 165 m (540 ft). Ang Romanong estadyo naman ay mga 185 m, o 606.95 ft.—Tingnan ang Ap. B14.

isa lang ang tumatanggap ng gantimpala: Sa mga paligsahang Griego noon, ang nagwaging atleta ay tumatanggap ng isang putong, na karaniwan nang gawa sa dahon, bilang premyo. Ang koronang ito ay tanda ng malaking karangalan, at lumilitaw na idinidispley ito sa istadyum para makita ng mga kasali sa palaro ang premyo nila. Hinimok ni Pablo ang mga pinahirang Kristiyano na pagsikapang makuha ang premyo na di-hamak na nakahihigit sa isang nasisirang putong—ang di-nasisirang korona ng imortalidad. Para magwagi ang isang Kristiyano, dapat siyang tumitig sa gantimpala.—1Co 9:25; 15:53; 1Pe 1:3, 4; 5:4.

lahat ng kasali sa isang paligsahan: O “lahat ng atleta.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay kaugnay ng isang pangngalan na kadalasang tumutukoy sa paligsahan ng mga atleta. Sa Heb 12:1, ginamit ang pangngalang ito para sa Kristiyanong “takbuhan” tungo sa buhay. Isinasalin din itong “problema” (Fil 1:30), “paghihirap” (Col 2:1), o “pakikipaglaban” (1Ti 6:12; 2Ti 4:7). Ang mga anyo ng pandiwang Griego na ginamit dito sa 1Co 9:25 ay isinaling “magsikap kayo nang husto” (Luc 13:24), “nagsisikap . . . nang husto” (Col 1:29; 1Ti 4:10), “marubdob” (Col 4:12), at “pakikipaglaban” (1Ti 6:12). —Tingnan ang study note sa Luc 13:24.

nagpipigil sa sarili: Ang mga atleta ay nagpipigil sa sarili habang naghahanda para sa isang kompetisyon. Marami ang nagdidiyeta, at ang ilan ay hindi muna umiinom ng alak. Isinulat ng istoryador na si Pausanias na umaabot nang 10 buwan ang pagsasanay para sa Olympics, at ipinapalagay na halos ganiyan din kahaba ang pagsasanay para sa iba pang malalaking palaro.

sumusuntok: Dito, inihahalintulad ni Pablo ang sarili niya sa isang boksingero na gustong manalo. Sinisigurado ng isang boksingerong sinanay nang mabuti na hindi nasasayang ang bawat suntok niya; hindi siya sumusuntok sa hangin para hindi maaksaya ang lakas niya. Sa katulad na paraan, dapat ding pag-isipang mabuti ng isang Kristiyano kung paano niya ginagamit ang lakas niya. Dapat na pagsikapan niyang makuha ang pinakamalaking gantimpala, ang buhay na walang hanggan. (Mat 7:24, 25; San 1:22) Lumalaban siya sa anumang hadlang o pagsubok—kasama na ang sarili niyang mga kahinaan—na puwedeng magpabagsak sa kaniya.—1Co 9:27; 1Ti 6:12.

binubugbog ko: O “pinaparusahan ko; dinidisiplina ko nang husto.” Ang salitang Griego na isinaling “binubugbog” ay literal na nangangahulugang “sinusuntok sa ilalim [ng mata].” Kailangang disiplinahin ng isang Kristiyano ang sarili niya at magpakita ng pagpipigil sa sarili kahit pa mahirapan siya, na para bang sinusuntok siya sa ilalim ng mata. Makakatulong ang ganitong disiplina sa sarili para lagi siyang “sang-ayunan” ng Diyos.—Ihambing ang study note sa Luc 18:5.

Media